Text copied!
CopyCompare
Ang Dating Biblia (1905) - Exodo

Exodo 35

Play LogoGoogle Play  APK Logo APK
Click on verse(s) to share them!
1At pinulong ni Moises ang buong kapisanan ng mga anak ni Israel, at sinabi sa kanila, Ito ang mga salita na iniutos ng Panginoon, na inyong gagawin.
2Anim na araw na gagawa, datapuwa't ang ikapitong araw ay ipangingilin ninyo, isang sabbath na takdang kapahingahan sa Panginoon: sinomang gumawa ng anomang gawa sa araw na iyan ay papatayin.
3Huwag kayong magpapaningas ng apoy sa inyong buong tahanan sa araw ng sabbath.
4At sinalita ni Moises, sa buong kapisanan ng mga anak ni Israel, na sinasabi, Ito ang bagay na iniutos ng Panginoon, na sinasabi,
5Magsikuha kayo sa inyo ng isang handog na taan sa Panginoon; sinomang may kusang loob, ay magdala ng handog sa Panginoon; ginto, at pilak, at tanso;
6At kayong bughaw, at kulay-ube, at pula, at lino, at balahibo ng kambing;
7At mga balat ng tupang lalake na tininang pula, at mga balat ng poka, at kahoy na akasia;
8At langis na pangilawan, at mga espesia sa langis na pangpahid, at sa mabangong kamangyan:
9At mga batong onix, at mga batong pangkalupkop, na pang-epod, at pangpektoral.
10At pumarito ang bawa't matalino sa inyo, at gawin ang lahat ng iniutos ng Panginoon;
11Ang tabernakulo, ang tolda niyan, at ang takip niyan, ang mga kawit niyan, at ang mga tabla niyan, ang mga barakilan niyan, ang mga haligi niyan, at ang mga tungtungan niyan;
12Ang kaban, at ang mga pingga niyan, ang luklukan ng awa, at ang lambong ng tabing;
13Ang dulang at ang mga pingga niyan, at ang lahat ng kasangkapan niyan at ang tinapay na handog;
14Ang kandelero rin naman na pangilaw, at ang mga kasangkapan niyan, at ang mga ilawan niyan, at ang langis na pangilawan;
15At ang dambana ng kamangyan at ang mga pingga niyan, at ang langis na pangpahid, at ang mabangong kamangyan, at ang tabing na pangpintuan sa pintuan ng tabernakulo;
16Ang dambana ng handog na susunugin, sangpu ng salang tanso niyan, at lahat ng mga kasangkapan niyan, ang hugasan at ang tungtungan niyan;
17Ang mga tabing sa looban, ang mga haligi niyan, at ang mga tungtungan ng mga iyan, at ang tabing sa pintuan ng looban;
18Ang mga tulos ng tabernakulo, at ang mga tulos ng looban, at ang mga panali ng mga iyan;

19Ang mga mainam na yaring kasuutan sa pangangasiwa sa dakong banal, ang mga banal na kasuutan kay Aaron na saserdote, at ang mga kasuutan ng kaniyang mga anak, upang mangasiwa sa katungkulang saserdote.
20At ang buong kapisanan ng mga anak ni Israel ay umalis sa harap ni Moises.
21At sila'y lumapit, lahat ng tao na napukaw ang kalooban, at lahat na pinapagkusa ng sariling diwa, at nagdala ng panghandog sa Panginoon, sa gawain sa tabernakulo ng kapisanan, at sa buong ipaglilingkod at sa mga banal na kasuutan.
22At sila'y naparoon, mga lalake at mga babae, yaong lahat na nagkaroon ng kusang loob, at nagdala ng mga espile, at ng mga hikaw, at ng mga singsing na panatak, at ng mga pulsera, ng madlang hiyas na ginto; sa makatuwid baga'y lahat na naghandog ng handog na ginto sa Panginoon.
23At bawa't taong may kayong bughaw, at kulay-ube, at pula, at lino, at balahibo ng mga kambing, at balat ng mga tupa na tininang pula, at ng mga balat ng poka, ay nangagdala.
24Ang lahat na naghandog ng handog na pilak at tanso, ay nagdala ng handog sa Panginoon: at lahat ng taong may kahoy na akasia na magagamit sa anomang gawa na paglilingkod ay nagdala.
25At lahat ng mga babaing matatalino ay nagsihabi ng kanilang mga kamay, at dinala ang kanilang mga hinabi, na kayong bughaw, at kulay-ube, at pula, at lino.
26At lahat ng mga babae na napukaw ang kalooban, sa karunungan, ay nagsihabi ng balahibo ng mga kambing.
27At ang mga pinuno ay nagdala ng mga batong onix, at ng mga batong pangkalupkop na gamit sa epod, at sa pektoral;
28At ng mga espesia, at ng langis; na pangilawan, at langis na pangpahid, at pangmabangong kamangyan.
29Ang mga anak ni Israel ay nagdala ng kusang handog sa Panginoon; bawa't lalake at babae, na ang puso'y nagkusang nagpadala ng magagamit sa lahat na gawain, na iniutos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises na gawin.
30At sinabi ni Moises sa mga anak ni Israel, Tingnan ninyo, tinawag ng Panginoon sa pangalan si Bezaleel na anak ni Uri, na anak ni Hur, sa lipi ni Juda;
31At kaniyang pinuspos siya ng Espiritu ng Dios, tungkol sa karunungan, sa pagkakilala, at sa kaalaman, at sa lahat ng sarisaring gawain;
32At upang kumatha ng mga gawang kaayaaya, na gumawa sa ginto, at sa pilak, at sa tanso,
33At sa pagputol ng mga batong pangkalupkop, at sa pagukit sa kahoy, na gumawa sa lahat ng sarisaring maiinam na gawa.
34At isinapuso niya ang katalinuhan, na siya'y makapagturo, siya at gayon din si Aholiab, na anak ni Ahisamac, sa lipi ni Dan.
35Sila'y kaniyang pinuspos ng karunungan sa puso upang gumawa ng lahat na sarisaring gawa, ng taga-ukit, at tagakatha, at ng mangbuburda sa kayong bughaw, at sa kulay-ube, sa pula, at sa lino, at ng manghahabi, ng mga gumagawa ng anomang gawain, at ng mga kumakatha ng maiinam na gawa.