Text copied!
CopyCompare
Banal na Bibliya - Marcos - Marcos 5

Marcos 5:12-37

Play LogoGoogle Play  APK Logo APK
Click on verse(s) to share them!
12at nagmakaawa sila sa kaniya, na sinasabi, “Papuntahin mo kami sa mga baboy, hayaan mo kaming pumasok sa kanila.”
13Kaya pinayagan niya ang mga ito, lumabas ang mga masamang espiritu at pumasok sa mga baboy, at nagtakbuhan sila patungo sa matarik na burol papunta sa dagat, halos dalawang libong baboy ang nalunod sa dagat.
14At tumakbo ang mga nagpapakain sa mga baboy at ipinamalita sa lungsod at sa mga karatig-pook kung ano ang nangyari. At maraming tao ang pumunta upang makita kung ano ang nangyari.
15Pagkatapos ay pumunta sila kay Jesus at nakita nila ang lalaking sinapian ng demonyo— na may Pulutong—na nakaupo, nakabihis, at nasa kaniyang tamang kaisipan, at sila ay natakot.
16Sinabi sa kanila ng mga nakakita ng nangyari sa lalaking sinapian ng demonyo kung ano ang nangyari sa kaniya at gayon din ang tungkol sa mga baboy.
17At nagsimula silang nagmakaawa sa kaniya na umalis sa kanilang rehiyon.
18At nang sumasakay na siya sa bangka, nakiusap sa kaniya ang lalaking sinaniban ng demonyo kung maaari siyang sumama sa kaniya.
19Ngunit hindi siya pumayag dito, subalit sinabi niya sa kaniya, “Umuwi ka sa iyong bahay at sa mga kasama mo, at sabihin mo sa kanila kung ano ang ginawa ng Panginoon para sa iyo at kung paano ka niya kinahabagan.”
20Kaya siya ay umalis at nagsimulang ihayag ang mga dakilang bagay na ginawa ni Jesus para sa kaniya sa Decapolis at ang lahat ay namangha.
21At nang si Jesus ay muling tumawid sa kabilang dako, maraming mga tao ang pumalibot sa kaniya sa bangka, sapagkat siya ay nasa tabing dagat.
22At isa sa mga pinuno ng sinagoga na nagngangalang Jairo ang dumating, at nang makita niya si Jesus, nagpatirapa siya sa kaniyang paanan.
23Nagmakaawa siya nang paulit-ulit na nagsasabi, “Ang aking anak na babae ay malapit nang mamatay. Nakikiusap ako sa iyo, halika ka at ipatong ang iyong mga kamay sa kaniya upang siya ay gumaling at mabuhay.”
24Kaya sumama siya sa kaniya at sumunod sa kaniya ang napakaraming tao at sila ay nag-uumpukan sa palibot niya.
25Ngayon, mayroong isang babae na walang tigil na dinudugo sa loob ng labing dalawang taon.
26Dumanas siya ng maraming hirap sa ilalim ng mga manggagamot at naubos na niya ang lahat ng mayroon siya. Ngunit walang nakatulong sa kaniya, sa halip ay lalo pang lumala.
27Narinig niya ang mga balita tungkol kay Jesus. Kaya pumunta siya sa kaniyang likuran habang siya ay naglalakad sa gitna ng maraming tao, at hinawakan niya ang kaniyang balabal.
28Sapagkat iniisip niya, “Kung mahawakan ko man lang kahit ang kaniyang damit, ako ay gagaling.”
29Nang mahawakan niya siya, tumigil ang pagdurugo, at naramdaman niya sa kaniyang katawan na siya ay gumaling na sa kaniyang paghihirap.
30At agad napansin ni Jesus na may lumabas na kapangyarihan mula sa kaniya. At lumingon siya sa mga tao at nagtanong, “Sino ang humawak sa aking damit?”
31Sinabi sa kaniya ng mga alagad, “Nakita mo ang napakaraming taong nag-uumpukan sa paligid mo, at sasabihin mong 'Sino ang humawak sa akin?”
32Ngunit si Jesus ay tumingin sa paligid upang malaman kung sino ang may gawa nito.
33Nang nalaman ng babae ang nangyari sa kaniya, natakot siya at nanginig. Lumapit siya at nagpatirapa sa kaniyang harapan at sinabi ang buong katotohanan.
34Sinabi niya sa kaniya, “Anak, ang iyong pananampalataya ang nagpagaling sa iyo. Umuwi ka nang may kapayapaan at gumaling ka sa iyong karamdaman.”
35Habang siya ay nagsasalita, ilang tao mula sa pinuno ng sinagoga ang dumating at nagsabi, “Patay na ang iyong anak. Bakit mo pa aabalahin ang Guro?”
36Ngunit nang marinig ni Jesus ang kanilang sinabi, sinabi niya sa pinuno ng sinagoga, “Huwag kang matakot, maniwala ka lang.”
37Hindi niya pinayagan ang kahit sino na sumama sa kaniya maliban kay Pedro, Santiago, at Juan na kapatid ni Santiago.

Read Marcos 5Marcos 5
Compare Marcos 5:12-37Marcos 5:12-37