Text copied!
CopyCompare
banal na Bibliya - 2 Mga Cronica

2 Mga Cronica 17

Help us?
Click on verse(s) to share them!
1Si Jehoshafat na kaniyang anak ang pumalit sa kaniya bilang hari at nagpakalakas siya laban sa Israel.
2Naglagay siya ng mga hukbo sa lahat ng pinatibay na lungsod ng Juda at naglagay ng mga kampo sa lupain ng Juda at sa mga lungsod ng Efraim na sinakop ng kaniyang amang si Asa.
3Kasama ni Jehoshafat si Yahweh dahil lumakad siya sa unang kaparaanan ng kaniyang ama na si David at hindi siya bumaling sa mga Baal.
4Sa halip, nagtiwala siya sa Diyos ng kaniyang ama, at lumakad siya ayon sa kaniyang mga kautusan, hindi ayon sa gawain ng Israel.
5Kaya itinatag ni Yahweh ang pamamahala sa kaniyang kamay, nagbigay ng parangal kay Jehoshafat ang lahat ng Juda. Nagkaroon siya ng napakaraming yaman at karangalan.
6Ang kaniyang puso ay nakatuon sa kaparaanan ni Yahweh. Inalis din niya ang mga altar at imahen ni Ashera sa Juda.
7Sa ikatlong taon ng kaniyang paghahari ipinadala niya ang kaniyang mga opisyal na sina Benhayil, Obadias, Zecharias, Netanel at Micaias upang magturo sa mga lungsod ng Judah.
8Kasama nila ang mga Levita: Sina Semaias, Netanias, Zebadias, Asahel, Semiramot, Jehonatan, Adonijas, Tobias at Tobadonijas at kasama nila ang mga paring sina Elisama at Jehoram.
9Nagturo sila sa Juda, dala-dala Ang Aklat ng Kautusan ni Yahweh. Nagtungo sila sa lahat ng lungsod ng Juda at nagturo sa mga tao.
10Nagkaroon ng Malaking Takot kay Yahweh ang lahat ng kaharian ng mga lupaing nasa palibot ng Juda kaya hindi sila nakipagdigma laban kay Jehoshafat.
11Nagdala ang ilang mga Palestina kay Jehoshafat ng mga kaloob at pilak bilang pagkilala. Nagdala din sa kaniya ang mga Arabo ng mga kawan, 7, 700 na lalaking tupa at 7, 700 na kambing.
12Naging labis na makapangyarihan si Jehoshafat. Nagpatayo siya ng mga matibay na tanggulan at imbakang lungsod sa Juda.
13Nagkaroon siya ng maraming kagamitan sa mga lungsod ng Juda at mga kawal—malalakas, matatapang na mga lalaki—sa Jerusalem.
14Ito ang listahan ng lahat sa kanila, ayon sa pangalan ng sambahayan ng kanilang ama: Mula sa Juda, ang mga pinuno ng libo; si Adna ang pinunong kawal at kasama niya ang 300, 000 na lalaking panglaban;
15sumunod sa kaniya si Jehohanan ang pinunong kawal at kasama niya ang 280, 000 na lalaki;
16sumunod sa kaniya si Amasias na anak ni Zicri, na nagkusang-loob upang maglingkod kay Yahweh at kasama niya ang 200, 000 na lalaking panglaban.
17Mula sa Benjamin: si Eliada isang makapangyarihan na lalaking matapang at kasama niya ang 200, 000 na may dalang mga pana at panangga;
18sumunod sa kaniya si Jehosabad at kasama niya ang 180, 000 na handa sa pakikipagdigma.

19Ito ang mga naglingkod sa hari, maliban pa sa mga inilagay ng hari sa mga pinatibay na lungsod sa buong Juda.