1Kayo'y mga anak ng Panginoon ninyong Dios: huwag kayong magkukudlit, ni magpapakakalbo sa pagitan ng inyong mga mata, ng dahil sa patay.
2Sapagka't ikaw ay isang banal na bayan sa Panginoon mong Dios, at ikaw ay pinili ng Panginoon upang maging bayan sa kaniyang sariling pag-aari, na higit sa lahat ng mga bayan na nasa ibabaw ng balat ng lupa.
3Huwag kang kakain ng anomang karumaldumal na bagay.
4Ito ang mga hayop na inyong makakain: ang baka, ang tupa, at ang kambing,
5Ang malaking usa, at ang maliit na usa, at ang lalaking usa, at ang mabangis na kambing, at ang pigargo, at ang antilope, at ang gamuza.
6At bawa't hayop na may hati ang paa, at baak, at ngumunguya sa mga hayop, ay inyong makakain.
7Gayon ma'y ang mga ito ay hindi kakanin sa mga ngumunguya, o sa baak ang paa: ang kamelyo, at ang liebre, at ang coneho, sapagka't sila'y ngumunguya, nguni't walang hati ang paa; mga marumi sa inyo;
8At ang baboy, sapagka't may hating paa, nguni't hindi ngumunguya, ito'y marumi sa inyo: ang laman nila'y huwag ninyong kakanin, at ang kanilang bangkay ay huwag hihipuin.
9At ang mga ito'y inyong makakain sa lahat ng nasa tubig: anomang may mga kaliskis at mga palikpik, ay inyong makakain:
10At anomang walang kaliskis at palikpik, ay huwag ninyong kakanin; marumi nga ito sa inyo.
11Sa lahat ng ibong malinis ay makakakain kayo.
12Nguni't ang mga ito'y hindi ninyo makakain: ang aguila, at ang aguilang dumudurog ng mga buto, at ang aguilang dagat;
13At ang ixio, at ang halkon, at ang lawin ayon sa kaniyang pagkalawin;
14At lahat na uwak ayon sa kanilang pagkauwak;
15At ang avestruz, at ang chotacabras, at ang graviota, at ang lawin ayon sa kaniyang pagkalawin;
16Ang munting kuwago, at ang malaking kuwago, at ang kuwagong tila may sungay;
17At ang pelikano, at ang buitre, at ang somormuho;
18At ang ciguena at ang tagak, ayon sa kanilang pagkatagak; at ang abubilla, at ang kabagkabag.
19At lahat ng may pakpak na umuusad, ay marumi sa inyo: hindi kakanin.
20Sa lahat ng ibong malinis ay kayo'y makakakain.
21Huwag kayong kakain ng anomang bagay na namatay sa sarili: iyong maibibigay sa taga ibang bayang nasa loob ng iyong mga pintuang-daan, upang kaniyang kanin; o iyong maipagbibili sa taga ibang bayan: sapagka't ikaw ay isang banal na bayan sa Panginoon mong Dios. Huwag mong lulutuin ang guyang kambing sa gatas ng kaniyang ina.
22Iyo ngang pagsasangpuing bahagi ang lahat na bunga ng iyong binhi na nanggagaling taontaon sa iyong bukid.
23At iyong kakanin sa harap ng Panginoon mong Dios, sa dakong kaniyang pipiliin na patatahanan sa kaniyang pangalan, ang ikasangpung bahagi ng iyong trigo, ng iyong alak at ng iyong langis, at ang mga panganay sa iyong bakahan at sa iyong kawan; upang magaral kang matakot sa Panginoon mong Dios na palagi.
24At kung ang daan ay totoong mahaba sa ganang iyo, na ano pa't hindi mo madadala, sapagka't totoong malayo sa iyo ang dako, na pipiliin ng Panginoon mong Dios na paglalagyan ng kaniyang pangalan, pagka ikaw ay pagpapalain ng Panginoon mong Dios:
25Ay iyo ngang sasalapiin, at iyong itatali ang salapi sa iyong kamay at paroroon ka sa dakong pipiliin ng Panginoon mong Dios:
26At iyong gugulin ang salapi sa anomang nasain mo sa mga baka, o sa mga tupa, o sa alak, o sa matapang na inumin, o sa anomang nasain ng iyong kaluluwa: at iyong kakanin doon sa harap ng Panginoon mong Dios, at ikaw ay magagalak, ikaw at ang iyong sangbahayan;
27At ang Levita na nasa loob ng iyong mga pintuang-daan, ay huwag mong pababayaan: sapagka't siya'y walang bahagi ni mana na kasama mo.
28Sa katapusan ng bawa't tatlong taon ay iyong kukunin ang buong ikasangpung bahagi ng iyong bunga ng taong yaon, at iyong ilalagay sa loob ng iyong mga pintuang-daan:
29At ang Levita, sapagka't siya'y walang bahagi ni mana na kasama mo, at ang taga ibang bayan, at ang ulila, at ang babaing bao, na nangasa loob ng iyong mga pintuang-daan, ay magsisiparoon at magsisikain at mangabubusog; upang pagpalain ka ng Panginoon mong Dios sa lahat ng gawa ng iyong kamay sa iyong ginagawa.