Text copied!
CopyCompare
Ang Dating Biblia (1905) - 1 Samuel

1 Samuel 7

Play LogoGoogle Play  APK Logo APK
Click on verse(s) to share them!
1At ang mga lalake sa Chiriath-jearim ay nagsiparoon, at iniahon ang kaban ng Panginoon, at dinala sa bahay ni Abinadab sa burol, at pinapagbanal si Eleazar na kaniyang anak, upang ingatan ang kaban ng Panginoon.
2At nangyari, mula nang araw na itahan ang kaban sa Chiriath-jearim, na ang panahon ay nagtatagal; sapagka't naging dalawang pung taon; at ang buong sangbahayan ng Israel ay tumaghoy sa Panginoon.
3At nagsalita si Samuel sa buong sangbahayan ng Israel, na nagsasabi, Kung kayo'y babalik sa Panginoon ng buo ninyong puso ay inyo ngang alisin sa inyo ang mga dios na iba, at ang mga Astaroth, at ihanda ninyo ang inyong mga puso sa Panginoon, at sa kaniya lamang kayo maglingkod; at ililigtas niya kayo sa kamay ng mga Filisteo.
4Nang magkagayo'y inalis ng mga anak ni Israel ang mga Baal at ang mga Astaroth, at sa Panginoon lamang naglingkod.
5At sinabi ni Samuel, Pisanin ninyo ang buong Israel sa Mizpa at idadalangin ko kayo sa Panginoon.
6At sila'y nagtitipon sa Mizpa, at nagsiigib ng tubig, at ibinuhos sa harap ng Panginoon, at nagsipagayuno nang araw na yaon, at nangagsabi, Kami ay nangagkasala laban sa Panginoon. At naghukom si Samuel sa mga anak ni Israel sa Mizpa.
7At nang mabalitaan ng mga Filisteo na ang mga anak ni Israel ay nagtitipon sa Mizpa, nagsiahon laban sa Israel ang mga pangulo ng mga Filisteo. At nang mabalitaan ng mga anak ni Israel, ay nangatakot sa mga Filisteo.
8At sinabi ng mga anak ni Israel kay Samuel, Huwag kang tumigil ng kadadalangin sa Panginoon nating Dios, ng dahil sa atin, upang iligtas niya tayo sa kamay ng mga Filisteo.
9At kumuha si Samuel ng isang korderong pasusuhin, at inihandog na pinaka buong handog na susunugin sa Panginoon: at dumaing si Samuel sa Panginoon dahil sa Israel; at ang Panginoon ay sumagot sa kaniya.
10At samantalang si Samuel ay naghahandog ng handog na susunugin, ay lumapit ang mga Filisteo upang makipagbaka laban sa Israel; nguni't ang Panginoon ay nagpakulog ng isang malakas na kulog nang araw na yaon sa mga Filisteo, at nilito sila; at sila'y nangabuwal sa harap ng Israel.
11At ang mga lalake sa Israel ay nagsilabas sa Mizpa, at hinabol ang mga Filisteo, at sinaktan sila, hanggang sa nagsidating sila sa Beth-car.
12Nang magkagayo'y kumuha si Samuel ng isang bato, at inilagay sa pagitan ng Mizpa at ng Sen, at tinawag ang pangalan niyaon na Ebenezer, na sinasabi, Hanggang dito'y tinulungan tayo ng Panginoon.
13Sa gayo'y nagsisuko ang mga Filisteo, at hindi na sila pumasok pa sa hangganan ng Israel: at ang kamay ng Panginoon ay laban sa Filisteo lahat ng mga araw ni Samuel.
14At ang mga bayan na sinakop ng mga Filisteo sa Israel ay nasauli sa Israel, mula sa Ecron hanggang sa Gath; at ang mga hangganan niyaon ay pinapaging laya ng Israel sa kamay ng mga Filisteo. At nagkaroon ng kapayapaan sa pagitan ng Israel at ng mga Amorrheo.
15At hinatulan ni Samuel ang Israel lahat ng mga araw ng kaniyang buhay.
16At siya'y naparoon na lumigid taon-taon sa Beth-el, at sa Gilgal, at sa Mizpa; at hinatulan niya ang Israel sa lahat ng mga dakong yaon.
17At ang kaniyang balik ay sa Rama, sapagka't nandoon ang kaniyang bahay; at doo'y hinatulan niya ang Israel: at siya'y nagtayo roon ng isang dambana sa Panginoon.