Text copied!
CopyCompare
Banal na Bibliya - Marcos - Marcos 8

Marcos 8:17-36

Play LogoGoogle Play  APK Logo APK
Click on verse(s) to share them!
17Batid ito ni Jesus, at sinabi niya sa kanila, “Bakit ninyo ipinangangatwirang wala kayong tinapay? Hindi pa ba ninyo nababatid? Hindi ba ninyo nauunawaan? Naging tigang na ba ang inyong mga puso?
18Mayroon kayong mga mata, hindi ba ninyo nakikita? Mayroon kayong mga tainga, hindi ba ninyo naririnig? Hindi pa rin ba ninyo naaalala?
19Nang hinati ko ang limang tinapay para sa limang libo, ilang basket ang inyong napuno ng mga hinati-hating tinapay?” Sinabi nila sa kaniya, “Labindalawa.”
20“At nang hinati-hati ko ang pitong tinapay para sa apat na libo, ilang basket ang inyong napuno?” Sinabi nila sa kaniya, “Pito.”
21Sinabi niya, “Hindi pa rin ba ninyo nauunawaan?”
22Nakarating sila sa Betsaida. Dinala sa kaniya ng mga tao doon ang isang lalaking bulag at pinakiusapan nila si Jesus na hawakan siya.
23Inalalayan ni Jesus ang lalaking bulag at dinala siya palabas ng nayon. Nang niluraan niya ang kaniyang mga mata at pinatong ang kaniyang kamay sa kaniya, tinanong niya ito, “May nakikita ka bang anumang bagay?”
24Tumingin siya at sinabi, “Nakakakita ako ng mga taong parang mga punong naglalakad.”
25Kaya ipinatong niyang muli ang kaniyang mga kamay sa kaniyang mga mata, at iminulat ng lalaki ang kaniyang mga mata, nanumbalik ang kaniyang paningin, at malinaw niyang nakita ang lahat ng mga bagay.
26Pinauwi siya ni Jesus sa kaniyang tahanan at sinabi, “Huwag kang papasok sa bayan.”
27Umalis si Jesus at ang kaniyang mga alagad patungo sa nayon ng Cesarea Filipos. Sa daan tinanong niya ang kaniyang mga alagad, “Sino ako ayon sa mga sinasabi ng mga tao?”
28Sumagot sila at sinabi, “Si Juan na Tagabautismo. Sinasabi ng iba, 'si Elias,' at ang iba, 'Isa sa mga propeta.'”
29Tinanong sila ni Jesus, “Ngunit para sa inyo, sino ako?” Sinabi ni Pedro sa kaniya, “Ikaw ang Cristo.”
30Binalaan sila ni Jesus na huwag ipagsabi sa kahit kanino ang tungkol sa kaniya.
31At nagsimula siyang magturo sa kanila na ang Anak ng Tao ay kailangang magdusa ng maraming bagay, at hindi tatanggapin ng mga nakatatanda, ng mga punong pari at ng mga eskriba, at ipapapatay, at muling babangon matapos ang tatlong araw.
32Malinaw niya itong sinabi. At dinala siya ni Pedro sa isang tabi at nagsimula siyang pagsabihan.
33Ngunit lumingon si Jesus at tumingin sa kaniyang mga alagad at sinaway niya si Pedro at sinabi, “Layuan mo ako Satanas! Hindi mo pinahahalagahan ang mga bagay tungkol sa Diyos ngunit pinahahalagahan mo ang mga bagay tungkol sa mga tao.”
34Pagkatapos tinawag niya ang maraming tao, kasama ng kaniyang mga alagad, at sinabi niya sa kanila, “Kung sinuman ang nagnanais sumunod sa akin, kailangan niyang ikaila ang kaniyang sarili, pasanin ang kaniyang krus at sumunod sa akin.
35Sapagkat ang sinumang nais magligtas ng kaniyang buhay ay mawawalan nito at sinumang mawawalan ng kaniyang buhay alang-alang sa akin at para sa ebanghelyo ay makapagliligtas nito.
36Ano ang mapapala ng isang tao, na makuha ang buong mundo at pagkatapos ay mawala ang kaniyang sariling buhay?

Read Marcos 8Marcos 8
Compare Marcos 8:17-36Marcos 8:17-36