1Dinggin ninyo ang aking mga tinuturo, aking bayan, makinig kayo sa mga salita ng aking bibig.
2Bubuksan ko ang aking bibig sa mga talinhaga; aawit ako tungkol sa mga bagay na lihim tungkol sa nakaraan.
3Ito ang mga bagay na narinig at natutunan natin, mga bagay na sinabi sa atin ng ating mga ninuno.
4Hindi natin ito itatago sa kanilang mga kaapu-apuhan. Sasabihin natin sa susunod na salinlahi ang tungkol sa kapuri-puring mga bagay na ginawa ni Yahweh, ang kaniyang kalakasan, at ang mga kababalaghan na kaniyang ginawa.
5Dahil tinatag niya ang mga utos sa tipan kay Jacob at nagtalaga ng batas sa Israel. Inutusan niya ang ating mga ninuno na ituro ito sa kanilang mga anak.
6Inutos niya ito para malaman ng darating na salinlahi ang kaniyang mga tuntunin, ang mga bata na hindi pa ipinapanganak ay dapat din nilang sabihin ito sa kanilang mga magiging anak.
7Pagkatapos, ilalagak nila ang kanilang pag-asa sa Diyos at hindi kalilimutan ang mga ginawa niya pero susundin ang kaniyang mga kautusan.
8Pagkatapos, hindi sila magiging katulad ng kanilang mga ninuno, na matigas ang ulo at rebeldeng salinlahi, salinlahi na hindi tama ang mga puso, at hindi mapagkakatiwalaan at hindi tapat sa Diyos.
9Ang mga taga-Efraim ay armado ng mga pana, pero umatras sila sa araw ng labanan.
10Hindi nila iningatan ang tipan sa Diyos, at tumanggi silang sumunod sa kaniyang batas.
11Nakalimutan nila ang kaniyang mga ginawa, ang mga kamangha-manghang bagay na ipinakita niya sa kanila.
12Gumawa siya ng kahanga-hangang mga bagay sa harap ng kanilang mga ninuno sa lupain ng Ehipto, sa lupain ng Soan.
13Hinati niya ang dagat at dinala sila sa kabila nito; pinatayo niya ang mga tubig na gaya ng mga pader.
14Sa umaga, pinangunahan niya sila ng ulap at sa buong gabi sa liwanag ng apoy.
15Biniyak niya ang mga bato sa ilang, at binigyan sila ng maraming tubig, sapat para punuin ang kailaliman ng dagat.
16Nagpaagos siya ng tubig mula sa bato at pinadaloy ang tubig gaya ng mga ilog.
17Pero pinagpatuloy pa rin nilang magkasala sa inyo, nagrerebelde laban sa Kataas-taasang Diyos sa ilang.
18Hinamon nila ang Diyos sa kanilang mga puso sa pamamagitan ng paghingi ng pagkain para pawiin ang kanilang gutom.
19Nagsalita sila laban sa Diyos: Sabi nila, “Kaya ba talaga ng Diyos na maglatag ng lamesa para sa atin sa ilang?
20Tingnan ninyo, nang hinampas niya ang bato, bumulwak ang tubig at nag-umapaw ang pagdaloy nito. Pero kaya din ba niya na magbigay ng tinapay? Magbibigay ba siya ng karne para sa kaniyang bayan?
21Nang narinig ito ni Yahweh, nagalit siya; kaya nag-alab ang kaniyang apoy laban kay Jacob, nilusob ng galit niya ang Israel,
22dahil hindi sila naniwala sa Diyos at hindi sila nagtiwala sa kaniyang kaligtasan.
23Gayumpaman, inutusan niya ang mga kalangitan at binuksan ang pinto nito.
24Nagpaulan siya ng manna para sa kainin nila, at binigyan sila ng butil mula sa langit.
25Kinain ng mga tao ang tinapay ng mga anghel. Nagpadala siya sa kanila ng masaganang pagkain.
26Pinaihip niya ang silangang hangin sa kalangitan, at sa pamamagitan ng kaniyang kapangyarihan, ginabayan niya ang katimugang hangin.
27Nagpaulan siya ng karne para sa kanila gaya ng alikabok, mga ibon na singdami ng mga buhangin sa dagat.
28Nahulog ito sa gitna ng kanilang kampo, sa buong paligid ng kanilang mga tolda.
29Kaya kumain sila at nabusog. Binigay niya ang gusto nila.
30Pero hindi pa rin sila nabusog; ang kanilang pagkain ay nasa mga bibig pa rin nila.
31Pagkatapos, nilusob sila ng galit ng Diyos at pinatay ang pinakamalalakas sa kanila. Tinumba niya ang mga batang lalaki ng Israel.
32Sa kabila nito, patuloy pa rin silang nagkasala at hindi sila naniwala sa kaniyang kahanga-hangang mga ginawa.
33Dahil dito, pinaikli ng Diyos ang kanilang mga araw; ang kanilang mga taon ay napuno ng takot.
34Sa tuwing pinapahirapan sila ng Diyos, nagsisimula silang hanapin siya, at babalik sila at masidhing hahanapin siya.
35Maaalala nila na ang Diyos ang kanilang bato at ang Kataas-taasang Diyos ang kanilang tagapagligtas.
36Pero bobolahin siya nila sa pamamagitan ng kanilang bibig at magsisinungaling sila sa pamamagitan ng kanilang mga salita.
37Dahil ang kanilang mga puso ay hindi matatag na nakatuon sa kaniya, at hindi sila tapat sa kaniyang tipan.
38Gayumpaman, siya ay naging maawain, pinatawad niya ang kanilang labis na kasalanan at hindi sila winasak. Oo, maraming beses niyang pinigil ang kaniyang galit at hindi pinukaw lahat ang kaniyang matinding galit.
39Inalala niya na sila ay gawa sa laman, isang hangin na umiihip at hindi na bumalik.
40Napakadalas nilang nagrebelde laban sa kaniya sa ilang at pinagdalamhati siya sa tigang na mga rehiyon!
41Paulit-ulit nilang sinubok ang Diyos at sinaktan ang Banal ng Israel.
42Hindi nila inisip ang kaniyang kapangyarihan, kung paano niya sila niligtas mula sa mga kalaban
43nang ipinakita niya ang nakasisindak na mga tanda sa Ehipto at kababalaghan niya sa rehiyon ng Soan.
44Ginawa niyang dugo ang mga ilog ng Ehipto para hindi sila makainom mula sa kanilang mga batis.
45Nagpadala siya ng kulupon ng mga langaw na lumamon sa kanila at mga palaka na kumalat sa kanilang lupain.
46Binigay niya ang kanilang mga pananim sa mga tipaklong at ang trabaho nila sa mga balang.
47Winasak niya ang kanilang mga taniman gamit ang yelo at ang kanilang mga punong sikamore ng mas maraming pang yelo.
48Nagpaulan siya ng yelo sa kanilang mga baka at naghagis ng mga kidlat sa kanilang mga baka.
49Ang bagsik ng kaniyang galit ay humagupit laban sa kanila. Pinadala niya ang kaniyang poot, matinding galit, at kaguluhan tulad ng mga kinatawan na sinugo para magdala ng sakuna.
50Itinaas niya ang landas ng kaniyang galit; hindi niya sila niligtas mula sa kamatayan pero ibinigay niya sila sa salot.
51Pinatay niya ang lahat ng panganay sa Ehipto, ang panganay ng kanilang lakas sa mga tolda ni Ham.
52Inakay niya ang sarili niyang bayan gaya ng tupa at ginabayan sila mula sa ilang gaya ng isang kawan.
53Inakay niya sila nang may kapanatagan at walang takot, pero nagapi ng dagat ang kanilang mga kaaway.
54Pagkatapos, dinala niya sila sa hangganan ng kaniyang banal na lupain, sa kaniyang bundok na nakuha ng kaniyang kanang kamay.
55Tinaboy niya ang mga bansa sa kanilang mga harapan at itinalaga sila sa kanilang pamana; pinatira niya ang mga tribu ng Israel sa kanilang mga tolda.
56Pero hinamon at sumuway sila sa Kataas-taasang Diyos at hindi sinunod ang kaniyang banal na mga kautusan.
57Hindi sila tapat at kumilos sila nang may kataksilan gaya ng kanilang mga ama; hindi sila maaasahan tulad ng isang sirang pana.
58Dahil siya ay ginalit nila sa kanilang paganong mga templo at pinukaw siya na magalit dahil sa kanilang mga diyos-diyosan.
59Nang marinig ito ng Diyos, nagalit siya at lubusang itinakwil ang Israel.
60Iniwan niya ang banal na santuwaryo ng Shilo, ang tolda kung saan siya naninirahan kasama ng mga tao.
61Hinayaan niyang mahuli ang kaniyang lakas at ibinigay niya ang kaniyang kaluwalhatian sa kamay ng kaniyang mga kaaway.
62Ibinigay niya ang kaniyang bayan sa mga espada, at nagalit siya sa kaniyang pamana.
63Nilamon ng apoy ang kanilang mga binata, at ang mga dalaga nila ay walang mga kantang pangkasal.
64Nahulog ang kanilang mga pari sa espada, at ang kanilang mga balo ay hindi makaiyak.
65Pagkatapos, gumising ang Diyos mula sa pagkakatulog, gaya ng isang mandirigma na sumisigaw dahil sa alak.
66Pinaatras niya ang kaniyang mga kaaway; inilagay niya sila sa walang hanggang kahihiyan.
67Tinanggihan niya ang tolda ni Jose, at hindi niya pinili ang tribu ni Efraim.
68Pinili niya ang tribu ng Juda at Bundok ng Sion na iniibig niya.
69Itinayo niya ang kaniyang banal na santuwaryo gaya ng langit, gaya ng daigdig na kaniyang itinatag magpakailanman.
70Pinili niya si David, ang kaniyang lingkod, at kinuha siya mula sa kulungan ng mga tupa.