13Masdan ninyo, sa araw ding iyon, dalawa sa kanila ang papunta sa nayon na tinatawag na Emaus, na animnapung stadia ang layo mula sa Jerusalem.
14Pinag-uusapan nila ang tungkol sa lahat ng nangyari.
15Nangyari na, habang nag-uusap sila at nagtatanungan sa isat-isa, lumapit si Jesus mismo at sumama sa kanila.
16Ngunit ang kanilang mga mata ay nahadlangan upang hindi siya makilala.
17Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ano ang pinag-uusapan ninyong dalawa habang naglalakad kayo?” Huminto sila na nalulungkot.
18Isa sa kanila na nagngangalang Cleopas, ang sumagot sa kaniya, “Ikaw lang ba ang tao sa Jerusalem na hindi nakakaalam sa mga bagay na nangyayari doon sa mga araw na ito?”
19Sinabi ni Jesus sa kanila, “Anong mga bagay?” Sumagot sila sa kaniya, “Ang mga bagay tungkol kay Jesus na taga-Nazaret, na isang propeta, na makapangyarihan sa gawa at salita sa harapan ng Diyos at ng mga tao.
20At kung papaano siya ibinigay ng mga punong pari at mga pinuno natin upang hatulan ng kamatayan at ipako sa krus.
21Ngunit umasa kami na siya ang magpapalaya sa Israel. Oo, at maliban pa sa lahat ng ito, pangatlong araw na ngayon mula ng nangyari ang mga bagay na ito.
22Ngunit bukod dito, pinamangha kami ng ilan sa mga kababaihang kasamahan namin, na pumunta sa libingan nang maaga.
23Nang hindi nila nakita ang kaniyang katawan, pumunta sila sa amin, sinasabing may nakita silang pangitain ng mga anghel na nagsabing siya ay buhay.
24Pumunta sa libingan ang ilan sa mga kalalakihang kasama, at nakita nila ito na gaya ng sinabi ng mga kababaihan. Ngunit hindi nila siya nakita.”
25Sinabi ni Jesus sa kanila, “O mga lalaking hangal at makukupad ang puso na maniwala sa lahat ng sinabi ng mga propeta!
26Hindi ba kinakailangang si Cristo ay magdusa ng ganitong mga bagay, at pumasok sa kaniyang kaluwalhatian?”