1Nang matapos nga ang lahat ng ito, ang buong Israel na nakaharap ay lumabas sa mga bayan ng Juda, at pinagputolputol ang mga haligi na pinakaalaala, at ibinuwal ang mga Asera, at iginiba ang mga mataas na dako at ang mga dambana mula sa buong Juda at Benjamin, sa Ephraim man at sa Manases, hanggang sa kanilang naigibang lahat. Nang magkagayo'y ang lahat ng mga anak ni Israel ay nagsibalik, bawa't isa'y sa kaniyang pag-aari, sa kanilang sariling mga bayan.
2At inihalal ni Ezechias ang mga bahagi ng mga saserdote, at ng mga Levita ayon sa kanilang pagkakabahagi, bawa't lalake ay ayon sa kaniyang katungkulan, ang mga saserdote at gayon din ang mga Levita, na ukol sa mga handog na susunugin at sa mga handog tungkol sa kapayapaan, upang magsipangasiwa, at upang mangagpasalamat, at upang mangagpuri sa mga pintuang-daan ng hantungan ng Panginoon.
3Itinakda naman niya ang bahagi ng hari sa kaniyang pag-aari na ukol sa mga handog na susunugin, sa makatuwid baga'y sa mga handog na susunugin sa umaga at sa hapon, at ang mga handog na susunugin sa mga sabbath, at sa mga bagong buwan, at sa mga takdang kapistahan, na gaya ng nakasulat sa kautusan ng Panginoon.
4Bukod dito'y inutusan niya ang bayan na tumatahan sa Jerusalem, na ibigay ang pagkain ng mga saserdote at ng mga Levita, upang magsitalaga sa kautusan ng Panginoon.
5At paglabas ng utos, ang mga anak ni Israel ay nangagbigay na sagana ng mga unang bunga ng trigo, alak, at langis, at pulot, at sa lahat na bunga sa bukid; at ang ikasangpung bahagi ng lahat na bagay ay dinala nila na sagana.
6At ang mga anak ni Israel at ni Juda, na nagsisitahan sa mga bayan ng Juda, sila nama'y nangagdala ng ikasangpung bahagi ng mga baka at mga tupa, at ng ikasangpung bahagi ng mga itinalagang bagay na mga itinalaga sa Panginoon nilang Dios, at inilagay ang mga yaon na bunton bunton.
7Nang ikatlong buwan ay nangagpasimula silang naglagay ng pasimula ng mga bunton, at nangatapos sa ikapitong buwan.
8At nang pumaroon si Ezechias at ang mga prinsipe at makita ang mga bunton, kanilang pinuri ang Panginoon, at ang kaniyang bayang Israel.
9Nang magkagayo'y nagtanong si Ezechias sa mga saserdote at sa mga Levita tungkol sa mga bunton.
10At si Azarias na punong saserdote sa bahay ni Sadoc, ay sumagot sa kaniya, at nagsabi, Mula ng magpasimulang magdala ang bayan ng mga alay sa bahay ng Panginoon, kami ay nagsikain at nangabusog kami, at lumabis ng sagana sapagka't pinagpala ng Panginoon ang kaniyang bayan; at ang naiwan ay ang malaking kasaganaang ito.
11Nang magkagayo'y nagutos si Ezechias na maghanda ng mga silid sa bahay ng Panginoon; at inihanda nila.
12At kanilang pinagdalhan ng mga alay at ng mga ikasangpung bahagi, at ng mga itinalagang bagay, na may pagtatapat. At sa mga yaon ay katiwala si Chonanias na Levita, at si Simi na kaniyang kapatid ay siyang ikalawa.
13At si Jehiel, at si Azazias, at si Nahat, at si Asael, at si Jerimoth, at si Josabad, at si Eliel, at si Ismachias, at si Mahaath, at si Benaias, ay mga tagapangasiwa sa kapangyarihan ng kamay ni Chonanias, at ni Simi na kaniyang kapatid, ayon sa pagkahalal ni Ezechias, na hari, at ni Azarias na tagapamahala sa bahay ng Dios.
14At si Core na anak ni Imna na Levita, na tagatanod-pinto sa silanganang pintuang-daan, ay katiwala sa mga kusang handog sa Dios, upang magbahagi ng mga alay sa Panginoon, at ng mga kabanalbanalang bagay.
15At nasa kapangyarihan niya si Eden, at si Benjamin, at si Jeshua, at si Semaias, si Amarias, at si Sechanias, sa mga bayan ng mga saserdote, sa kanilang takdang katungkulan, upang magbigay sa kanilang mga kapatid ng ayon sa mga bahagi, gayon sa malaki na gaya sa maliit:
16Bukod doon sa nangabilang sa mga talaan ng lahi ng mga lalake, na mula sa tatlong taong gulang na patanda, sa makatuwid baga'y sa bawa't pumapasok sa bahay ng Panginoon, ayon sa kailangan sa bawa't araw, na ukol sa kanilang paglilingkod sa kanilang mga katungkulan ayon sa kanilang mga bahagi.
17At silang mangabilang sa pamamagitan ng talaan ng lahi ng mga saserdote ayon sa sangbahayan ng kanilang mga magulang, at ang mga Levita mula sa dalawangpung taong gulang na patanda, sa kanilang mga katungkulan ayon sa kanilang mga bahagi;
18At silang nangabilang sa pamamagitan ng talaan ng lahi ng lahat nilang mga bata, ng kanilang mga asawa, at ng kanilang mga anak na lalake at babae, sa buong kapisanan: sapagka't sa kanilang takdang katungkulan ay nangagpakabanal:
19Gayon din sa mga anak ni Aaron na mga saserdote, na nangasa bukiran ng mga nayon ng kanilang mga bayan, sa bawa't iba't ibang bayan, may mga lalake na nasaysay sa pangalan, upang magbigay ng mga pagkain sa lahat na lalake na saserdote, at sa lahat na nangabilang ayon sa talaan ng lahi ng mga Levita.
20At ganito ang ginawa ni Ezechias sa buong Juda; at siya'y gumawa ng mabuti, at matuwid, at tapat sa harap ng Panginoon niyang Dios.
21At sa bawa't gawain na kaniyang pinasimulan sa paglilingkod sa bahay ng Dios, at sa kautusan at sa mga utos, upang hanapin ang kaniyang Dios, kaniyang ginawa ng buong puso niya, at guminhawa.