Text copied!
CopyCompare
banal na Bibliya - Mga Kawikaan

Mga Kawikaan 31

Help us?
Click on verse(s) to share them!
1Ang mga salita ni Haring Lemuel—ang pananalita na itinuro ng kaniyang ina sa kaniya.
2Ano, aking anak? At ano, anak sa aking sinapupunan? At ano, anak ng aking mga panata? —
3Huwag mong ibigay ang lakas mo sa mga babae, o ang mga kaparaanan mo sa mga naninira sa mga hari.
4Hindi ito para sa mga hari, Lemuel, hindi para sa mga hari ang uminom ng alak, ni para sa mga namumuno ang magtanong, “Nasaan ang matapang na inumin?
5Dahil kung sila ay iinom, makakalimutan nila kung ano ang naisabatas, at mababaluktot ang mga karapatan ng lahat ng mga naghihirap.
6Bigyan ang mga taong nasasawi ng inuming matapang at alak sa mga taong may mapait na kalungkutan.
7Iinom siya at makakalimutan niya ang kaniyang kahirapan, at hindi niya maaalala ang kaniyang kabalisahan.
8Magsalita ka para sa mga hindi nakakapagsalita, para sa mga kapakanan ng lahat ng mga napapahamak.
9Magpahayag at humatol sa pamamagitan ng panukat na matuwid at ipagtanggol ang kapakanan ng mga mahihirap at ng mga taong nangangailangan.
10Sino ang makatatagpo ng may kakayahang asawang babae? Ang halaga niya ay higit sa mamahaling hiyas.
11Ang puso ng kaniyang asawang lalaki ay nagtitiwala sa kaniya, at kailanman hindi siya maghihirap.
12Mga mabubuting bagay ang ginagawa niya para sa kaniya at hindi masama sa lahat ng mga araw ng kaniyang buhay.
13Pumipili siya ng balahibo at lana at gumagawa ng may kasiyahan ang kaniyang mga kamay.
14Katulad siya ng mga barko ng mangangalakal; nagdadala siya ng pagkain mula sa malayo.
15Bumabangon siya habang gabi pa at nagbibigay ng pagkain sa kaniyang sambahayan, at ipinamamahagi niya ang mga gawain sa kaniyang mga aliping babae.
16Isinasaalang-alang niya ang bukirin at ito ay binibili, sa pamamagitan ng bunga ng kaniyang mga kamay, nakapagtanim siya ng ubasan.
17Dinadamitan niya ang kaniyang sarili ng lakas at pinalalakas niya ang kaniyang mga braso.
18Nauunawaan niya kung ano ang magbibigay ng malaking kita para sa kaniya; buong gabi ay hindi namatay ang kaniyang lampara.

19Inilalagay niya ang kaniyang mga kamay sa ikiran, at buhol na sinulid ay kaniyang hinahawakan.
20Ang mga taong mahihirap ay inaabot niya ng kaniyang kamay; ang mga taong nangangailangan ay inaabot niya ng kaniyang mga kamay.
21Hindi siya natatakot sa lamig ng niyebe para sa kaniyang sambahayan, dahil ang kaniyang buong sambahayan ay nababalot ng pulang makapal na kasuotan.
22Gumagawa siya ng mga sapin para sa higaan niya at mga lilang damit na pinong lino ang sinusuot niya.
23Ang kaniyang asawa ay kilala sa mga tarangkahan, kapag umuupo siya kasama ng mga nakatatanda sa bayan.
24Gumagawa at nagbebenta siya ng linong kasuotan, at nagmumula sa kaniya ang mga sintas ng mga mangangalakal.
25Ang kalakasan at karangalan ay suot niya, at sa oras na darating, siya ay tumatawa.
26Binubuksan niya ang kaniyang bibig ng may karunungan, at nasa kaniyang dila ang batas ng kabaitan.
27Binabantayan niya ang pamamaraan ng kaniyang sambahayan at hindi kumakain ng tinapay ng pagkabatugan.
28Ang kaniyang mga anak ay babangon at tinatawag siyang pinagpala; ang kaniyang asawang lalaki ay pupurihin na nagsasabing,
29“Maraming mga babae ang gumawa ng mabuti, ngunit hinihigitan mo silang lahat.”
30Ang pagiging elegante ay mapanlinlang, ang kagandahan ay walang kabuluhan, pero ang babaeng may takot kay Yahweh ay mapapapurihan.
31Ibigay mo sa kaniya ang bunga ng mga kaniyang kamay, at hayaan mong ang kaniyang mga gawa, sa mga tarangkahan, siya ay papurihan.