1Nang magkagayo'y tumingin ako, at, narito, sa langit na nasa ulunan ng mga kerubin, may nakita na parang isang batong zafiro, na parang isang luklukan.
2At siya'y nagsalita sa lalake na nakapanamit ng kayong lino, at kaniyang sinabi, Pumasok ka sa pagitan ng nagsisiikot na mga gulong, sa ilalim ng kerubin, at punuin mo kapuwa ang iyong mga kamay ng mga bagang nagbabaga mula sa pagitan ng mga kerubin, at ikalat mo sa bayan. At sa aking paningin ay pumasok siya.
3Ang mga kerubin nga ay nagsitayo sa dakong kanan ng bahay, nang ang lalake ay pumasok; at pinuno ng ulap ang pinakaloob na looban.
4At ang kaluwalhatian ng Panginoon ay napailanglang mula sa kerubin, at tumayo sa itaas ng pintuan ng bahay; at ang bahay ay napuno ng ulap, at ang looban ay napuno ng ningning ng kaluwalhatian ng Panginoon.
5At ang pagaspas ng mga pakpak ng mga kerubin ay narinig hanggang sa looban sa labas, na gaya ng tinig ng Dios na Makapangyarihan sa lahat, pagka siya'y nagsasalita.
6At nangyari, nang kaniyang utusan ang lalake na nakapanamit ng kayong lino, na sabihin, Kumuha ka ng apoy sa loob ng nagsisiikot na mga gulong mula sa pagitan ng mga kerubin, na siya'y pumasok, at tumayo sa tabi ng isang gulong.
7At iniunat ng kerubin ang kaniyang kamay mula sa gitna ng mga kerubin sa apoy na nasa gitna ng mga kerubin, at kumuha niyaon, at inilagay sa mga kamay ng nakapanamit ng kayong lino, na siyang kumuha at lumabas.
8At lumitaw sa gitna ng mga kerubin ang anyo ng kamay ng isang tao sa ilalim ng kanilang mga pakpak.
9At ako'y tumingin, at narito, apat na gulong ay nangasa tabi ng mga kerubin, isang gulong ay nasa tabi ng isang kerubin, at ang ibang gulong ay nasa tabi ng ibang kerubin; at ang anyo ng mga gulong ay gaya ng kulay ng batong berila.
10At tungkol sa kanilang anyo, silang apat ay may isang pagkakawangis, na para bagang isang gulong na napasa loob ng isang gulong.
11Pagka nagsisiyaon, ay nagsisiyaon sa kanilang apat na dako: hindi nagsisipihit habang nagsisiyaon, kundi ang kinahaharapan ng ulo ay siyang sinusundan nila: hindi nagsisipihit habang nagsisiyaon.
12At ang kanilang buong katawan, at ang kanilang mga likod, at ang kanilang mga kamay, at ang kanilang mga pakpak, at ang mga gulong ay puno ng mga mata sa palibot, sa makatuwid baga'y ang mga gulong na tinatangkilik ng apat.
13Tungkol sa mga gulong, tinawag sa aking pakinig, ang nagsisiikot na mga gulong.
14At bawa't isa'y may apat na mukha: ang unang mukha ay mukha ng kerubin, at ang ikalawang mukha ay mukha ng tao, at ang ikatlo ay mukha ng leon, at ang ikaapat ay mukha ng isang aguila.
15At ang mga kerubin ay napaitaas: ito ang nilalang na may buhay na aking nakita sa pangpang ng ilog Chebar.
16At nang magsiyaon ang mga kerubin, ang mga gulong ay nagsiyaong kasiping nila: at nang itaas ng mga kerubin ang kanilang mga pakpak upang paitaas mula sa lupa, ang mga gulong naman ay hindi nagsihiwalay sa siping nila.
17Pagka sila'y nagsisitayo, ang mga ito ay nagsisitayo; at pagka sila'y nangapaiitaas, ang mga ito'y nangapaiitaas na kasama nila: sapagka't ang espiritu ng nilalang na may buhay ay nasa mga yaon.
18At ang kaluwalhatian ng Panginoon ay lumabas mula sa pintuan ng bahay, at lumagay sa ibabaw ng mga kerubin.
19At itinaas ng mga kerubin ang kanilang mga pakpak, at nangapaitaas mula sa lupa sa aking paningin, nang sila'y magsilabas, at ang mga gulong ay sa siping nila: at sila'y nagsitayo sa pintuan ng pintuang-daang silanganan ng bahay ng Panginoon; at ang kaluwalhatian ng Dios ng Israel ay nasa itaas nila.
20Ito ang nilalang na may buhay na aking nakita sa ilalim ng Dios ng Israel sa pangpang ng ilog Chebar; at naalaman ko na sila'y mga kerubin.
21Bawa't isa'y may apat na mukha, at bawa't isa'y may apat na pakpak; at ang anyo ng mga kamay ng tao ay nasa ilalim ng kanilang mga pakpak.
22At tungkol sa anyo ng kanilang mga mukha, ay mga mukha na aking nakita sa pangpang ng ilog Chebar, ang kanilang mga anyo at sila rin; sila'y yumaon bawa't isa na patuloy.