Text copied!
CopyCompare
banal na Bibliya - Marcos

Marcos 4

Help us?
Click on verse(s) to share them!
1Muli siyang nagsimulang mangaral sa tabi ng dagat. At nagtipun-tipon ang napakaraming tao sa paligid niya, kaya sumakay siya sa bangka na nasa dagat at naupo. Ang mga tao ay nasa tabi ng dagat sa dalampasigan.
2At tinuruan niya sila ng maraming bagay sa pamamagitan ng mga talinghaga, at sinabi niya sa kanila sa kaniyang pagtuturo,
3“Makinig kayo, lumabas ang manghahasik upang maghasik.
4Habang siya ay naghahasik, mayroong mga binhing napunta sa daan at dumating ang mga ibon at inubos ang mga ito.
5Ang ibang mga binhi ay napunta sa mabatong lupa na kung saan ang lupa ay kakaunti lamang. Agad silang tumubo dahil hindi malalim ang lupa nito.
6Ngunit nang sumikat ang araw, nalanta ang mga ito at dahil wala silang ugat natuyo ang mga ito.
7Ang ibang mga binhi ay napunta sa tinikan. Lumaki ang mga halamang may tinik at sinakal ang mga ito, at hindi ito nakapamunga ng kahit isang butil.
8Napunta sa matabang lupa ang ibang binhi at nagkabutil habang lumalago at dumarami, at may nagkabutil ng tigtatatlumpu, tig-aanimnapu, at tig-iisangdaan”.
9At sinabi niya, “Sinuman ang may taingang pandinig, makinig!”
10Nang nag-iisa na si Jesus, nagtanong ang mga malalapit sa kaniya kasama ang Labindalawa tungkol sa talinghaga.
11Sinabi niya sa kanila, “Ipinagkaloob sa inyo ang hiwaga ng kaharian ng Diyos. Ngunit sa ibang nasa labas ang lahat ay mga talinghaga,
12nang sa gayon, kapag sila ay tumingin, oo titingin sila, ngunit hindi sila makakakita, at kapag sila ay nakinig, oo makaririnig sila, ngunit hindi sila makauunawa, o kundi sila ay manumbalik at patatawarin sila ng Diyos.”
13At sinabi niya sa kanila, “Hindi ba ninyo naiintindihan ang talinghagang ito? Paano pa kaya ninyo maiintindihan ang iba pang mga talinghaga?
14Ang manghahasik ay naghasik ng salita.
15Ang ilan sa mga ito ay ang nahulog sa tabi ng daan, kung saan ang salita ay naihasik. At nang marinig nila ito, agad na dumating si Satanas upang alisin ang salitang naitanim sa kanila.
16At ang iba ay ang mga naitanim sa mabatong lupa, nang makarinig sila ng salita, agad nila itong tinatanggap nang may kagalakan.
17At hindi sila nakapag-ugat kaya sila nakatiis lang ng maikling panahon. At dumating ang mga pagdurusa o pag-uusig dahil sa salita at agad silang nadapa.
18At ang iba naman ay naihasik sa tinikan. Narinig nila ang salita at tinanggap ito,

19ngunit ang mga alalahanin sa mundo, ang pandaraya ng kayamanan at ang pagnanasa sa iba pang mga bagay ay pumasok at nasakal ang salita, at ito ay hindi nakapamunga.
20At mayroon namang naihasik sa matabang lupa. Narinig nila ang salita at tinanggap ito at nakapamunga: may tatlumpu, may animnapu, at may isangdaan.”
21Sinabi ni Jesus sa kanila, “Magdadala ba kayo ng lampara sa loob ng bahay upang ilagay ito sa loob ng basket o sa ilalaim ng higaan? Dadalhin ninyo ito sa loob at ilalagay sa lagayan ng lampara.
22Sapagkat walang itinatago na hindi maihahayag at walang lihim na hindi maibubunyag.
23Sinuman ang may taingang pandinig, makinig.
24Sinabi niya sa kanila, “Pakinggan ninyong mabuti ang inyong naririnig, ang panukat na inyong ginagamit ay siya ring gagamiting panukat sa inyo, at idadagdag ito sa inyo.
25Dahil sinumang mayroon ay pagkakalooban ng higit pa, at sinumang wala, kukunin maging ang anumang nasa kaniya.”
26At sinabi niya, “Ang kaharian ng Diyos ay tulad ng isang taong naghasik ng kaniyang binhi sa lupa.
27Sa gabi siya ay natutulog at sa umaga siya ay bumabangon, at ang binhi ay sumisibol at tumutubo, ngunit hindi niya alam kung paano.
28Ang lupa sa sarili niya ay namumunga ng butil: una ang sibol, sunod ang mga tangkay, sunod ang mga hinog na butil sa tangkay.
29At kapag nahinog na ang butil, agad niyang ipinadadala ang panggapas sapagkat dumating na ang anihan.”
30At sinabi niya, “Saan natin maihahambing ang kaharian ng Diyos, o anong talinghaga ang magagamit natin upang maipaliwanag ito?
31Ito ay katulad ng buto ng mustasa na kapag ito ay itinanim, ito ang pinakamaliit sa lahat ng mga buto sa daigdig.
32Gayunpaman, kapag ito ay naitanim, tumutubo ito at nagiging pinakamalaki sa lahat ng mga tanim sa bukirin at nagkakaroon ito ng malalaking sanga, kaya ang mga ibon sa himpapawid ay nakakapamugad sa lilim nito.
33Ipinangaral niya ang salita sa kanila sa pamamagitan ng maraming talinghagang katulad nito, hanggang sa kaya nilang maunawaan,
34at hindi siya nangaral sa kanila nang hindi gumagamit ng talinghaga. Ngunit kapag siya ay nag-iisa na lamang, ipinapaliwanag niya ang lahat sa kaniyang sariling mga alagad.
35Kinagabihan, nang araw ding iyon, sinabi niya sa kanila, “Tumawid tayo sa kabilang dako.”
36Kaya iniwan nila ang maraming tao na isinama nila si Jesus dahil nakasakay na siya sa bangka. Mayroon ding ibang mga bangkang sumama sa kaniya.

37Nagkaroon ng matinding unos at hinampas ng mga alon ang bangka kaya halos mapuno na ito ng tubig.
38Ngunit si Jesus naman ay nasa dulo ng bangka at natutulog sa unan. Ginising nila si Jesus at sinabi, “Guro, hindi ba kayo nababahala na malapit na tayong mamatay?
39At gumising siya at sinaway ang hangin at sinabi sa dagat, “Pumayapa ka, tigil.” Tumigil ang hangin, at nagkaroon ng labis na kapayapaan.
40At sinabi niya sa kanila, “Bakit kayo natatakot? Wala pa rin ba kayong pananampalataya?”
41Lubha silang natakot at sinabi nila sa isa't isa, “Sino ba talaga siya, dahil maging ang hangin at ang dagat ay sumusunod sa kaniya?”