2Diyos ko, maghapon akong nananawagan sa iyo, pero hindi ka sumasagot, at maging sa gabi ako ay walang katahimikan!
3Pero ikaw ay banal; ikaw ay nakaupo bilang hari kasama ang mga papuri ng Israel.
4Ang aming mga ninuno ay nagtiwala sa iyo; nagtiwala sila sa iyo at sila ay niligtas mo.
5Dumaing sila sa iyo at sila ay niligtas mo. Nagtiwala sila sa iyo at hindi sila nabigo.
6Pero ako ay parang isang uod at hindi isang tao, isang kahihiyan sa sangkatauhan at pinagtatawanan ng mga tao.
7Silang lahat na nakakakita sa akin ay kinukutya ako; hinahamak nila ako; ang kanilang mga ulo ay napapailing sa akin.
8Sinasabi nila, “Nagtitiwala siya kay Yahweh, hayaan natin na iligtas siya ni Yahweh. Hayaan natin na sagipin siya ni Yahweh, dahil nalulugod siya sa kaniya.”
9Dahil kinuha mo ako mula sa sinapupunan; hinayaan mong magtiwala ako sa iyo habang ako ay nasa dibdib ng aking ina.
10Ipinagkatiwala na ako sa iyo mula pa sa sinapupunan; ikaw ang aking Diyos simula pa ng ako ay nasa sinapupunan ng aking ina!
11Huwag kang lumayo mula sa akin dahil malapit lang ang kaguluhan; walang sinuman ang tutulong.
12Pinaliligiran ako ng maraming mga toro; pinapaligiran ako ng malalakas na mga toro ng Bashan.
13Binubuksan nila ang kanilang bibig para sa akin na parang isang umaatungal na leon na niluluray ang kaniyang biktima.
14Ako ay parang natapong tubig, at lahat ng aking mga buto ay nalinsad. Ang aking puso ay tulad ng pagkit; natutunaw ito sa kaloob-loobang bahagi ko.
15Ang aking lakas ay parang natuyong piraso ng palayukan; ang aking dila ay dumidikit sa aking ngalangala. Inilagay mo ako sa alabok ng kamatayan.