Text copied!
CopyCompare
Ang Dating Biblia (1905) - Mga Taga-Roma

Mga Taga-Roma 2

Play LogoGoogle Play  APK Logo APK
Click on verse(s) to share them!
1Dahil dito'y wala kang madadahilan, Oh tao, sino ka man na humahatol: sapagka't sa iyong paghatol sa iba, ay ang iyong sarili ang hinahatulan mo; sapagka't ikaw na humahatol ay gumagawa ka ng gayon ding mga bagay.
2At nalalaman natin na ang hatol ng Dios ay ayon sa katotohanan laban sa kanila na mga nagsisigawa ng gayong mga bagay.
3At iniisip mo baga ito, Oh tao, na humahatol sa mga nagsisigawa ng gayong mga bagay, at ginagawa mo ang gayon din, na ikaw ay makatatanan sa hatol ng Dios?
4O hinahamak mo ang mga kayamanan ng kaniyang kabutihan at pagtitiis at pagpapahinuhod, na hindi mo nalalaman na ang kabutihan ng Dios ay siyang umaakay sa iyo sa pagsisisi?
5Datapuwa't ayon sa iyong katigasan at iyong pusong hindi nagsisisi ay nagtitipon ka sa iyong sarili ng poot sa kaarawan ng kapootan at pagpapahayag ng tapat na paghuhukom ng Dios;
6Na siya ang magbibigay sa bawa't tao ayon sa kaniyang mga gawa:
7Sa mga nagsisipagtiyaga sa mabubuting gawa sa paghanap ng kaluwalhatian at puri at ng di pagkasira, ay ang buhay na walang hanggan:
8Datapuwa't ang sa mga palaaway, at mga hindi nagsisitalima sa katotohanan, kundi bagkus nagsisisunod sa kalikuan, ay ang kagalitan at kapootan,
9Kapighatian at kahapisan, ang sa bawa't kaluluwa ng tao na gumagawa ng masama, ng Judio una-una, at gayon din ng Griego;
10Datapuwa't kaluwalhatian at karangalan at kapayapaan ang sa bawa't taong gumagawa ng mabuti, sa Judio ang una-una, at gayon din sa Griego:
11Sapagka't ang Dios ay hindi nagtatangi ng mga tao.
12Sapagka't ang lahat ng nangagkasala ng walang kautusan ay mangapapahamak din naman ng walang kautusan: at ang lahat na nangagkasala sa ilalim ng kautusan ay sa kautusan din sila hahatulan;
13Sapagka't hindi ang mga tagapakinig ng kautusan ang siyang mga ganap sa harapan ng Dios, kundi ang nangagsisitalima sa kautusan ay aariing mga ganap;
14(Sapagka't kung ang mga Gentil na walang kautusan sa katutubo, ay nagsisigawa ng mga bagay ng kautusan, ang mga ito, na walang kautusan, ay siyang kautusan sa kanilang sarili;
15Na nangagtatanyag ng gawa ng kautusang nasusulat sa kanilang puso, na pinatotohanan ito pati ng kanilang budhi, at ang kanilang mga pagiisip ay nangagsusumbungan o nangagdadahilanan sa isa't isa);
16Sa araw na hahatulan ng Dios ang mga lihim ng mga tao, ayon sa aking evangelio, sa pamamagitan ni Jesucristo.
17Nguni't kung ikaw na may taglay na pangalang Judio, at nasasalig sa kautusan, at nagmamapuri sa Dios,
18At nakaaalam ng kaniyang kalooban, at sumasangayon sa mga bagay na magagaling, palibhasa'y tinuruan ka ng kautusan,

19At nagkakatiwala ka na ikaw ay tagaakay ng mga bulag, ilaw ng mga nasa kadiliman,
20Tagasaway sa mga di nakaaalam, guro ng mga bata, na sa kautusan ay mayroon kang anyo ng pagkakilala at ng katotohanan;
21Ikaw nga na nagtuturo sa iba, hindi mo tinuturuan ang iyong sarili? ikaw na nangangaral sa tao na huwag magnanakaw, ay nagnanakaw ka?
22Ikaw na nagsasabing ang tao ay huwag mangalunya, ay nangangalunya ka? ikaw na nasusuklam sa mga diosdiosan, ay nanakawan mo ang mga templo?
23Ikaw na nagmamapuri sa kautusan, sa iyong pagsuway sa kautusan ay niwawalan mo ng puri ang Dios?
24Sapagka't ang pangalan ng Dios ay nalalait ng mga Gentil dahil sa iyo, gaya ng nasusulat.
25Sapagka't ang pagtutuli'y tunay na pinakikinabangan, kung tinutupad mo ang kautusan; datapuwa't kung ikaw ay masuwayin sa kautusan, ang iyong pagtutuli ay nagiging di pagtutuli.
26Kung ang di pagtutuli nga ay tumutupad ng katuwiran ng kautusan, hindi baga aariing pagtutuli ang kaniyang di pagtutuli?
27At ang di pagtutuli sa katutubo, kung tumupad ng kautusan, ay hindi baga hahatol sa iyo na may titik at may pagtutuli na masuwayin sa kautusan?
28Sapagka't siya'y hindi Judio kung sa labas lamang; ni magiging pagtutuli yaong hayag sa laman;
29Datapuwa't siya'y Judio sa loob; at ang pagtutuli ay yaong sa puso, sa Espiritu hindi sa titik; ang kaniyang kapurihan ay hindi sa mga tao, kundi sa Dios.