1Si Manases ay may labing dalawang taon nang siya'y magpasimulang maghari; at siya'y nagharing limang pu't limang taon sa Jerusalem.
2At siya'y gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon, ayon sa mga karumaldumal ng mga bansa, na pinalayas ng Panginoon sa harap ng mga anak ni Israel.
3Sapagka't kaniyang itinayo uli ang mga mataas na dako na iginiba ni Ezechias na kaniyang ama: at siya'y nagtayo ng mga dambana na ukol sa mga Baal, at gumawa ng mga Asera, at sumamba sa lahat ng natatanaw sa langit, at naglingkod sa mga yaon,
4At siya'y nagtayo ng mga dambana sa bahay ng Panginoon, na pinagsabihan ng Panginoon, Sa Jerusalem ay malalagay ang aking pangalan magpakailan man.
5At siya'y nagtayo ng mga dambana na ukol sa mga natatanaw sa langit sa dalawang looban ng bahay ng Panginoon.
6Kaniya rin namang pinaraan ang kaniyang mga anak sa apoy sa libis ng anak ni Hinnom: at siya'y nagpamahiin, at nagsanay ng panggagaway at nanghula, at nakipagsanggunian sa mga masamang espiritu, at sa mga mahiko: siya'y gumawa ng maraming kasamaan sa paningin ng Panginoon, upang mungkahiin niya siya sa galit.
7At siya'y naglagay ng larawan ng diosdiosan na inanyuan, na kaniyang ginawa, sa bahay ng Dios na pinagsabihan ng Dios kay David, at kay Salomon na kaniyang anak, Sa bahay na ito, at sa Jerusalem na aking pinili sa lahat ng mga lipi ni Israel, aking ilalagay ang aking pangalan magpakailan man:
8Ni babaguhin pa man ang paa ng Israel sa lupain na aking itinakda na ukol sa inyong mga magulang, kung kanila lamang isasagawa ang lahat na aking iniutos sa kanila, sa makatuwid baga'y ang buong kautusan at ang mga palatuntunan at ang mga ayos, sa pamamagitan ng kamay ni Moises.
9At iniligaw ni Manases ang Juda at ang mga taga Jerusalem, na anopa't sila'y nagsigawa ng higit na sama kay sa ginawa ng mga bansang nilipol ng Panginoon sa harap ng mga anak ni Israel.
10At ang Panginoon ay nagsalita kay Manases, at sa kaniyang bayan: nguni't niwalang bahala nila.
11Kaya't dinala ng Panginoon sa kanila ang mga punong kawal ng hukbo ng hari sa Asiria, na siyang nagdala kay Manases na may mga tanikala, at ginapos siya ng mga damal, at nagdala sa kaniya sa Babilonia.
12At nang siya'y nasa pagkapighati siya'y dumalangin sa Panginoon niyang Dios, at nagpakumbabang mainam sa harap ng Dios ng kaniyang mga magulang.
13At siya'y dumalangin sa kaniya; at siya'y dininig, at pinakinggan ang kaniyang pamanhik, at ibinalik siya sa Jerusalem sa kaniyang kaharian. Nang magkagayo'y nakilala ni Manases na ang Panginoon ay siyang Dios.
14Pagkatapos nga nito ay nagtayo siya ng isang kutang panglabas sa bayan ni David, sa dakong kalunuran ng Gihon, sa libis, hanggang sa pasukan sa pintuang-bayan ng mga isda; at kaniyang kinulong ang Ophel, at itinaas ng malaking kataasan: at kaniyang nilagyan ng mga matapang na pinunong kawal ang lahat ng bayan na nakukutaan sa Juda.
15At kaniyang inalis ang mga dios ng iba, at ang diosdiosan sa bahay ng Panginoon, at ang lahat na dambana na kaniyang itinayo sa bundok ng bahay ng Panginoon, at sa Jerusalem, at inihagis ang mga yaon mula sa bayan.
16At kaniyang itinayo ang dambana ng Panginoon, at naghandog doon ng mga hain na mga handog tungkol sa kapayapaan, at tungkol sa mga pasalamat, at inutusan ang Juda na maglingkod sa Panginoon, sa Dios ng Israel.
17Gayon ma'y naghain ang bayan na nagpatuloy sa mga mataas na dako, nguni't sa Panginoon lamang na kanilang Dios.
18Ang iba nga sa mga gawa ni Manases, at ang kaniyang dalangin sa kaniyang Dios, at ang mga salita ng mga tagakita na nagsalita sa kaniya sa pangalan ng Panginoon, ng Dios ng Israel, narito, nangakasulat sa mga gawa ng mga hari sa Israel.
19Gayon din ang kaniyang panalangin, at kung paanong dininig siya, at ang buo niyang kasalanan at pagsalangsang niya, at ang mga dakong kaniyang pinagtayuan ng mga mataas na dako, at pinagtindigan ng mga Asera at ng mga larawang inanyuan, bago siya nagpakumbaba: narito, nangakasulat sa kasaysayan ni Hozai.
20Sa gayo'y natulog si Manases na kasama ng kaniyang mga magulang, at inilibing nila siya sa kaniyang sariling bahay: at si Amon na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.
21Si Amon ay may dalawang pu't dalawang taon nang siya'y magpasimulang maghari; at siya'y nagharing dalawang taon sa Jerusalem.
22At siya'y gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon, gaya ng ginawa ni Manases na kaniyang ama: at si Amon ay naghain sa lahat ng larawang inanyuan na ginawa ni Manases na kaniyang ama, at naglingkod sa mga yaon.
23At siya'y hindi nagpakumbaba sa harap ng Panginoon, na gaya na pagpapakumbaba ni Manases na kaniyang ama: kundi ang Amon ding ito ay siyang sumalangsang ng higit at higit.
24At ang kaniyang mga lingkod ay naghimagsik laban sa kaniya, at pinatay siya sa kaniyang sariling bahay.
25Nguni't pinatay ng bayan ng lupain ang lahat na nagsipanghimagsik laban sa haring Amon; at ginawang hari ng bayan ng lupain si Josias na kaniyang anak na kahalili niya.