1Bigyang pansin mo, Pastol ng Israel, ikaw na nangunguna kay Jose tulad ng isang kawan; ikaw na nakaupo sa ibabaw ng kerubin, magliwanag ka sa amin!
2Sa paningin ni Efraim at Benjamin at Manases, palakasin mo ang iyong kapangyarihan; lumapit ka at iligtas kami.
3O Diyos, panumbalikin mo kaming muli; pagliwanagin mo ang iyong mukha sa amin, at kami ay maliligtas.
4Yahweh Diyos ng mga hukbo, hanggang kailan ka magagalit sa iyong bayan kapag sila ay nananalangin?
5Pinakain mo sila ng tinapay ng luha at binigyan sila ng napakaraming luha para mainom.
6Ginagawan mo kami ng bagay para pagtalunan kami ng aming kapwa, at pinagtatawanan kami ng aming mga kaaway.
7Diyos ng mga hukbo, panumbalikin mo kami; pagliwanagin mo ang iyong mukha sa amin, at kami ay maliligtas.
8Nagdala ka ng puno ng ubas mula sa Egipto; pinalayas mo ang mga bansa at itinanim ito sa ibang lugar.
9Nilinis mo ang lupain para dito; nag-ugat ito at pinuno ang lupain.
10Ang mga bundok ay natakpan ng lilim nito, ang pinakamataas na mga puno ng sedar ng Diyos sa mga sanga nito.
11Umaabot ang mga sanga nito hanggang sa dagat at mga usbong nito hanggang sa Ilog Eufrates.
12Bakit mo winasak ang mga pader nito para ang lahat ng dumaraan ay pipitas ng bunga nito?
13Sinisira ito ng mga baboy-ramong nasa gubat, at kinakain ito ng mga halimaw sa bukid.