Text copied!
CopyCompare
Banal na Bibliya - Mga Awit

Mga Awit 57

Play LogoGoogle Play  APK Logo APK
Click on verse(s) to share them!
1Maging maawain ka sa akin, o Diyos, maging maawain ka, dahil kumukubli ako sa iyo hanggang matapos ang mga kaguluhan na ito. Nananatili ako sa ilalim ng iyong mga pakpak para sa pag-iingat hanggang matapos na ang pagwasak na ito.
2Mananawagan ako sa Kataas-taasang Diyos, sa Diyos, na ginagawa ang lahat ng bagay para sa akin.
3Magpapadala siya ng tulong mula sa langit at ililigtas ako, kapag ang taong gusto akong lamunin ay nagagalit sa akin; Selah ipadadala ng Diyos sa akin ang kaniyang katapatan sa tipan at kaniyang pagiging mapagkakatiwalaan.
4Ang aking buhay ay nasa kalagitnaan ng mga leon; ako ay nasa kalagitnaan ng mga handang lumapa sa akin. Ako ay nasa kalagitnaan ng mga tao na ang mga ngipin ay mga sibat at palaso, at ang mga dila ay matalim na mga espada.
5Maitanghal ka, O Diyos, sa taas ng kalangitan; nawa ang iyong kaluwalhatian ay maitaas pa sa buong mundo.
6Naglalatag sila ng isang lambat sa aking mga paa; ako ay nabagabag. Nagbungkal sila ng hukay sa harap ko. Sila mismo ang nahulog sa gitna nito! Selah
7Ang aking puso ay naninindigan, O Diyos, ang aking puso ay naninindigan; aawit ako, oo, aawit ako ng mga papuri.
8Gumising ka, marangal kong puso; gumising kayo, plauta at alpa; gigisingin ko ang bukang-liwayway.
9Magpapasalamat ako sa iyo, Panginoon, sa gitna ng mga tao; aawit ako sa iyo ng mga papuri sa gitna ng mga bansa.
10Dahil ang iyong katapatan sa tipan ay dakila sa kalangitan at ang iyong pagiging mapagkakatiwalaan ay umaabot sa himpapawid.
11Maitanghal ka, O Diyos, sa taas ng kalangitan; nawa ang iyong kaluwalhatian ay maitaas pa sa buong mundo.