1Pagkatapos sumagot si Job at sinabi,”
2tunay na alam ko na ganito nga ito. Pero paano magiging matuwid ang isang tao sa harap ng Diyos?
3Kung gusto niyang makipagtalo sa Diyos, hindi niya siya sasagutin kahit minsan lang sa libong beses.
4Ang Diyos ay marunong sa puso at makapangyarihan sa lakas; Sino ang nagmatigas laban sa kaniya ang nagtagumpay kailanman? —
5siya na nagtatanggal ng mga bundok na walang babala sa sinuman kapag pinapataob niya ang mga ito dahil sa kaniyang galit—
6siyang yumayanig sa daigdig mula sa kinalalagyan nito at pinapanginig ang mga sandigan nito.
7Ito rin ang Diyos na nagsasabi sa araw na huwag sumikat, at ito nga ay hindi sumikat, at siyang nagtatakip sa mga bituin,
8siya na mismong naglatag ng mga kalangitan at siyang yumuyurak at sumusupil sa mga alon ng dagat,
9siya na gumawa sa Oso, sa Orion, sa Pleyades, at sa kumpol ng mga bituin sa katimugan.
10Ito rin ang Diyos na gumagawa ng mga dakilang bagay, mga bagay na hindi kayang maunawaan—sa katunayan, mga kahanga-hangang bagay na hindi mabibilang.
11Masdan mo, sinasamahan niya ako, at hindi ko siya nakikita; Dumadaan din siya, pero hindi ko siya napapansin.
12Kung makakahuli siya ng biktima, sino ang makakapigil sa kaniya? Sino ang magsasabi sa kaniya, “Ano ang iyong ginagawa?”
13Hindi babawiin ng Diyos ang kaniyang galit; ang mga katulong ni Rahab ay yumuko sa ilalim niya.
14Paano ako makakasagot sa kaniya, maaari ba akong mamili ng mga salita para ikatwiran sa kaniya?
15Kahit na ako ay matuwid, hindi ko siya kayang sagutin; ang puwede ko lang gawin ay magmakaawa sa aking hukom.
16Kahit na ako ay tumawag at sinagot niya ako, hindi ako naniniwala na nakikinig siya sa aking tinig.
17Dahil binabasag niya ako sa pamamagitan ng bagyo at pinaparami ang aking mga sugat nang walang dahilan.
18Hindi man lamang ako hinayaang mahabol ang aking hininga; sa halip ay pinuno niya ako nang kapaitan.
19Kung kami ay nagsasalita tungkol sa kalakasan, bakit, siya ay makapangyarihan! At kung pinag-uusapan natin ang tungkol sa katarungan, 'Sino,' sabi niya, 'ang magtatanong sa akin?'
20Kahit na ako ay matuwid, ang sarili kong bibig ang hahatol sa akin; kahit na ako ay walang kasalanan, patutunayan pa rin nito na ako ay may pagkakasala.
21Ako ay walang kapintasan pero wala na akong pakialam sa aking sarili; kinasusuklaman ko ang sarili kong buhay.
22Wala itong pagkakaiba, kaya ko sinasabi na magkasama niyang sinisira ang mga taong walang kasalanan at ang mga masasamang tao.
23Kung ang isang salot ay biglang pumatay, tatawanan niya ang mga pagdurusa ng mga taong walang kasalanan.
24Ang lupa ay ibinigay sa kamay ng mga masasamang tao; tinatakpan ng Diyos ang mga mukha ng mga hukom nito. Kung hindi siya ang gumagawa nito, kung gayon sino?
25Ang aking mga araw ay mas matulin kaysa tumatakbong mensahero; lumilipas ang aking mga araw; wala silang nakikitang mabuti kahit saan.
26Sila ay kasing-bilis ng mga bangkang tambo ng papirus, at kasing-bilis ng pagsalakay ng agila na dumadagit sa kaniyang biktima.
27Kung sinabi kong kakalimutan ko ang aking mga hinaing, na huhubarin ko ang malungkot kong mukha at magpapakasaya,
28ako ay maaring matakot sa lahat ng aking mga kalungkutan dahil alam ko na hindi mo isaalang-alang na ako ay walang sala.
29Ako ay hahatulan; kung gayon, bakit pa ako susubok nang wala namang kahihinatnan?
30Kung huhugasan ko ang aking sarili ng tubig-niyebe at gagawin kong napakalinis ang aking mga kamay,
31itutulak ako ng Diyos sa isang hukay, at ang aking mga kasuotan ay mayayamot sa akin.
32Dahil ang Diyos ay hindi tao, kagaya ko, na maaari ko siyang sagutin, na pareho kaming pupunta sa hukuman.
33Walang hukom sa pagitan namin na maaaring magpatong ng kaniyang kamay sa aming dalawa.
34Walang ibang hukom na maaring mag-alis ng pamalo ng Diyos sa akin, na maaaring pumigil sa kaniyang bagsik para hindi ako matakot.
35Sa gayon magsasalita ako at hindi matatakot sa kaniya. Pero sa kasalukuyang kalagayan, hindi ko iyon magagawa.