1At ang buong kapisanan ay naglakas ng kanilang tinig, at humiyaw; at ang bayan ay umiyak ng gabing yaon.
2At inupasala ng lahat ng mga anak ni Israel si Moises at si Aaron: at sinabi sa kanila ng buong kapisanan, Nangamatay na sana tayo sa lupain ng Egipto! o kaya'y nangamatay na sana tayo sa ilang na ito!
3At bakit kaya tayo dinala ng Panginoon sa lupaing ito, upang tayo'y mabuwal sa tabak? Ang ating mga asawa at ang ating mga anak ay magiging mga huli: hindi ba magaling sa atin na tayo'y magbalik sa Egipto?
4At nag-sangusapan sila, Tayo'y maglagay ng isang kapitan at tayo'y magbalik sa Egipto.
5Nang magkagayon, si Moises at si Aaron ay nagpatirapa sa harap ng buong kapulungan na kapisanan ng mga anak ni Israel.
6At hinapak ni Josue na anak ni Nun, at ni Caleb na anak ni Jephone, na mga kasamang tumiktik sa lupain, ang kanilang mga suot:
7At sinalita nila sa buong kapisanan ng mga anak ni Israel, na sinasabi, Ang lupain na aming dinaanan upang tiktikan ay isang napakainam na lupain.
8Kung kalulugdan tayo ng Panginoon ay dadalhin nga niya tayo sa lupaing yaon, at ibibigay niya sa atin; na yao'y lupaing binubukalan ng gatas at pulot.
9Huwag lamang kayong manghimagsik laban sa Panginoon, ni matakot sa bayan ng lupaing yaon, sapagka't sila'y tinapay sa atin; ang kaniyang kalinga ay inilayo sa kanila, at ang Panginoon ay sumasaatin: huwag kayong matakot sa kanila.
10Datapuwa't tinangka ng buong kapisanan na pagbatuhanan sila. At ang kaluwalhatian ng Panginoon ay lumitaw sa tabernakulo ng kapisanan sa lahat ng mga anak ni Israel.
11At sinabi ng Panginoon kay Moises, Hanggang kailan hahamakin ako ng bayang ito? at hanggang kailan hindi sila mananampalataya sa akin, sa lahat ng mga tanda na aking ginawa sa kanila?
12Aking sasaktan sila ng salot, at hindi ko sila pamamanahan at gagawin kita na isang bansang malaki at matibay kay sa kanila.
13At sinabi ni Moises sa Panginoon, Kung gayo'y mababalitaan ng mga taga Egipto; sapagka't isinampa mo ang bayang ito ng iyong kapangyarihan sa gitna nila;
14At kanilang sasaysayin sa mga tumatahan sa lupaing ito. Kanilang nabalitaan na ikaw Panginoon, ay nasa gitna ng bayang ito; sapagka't ikaw Panginoon, ay napakita ng mukhaan, at ang iyong ulap ay nakatindig sa ibabaw ng mga yaon, at ikaw ay nangunguna sa kanila, sa isang haliging ulap sa araw, at sa isang haliging apoy sa gabi.
15Kung iyong papatayin nga ang bayang ito na parang isang tao, ay magsasalita nga ang mga bansang nakabalita ng iyong kabantugan na sasabihin,
16Sapagka't hindi madadala ng Panginoon ang bayang ito sa lupain, na kaniyang isinumpa sa kanila, kaya't kaniyang pinatay sila sa ilang.
17At ngayon, idinadalangin ko sa iyo, na itulot mo na ang kapangyarihan ng Panginoon ay maging dakila, ayon sa iyong sinalita, na sinasabi,
18Ang Panginoon ay banayad sa pagkagalit at sagana sa kaawaan, na nagpapatawad ng kasamaan at ng pagsalangsang; at sa anomang paraan ay hindi aariing walang muang ang may sala, na dinadalaw ang kasamaan ng mga ama sa mga anak sa ikatlo at sa ikaapat na salin ng lahi.
19Ipatawad mo, isinasamo ko sa iyo, ang kasamaan ng bayang ito ayon sa kalakhan ng iyong kaawaan, at ayon sa iyong pagkapatawad sa bayang ito, mula sa Egipto hanggang ngayon.
20At sinabi ng Panginoon, Aking pinatawad ayon sa iyong salita:
21Nguni't tunay, na kung paanong ako'y buhay at kung paanong mapupuspos ng kaluwalhatian ng Panginoon ang buong lupa:
22Sapagka't ang lahat ng taong yaon na nakakita ng aking kaluwalhatian at ng aking mga tanda, na aking ginawa sa Egipto at sa ilang ay tinukso pa rin ako nitong makasangpu, at hindi dininig ang aking tinig;
23Tunay na hindi nila makikita ang lupain na aking isinumpa sa kanilang mga magulang, ni sinoman sa kanila na humamak sa akin ay hindi makakakita:
24Kundi ang aking lingkod na si Caleb, sapagka't siya'y nagtaglay ng ibang diwa at siya'y sumunod na lubos sa akin, ay aking dadalhin siya sa lupain na kaniyang pinaroonan; at aariin ng kaniyang lahi.
25Ngayon nga'y ang mga Amalecita at ang mga Cananeo ay tumatahan sa libis: bukas ay magbalik kayo at kayo'y pasa ilang sa daang patungo sa Dagat na Mapula.
26At sinalita ng Panginoon kay Moises at kay Aaron, na sinasabi,
27Hanggang kailan titiisin ko ang masamang kapisanang ito, na naguupasala laban sa akin? Aking narinig ang mga pag-upasala ng mga anak ni Israel na kanilang inuupasala laban sa akin.
28Sabihin mo sa kanila, Ako'y buhay, sabi ng Panginoon, tunay na kung paano ang sinalita ninyo sa aking pakinig ay gayon ang gagawin ko sa inyo:
29Ang inyong mga bangkay ay mangabubuwal sa ilang na ito; at yaong lahat na nangabilang sa inyo ayon sa inyong kabuoan ng bilang, mula sa dalawang pung taong gulang na patanda na nag-upasala laban sa akin,
30Ay tunay na hindi kayo papasok sa lupaing pinagtaasan ko ng aking kamay, na patatahanan ko sana sa inyo, maliban si Caleb na anak ni Jephone, at si Josue na anak ni Nun.
31Nguni't ang inyong mga bata, na inyong sinabing magiging mga huli ay aking papapasukin, at kanilang makikilala ang lupain na inyong itinakuwil.
32Nguni't tungkol sa inyo, ang inyong mga bangkay ay mangabubuwal sa ilang na ito.
33At ang inyong mga anak ay magiging gala sa ilang na apat na pung taon, at kanilang tataglayin ang inyong pakikiapid, hanggang sa ang inyong mga bangkay ay matunaw sa ilang.
34Ayon sa bilang ng mga araw na inyong itiniktik sa lupain, sa makatuwid baga'y apat na pung araw, sa bawa't araw ay isang taon, ay inyong tataglayin ang inyong mga kasamaan, na apat na pung taon, at inyong makikilala ang pagsira ko ng kapangakuan.
35Akong Panginoon ang nagsalita, tunay na ito'y aking gagawin sa buong masamang kapisanang ito, na nagpipisan laban sa akin: sa ilang na ito matutunaw sila, at diyan sila mamamatay.
36At ang mga lalake, na sinugo ni Moises upang tumiktik ng lupain, na nagsipagbalik, at nagpaupasala ng buong kapisanan laban sa kaniya sa paghahatid ng masamang balita laban sa lupain,
37Sa makatuwid baga'y ang mga taong yaon na nagsipaghatid ng masamang balita ng lupain, ay nangamatay sa salot sa harap ng Panginoon.
38Nguni't si Josue na anak ni Nun, at si Caleb na anak ni Jephone, ay naiwang buhay sa mga taong yaon na nagsiparoong tumiktik ng lupain.
39At sinaysay ni Moises ang mga salitang ito sa lahat ng mga anak ni Israel: at ang bayan ay tumaghoy na mainam.
40At sila'y bumangong maaga sa kinaumagahan, at umakyat sila sa taluktok ng bundok, na sinasabi, Narito kami, at kami ay aakyat sa dakong ipinangako ng Panginoon: sapagka't kami ay nagkasala.
41At sinabi ni Moises, Bakit sinasalangsang ninyo ngayon ang utos ng Panginoon, sa bagay ay hindi ninyo ikasusulong?
42Huwag kayong umakyat, sapagka't ang Panginoon ay wala sa gitna ninyo; upang huwag kayong masaktan sa harap ng inyong mga kaaway.
43Sapagka't nandoon ang mga Amalecita at ang mga Cananeo sa harap ninyo, at kayo'y mangabubuwal sa tabak: sapagka't kayo'y humiwalay sa pagsunod sa Panginoon, kaya't ang Panginoon ay wala sa inyo.
44Nguni't sila'y nagpumilit umakyat sa taluktok ng bundok: gayon ma'y ang kaban ng tipan ng Panginoon, at si Moises ay hindi nagsilabas sa kampamento.
45Nang magkagayon ang mga Amalecita ay bumaba at ang mga Cananeo na tumatahan sa bundok na yaon, ay sinaktan sila at nilupig silang hinabol, hanggang sa Horma.