Text copied!
CopyCompare
Banal na Bibliya - Jeremias

Jeremias 46

Play LogoGoogle Play  APK Logo APK
Click on verse(s) to share them!
1Ito ang salita ni Yahweh na dumating kay propetang Jeremias tungkol sa mga bansa.
2Para sa Egipto: “Tungkol ito sa hukbo ni Faraon Neco na hari ng Egipto, na nasa Carquemis sa tabi ng Ilog Eufrates. Ito ang hukbong tinalo ni Nebucadnezar na hari ng Babilonia sa ika-apat na taon ni Jehoiakim na anak ni Josias, na hari ng Juda:
3Ihanda ninyo ang mga maliliit at mga malalaking kalasag, at sumugod sa labanan.
4Isingkaw ninyo ang mga kabayong lalaki at sakyan ninyo ang mga ito, kayong mga mangangabayo. Humanay kayo, kasama ang inyong mga helmet na nasa inyong mga ulo. Hasain ninyo ang mga sibat at isuot ang inyong mga baluti.
5Ano ang aking nakikita rito? Napuno sila ng matinding takot at tumatakbo palayo, sapagkat natalo ang kanilang mga kawal. Tumatakbo sila upang makaligtas at hindi lumilingon. Ang matinding takot ay nasa lahat ng dako—ito ang pahayag ni Yahweh—
6ang matulin ay hindi makatatakbo palayo, at ang mga kawal ay hindi makatatakas. Natitisod sila sa hilaga at bumabagsak sa tabi ng Ilog Eufrates.
7Sino itong bumabangon tulad ng Nilo, na iniitsa pataas at pababa ang tubig tulad ng mga ilog?
8Bumabangon ang Egipto tulad ng Nilo, at iniitsa pataas at pababa ang tubig nito tulad ng mga ilog. Sinasabi nito, 'Babangon ako, tatakpan ko ang lupa. Wawasakin ko ang mga lungsod at ang mga naninirahan sa mga ito.
9Bumangon kayo, mga kabayo. Magalit kayo, kayong mga karwahe. Palabasin ang mga kawal, Cus at Puth, mga kalalakihang dalubhasa sa kalasag, at Ludio, mga kalalakihang dalubhasa sa paghatak ng kanilang mga pana.'
10Ang araw na iyon ang magiging araw ng paghihiganti para sa Panginoong Yahweh ng mga hukbo, at ipaghihiganti niya ang kaniyang sarili sa kaniyang mga kaaway. Lalamon at mabubusog ang espada. Iinumin nito ang kanilang dugo hanggang sa mapuno. Sapagkat magkakaroon ng alay sa Panginoong Yahweh ng mga hukbo sa hilagang lupain sa tabi ng Ilog Eufrates.
11Umakyat ka sa Gilead at kumuha ng gamot, birheng anak na babae ng Egipto. Wala itong saysay na naglalagay ka ng maraming gamot sa iyong sarili. Walang lunas para sa iyo.
12Nabalitaan ng mga bansa ang iyong kahihiyan. Napuno ng iyong mga pagtangis ang lupa, sapagkat natitisod ang kawal laban sa kawal, pareho silang bumabagsak.”
13Ito ang salitang sinabi ni Yahweh kay propetang Jeremias nang dumating si Nebucadnezar na hari ng Babilonia at sinalakay ang lupain ng Egipto:
14“Iulat ninyo sa Egipto at hayaang mabalitaan sa Migdol at sa Memfis. Sa Tafnes, sinabi nila, 'Lumugar kayo at tumindig, sapagkat nilalamon ng espada ang lahat ng nasa paligid ninyo.
15Bakit tumakbo palayo ang inyong diyos na si Apis? Bakit hindi tumatayo ang inyong diyos na toro? Ibinagsak siya ni Yahweh.
16Dinagdagan niya ang bilang ng mga natitisod. Bumabagsak ang bawat kawal sa sumusunod. Sinasabi nila, “Bumangon kayo. Umuwi na tayo. Bumalik na tayo sa ating sariling mga tao, sa ating katutubong lupain. Iwanan na natin ang espadang ito na tumatalo sa atin.”
17Ipinahayag nila roon, “Ang Faraon na hari ng Egipto ay isang ingay lamang, na hinayaang makawala ang kaniyang pagkakataon.”
18“Sapagkat buhay ako—ito ang pahayag ng hari—Yahweh ng mga hukbo ang pangalan, may darating tulad ng Bundok ng Tabor at Bundok ng Carmelo sa tabing-dagat.

19Ihanda ninyo para sa inyong mga sarili ang inyong dalahin para sa pagkabihag, kayong mga anak na babae na naninirahan sa Egipto. Sapagkat magiging isang katatakutan at isang pagkawasak ang Memfis upang walang sinuman ang maninirahan doon.
20Ang Egipto ay isang napakagandang batang baka, ngunit dumarating ang isang nangangagat na insekto mula sa hilaga. Dumarating na ito.
21Ang mga upahang kawal sa kaniyang kalagitnaan ay tila mga pinatabang toro, ngunit tatalikod at tatakbo rin sila. Hindi sila titindig ng magkakasama, sapagkat ang araw ng kanilang kapahamakan ay dumarating sa kanila, ang oras ng kanilang kaparusahan.
22Sumusutsot at gumagapang papalayo ang Egipto tulad ng isang ahas, sapagkat lumalakad laban sa kaniya ang kaniyang mga kaaway. Lumalakad sila patungo sa kaniya tulad ng mga namumutol ng kahoy na may mga palakol.
23Puputulin nila ang mga kakahuyan—ito ang pahayag ni Yahweh—bagaman ito ay labis na masikip. Sapagkat mas magiging marami ang mga kaaway kaysa sa mga balang, hindi sila mabibilang.
24Mapapahiya ang anak na babae ng Egipto. Ibibigay siya sa kamay ng mga taong mula sa hilaga.”
25Sinasabi ni Yahweh ng mga hukbo, ang Diyos ng Israel, “Tingnan mo, parurusahan ko si Ammon na taga-Tebes, ang Faraon, ang Egipto at ang kaniyang mga diyos, ang kaniyang mga haring Faraon, at ang mga nagtitiwala sa kanila.
26Ibinibigay ko sila sa kamay ng mga humahangad sa kanilang mga buhay, sa kamay ni Nebucadnezar na hari ng Babilonia at sa kaniyang mga lingkod. At pagkatapos nito, pananahanan ang Egipto gaya noong unang panahon—ito ang pahayag ni Yahweh.”
27“Ngunit ikaw, lingkod kong Jacob, huwag kang matakot. Huwag kang mangamba, Israel, sapagkat tingnan mo, ibabalik ko kayo mula sa malayo, at ang inyong mga anak mula sa lupain ng kanilang pagkabihag. Pagkatapos, manunumbalik si Jacob, makakatagpo ng kapayapaan, at magiging ligtas, at wala ng sisindak sa kaniya.
28Ikaw, lingkod kong Jacob, huwag kang matakot—Ito ang pahayag ni Yahweh—sapagkat kasama mo ako, kaya magdadala ako ng ganap na pagkawasak laban sa lahat ng bansa kung saan ko kayo ikinalat. Ngunit hindi kita lubusang wawasakin. Gayon pa man, makatarungan kitang didisiplinahin at tiyak na hindi kita iiwang hindi napaparusahan.'”