Text copied!
CopyCompare
Banal na Bibliya - Lucas - Lucas 12

Lucas 12:18-49

Play LogoGoogle Play  APK Logo APK
Click on verse(s) to share them!
18Sinabi niya, 'Ito ang aking gagawin. Gigibain ko ang aking mga kamalig at tatayuan ko ng mas malalaki at doon ko ilalagay ang lahat ng aking butil at iba pang mga ari-arian.
19Sasabihin ko sa aking kaluluwa, “Kaluluwa, marami kang mga ari-arian na naitago sa maraming taon. Magpahinga ng mabuti, kumain, uminom, at magpakasaya.'”
20Ngunit sinabi ng Diyos sa kaniya, 'Hangal na tao, ang iyong kaluluwa ay kukunin ngayong gabi, at ang mga bagay na iyong inihanda, kanino mapupunta ang mga ito?
21Ganyan ang isang tao na nag-iipon ng kayamanan para sa kaniyang sarili at hindi mayaman para sa Diyos.”
22Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad, “Kaya sinasabi ko sa inyo, huwag kayong mabahala tungkol sa inyong buhay—kung ano ang inyong kakainin, o tungkol sa inyong katawan—kung ano ang inyong susuotin.
23Sapagkat ang buhay ay mas higit kaysa sa pagkain at ang katawan ay mas higit kaysa sa mga damit.
24Isipin ninyo ang mga uwak, hindi sila naghahasik o umaani. Wala silang bodega o kamalig, ngunit sila ay pinapakain ng Diyos. Gaano na lamang kayo kahalaga kaysa sa mga ibon!
25At sino sa inyo ang sa pag-aalala ay makapagdaragdag ng kahit isang kubit sa haba ng kaniyang buhay?
26Kung gayon na hindi ninyo magawa ang kahit pinakamaliit na bagay, bakit kayo nababahala sa ibang mga bagay?
27Isipin ninyo ang mga liryo—kung paano sila lumalaki. Sila ay hindi nagtatrabaho o ni nagsusulid man lang. Gayon pa man, sinasabi ko sa inyo, kahit si Solomon sa lahat ng kaniyang kaluwalhatian ay hindi nakapagdamit na tulad ng isa sa mga ito.
28Kung dinamitan nga ng Diyos ang damo sa bukid, na nananatili ngayon, at bukas ay itatapon sa pugon, gaano pa kayo na kaniyang dadamitan, O kayong mga maliit ang pananampalataya!
29Huwag hanapin kung ano ang inyong kakainin, at kung ano ang inyong iinumin, at huwag kayong mabahala.
30Dahil ang mga bagay na ito ang hinahanap ng lahat ng mga bansa sa mundo, at alam ng inyong Ama na kailangan ninyo ang mga bagay na ito.
31Ngunit hanapin ang kaniyang kaharian, at ang lahat ng bagay na ito ay maidadagdag sa inyo.
32Huwag matakot, maliit na kawan, dahil ang inyong Ama ay lubos na nalulugod na ibigay sa inyo ang kaharian.
33Ipagbili ang inyong mga ari-arian at ibigay ito sa mahihirap. Gumawa kayo ng inyong mga sariling mga pitaka na hindi nasisira—mga kayamanan sa kalangitan na hindi nawawala, na hindi nilalapitan ng magnanakaw, at hindi sinisira ng tanga.
34Sapagkat kung nasaan ang inyong kayamanan ay naroon din ang inyong puso.
35Isuksok ninyo ang inyong mahabang damit sa inyong sinturon, at panatilihing nag-aapoy ang inyong mga ilawan,
36at maging katulad kayo ng mga taong naghihintay sa kanilang amo na bumalik mula sa kasalan, upang kung siya ay bumalik at kumatok, agad nilang bubuksan ang pinto para sa kaniya.
37Pinagpala ang mga lingkod na iyon, na masusumpungan ng amo na nagbabantay sa kaniyang pagbabalik. Totoo, sinasabi ko sa inyo na isusuksok niya ang mahaba niyang damit sa kaniyang sinturon, pauupuin sila para sa pagkain, at lalapit at pagsisilbihan sila.
38Kung ang amo ay dadating sa pangalawang pagbantay sa gabi o kahit sa pangatlong pagbantay at nakita silang handa, pinagpala ang mga lingkod na iyon.
39Dagdag pa nito alamin ninyo ito, na kung alam ng amo ang oras ng pagdating ng magnanakaw, hindi niya hahayaang mapasok ang kaniyang tahanan.
40Maging handa din, dahil hindi niyo alam ang oras ng pagdating ng Anak ng Tao.”
41Sinabi ni Pedro, “Panginoon, sa amin mo lamang ba sinasabi ang talinghagang ito o para rin sa lahat?”
42Sinabi ng Panginoon, “Sino ngayon ang tapat at matalinong tagapamahala na itatakda ng kaniyang panginoon para sa ibang lingkod upang ibigay sa kanila ang kanilang bahagi ng pagkain sa tamang panahon?
43Pinagpala ang lingkod na iyon, na masusumpungan ng kaniyang panginoon na gumagawa niyan sa kaniyang pagdating.
44Totoong sinasabi ko sa inyo na siya ay gagawing tagapamahala sa lahat ng kaniyang ari-arian.
45Ngunit kung sinasabi ng lingkod na iyon sa kaniyang puso, “Matatagalan pa ang pagbabalik ng aking panginoon,' at sinimulan niyang bugbugin ang mga lalaki at babaeng lingkod, at kakain at iinom, at malalasing,
46ang panginoon ng lingkod na iyon ay darating sa araw na hindi niya inaasahan, at sa oras na hindi niya nalalaman, at siya ay pagpipira-pirasuhin at magtatalaga siya ng lugar para sa kaniya kasama ang mga hindi tapat.
47Ang lingkod na iyon, na alam ang kalooban ng kaniyang panginoon at hindi naging handa o ginawa ang ayon sa kaniyang kalooban, ay mabubugbog nang madami.
48Ngunit ang hindi nakakaalam, at gumawa ng mga bagay na karapat-dapat sa pagbugbog, ay mabubugbog nang kaunti. Ang lahat ng binigyan ng marami, marami din ang hihingiin sa kaniya, at ang pinagkatiwalaan ng marami, marami ang hihingiin nila sa kaniya.
49Pumarito ako upang magbaba ng apoy sa mundo, at ninanais ko na ito ay magningas.

Read Lucas 12Lucas 12
Compare Lucas 12:18-49Lucas 12:18-49