Text copied!
CopyCompare
banal na Bibliya - Ang Mangangaral

Ang Mangangaral 1

Help us?
Click on verse(s) to share them!
1Ito ang mga salita ng Mangangaral, ang anak ni David at hari sa Jerusalem.
2Sabi ng Manganagaral. “Tulad ng isang singaw ng ambon, tulad ng isang simoy sa hangin, lahat ay maglalaho, mag-iiwan ng maraming katanungan.
3Anong mapapala ng sangkatauhan mula sa lahat ng gawain na kanilang pinaghirapan sa ilalim ng araw?
4Isang angkan ang lumilipas, at isa namang angkan ang dumarating, ngunit mananatili ang daigdig magpakailanman.
5Sumisikat ang araw at lumulubog ito at nagmamadaling babalik sa lugar kung saan muli itong sisikat.
6Umiihip ang hangin sa timog at magpapaikot-ikot hanggang sa hilaga, laging lilibot sa ganitong landas at magpapabalik-balik muli.
7Umaagos patungo sa dagat ang lahat ng mga ilog, ngunit ang dagat ay di mapupuno. Kung saan patungo ang ilog, doon muli ito tutungo.
8Ang lahat ay nakakapagod, at wala ni isa man makapagpapaliwanag nito. Ang mata ay walang kasiyahan sa nakikita nito, ni tainga man ay napupuno ng naririnig nito.
9Anuman ang nangyari ay siya rin ang mangyayari, at anuman ang nagawa ay siyang magagawa. Walang bago sa ilalim ng araw.
10Mayroon bang anumang bagay na maaaring masabi, 'Masdan mo, ito ay bago'? Anuman ang nangyayari ay nangyari na sa matagal na panahon, noong mga panahong nauna pa sa atin.
11Tila wala ni isa man ang nakakaalala sa mga bagay na naganap sa sinaunang panahon. At ang mga bagay na nangyari sa nauna pang panahon at ang mangyayari sa hinaharap ay malamang na hindi rin maaalala.”
12Ako ang Mangangaral, at ako ay naging hari ng buong Israel sa Jerusalem.
13Inilaan ko ang aking pag-iisip sa pag-aaral at pagsisiyasat gamit ang karunungan sa lahat ng ginawa sa ilalim ng kalangitan. Ang pagsisiyasat na iyon ay isang mabigat na gawain na ibinigay ng Diyos sa mga anak ng tao upang pagka-abalahan.
14Nakita ko ang lahat ng gawaing ginanap sa ilalim ng araw, at masdan, lahat ng mga ito ay magiging singaw at isang pagtangkang habulin ang hangin.
15Ang baluktot ay hindi na maitutuwid. Ang nawala ay hindi na mabibilang.
16Sinabi ko sa aking puso, “Masdan, ang nakamit kong karunungan ay higit kaysa mga nauna sa akin sa Jerusalem. Nakita ng aking isip ang malawak na karunungan at kaalaman.
17Kaya inilagay ko sa aking puso na matutunan ang karunungan at maging kabaliwan at kahangalan din. Naintindihan ko rin na ito ay isang pagtangkang habulin ang hangin.
18Dahil sa kasaganaan ng karunungan ay maraming kabiguan, at siya na nagdaragdag nang kaalaman ay nagdaragdag nang kalungkutan.