Text copied!
CopyCompare
Banal na Bibliya - Jeremias

Jeremias 4

Play LogoGoogle Play  APK Logo APK
Click on verse(s) to share them!
1Ito ang pahayag ni Yahweh. “Kung babalik ka Israel, dapat lamang na sa akin ka bumalik. Kung inalis mo ang mga kasuklam-suklam na bagay sa aking harapan at hindi na lilihis muli sa akin
2at kung ipapangako mo, 'Namumuhay si Yahweh sa katotohanan, katarungan at katuwiran,' hihilingin ng mga bansa ang aking pagpapala at pupurihin nila ako.
3Sapagkat ito ang sinasabi ni Yahweh sa bawat tao sa Juda at Jerusalem, 'Bungkalin ninyo ang sarili ninyong lupain at huwag kayong maghasik sa mga matitinik.
4Maging tuli kay Yahweh at alisin ninyo ang kasamaang bumabalot sa inyong puso, mga kalalakihan ng Juda at mga naninirahan sa Jerusalem, kung hindi, lalabas ang aking galit gaya ng apoy at sunog na walang sinumang makapapatay nito. Mangyayari ito dahil sa kasamaan ng inyong mga gawa.
5Ibalita sa Juda at hayaan itong marinig sa Jerusalem. Sabihin ninyo, “Hipan ang trumpeta sa lupain.” Ihayag ninyo, 'Magtipun-tipon. Pumunta tayo sa matitibay na mga lungsod.”
6Itaas ang bandilang panghudyat at ituro ito sa Zion at tumakbo para sa kaligtasan! Huwag kayong manatili sapagkat magdudulot ako ng sakuna mula sa hilaga at isang malaking pagkawasak.
7Isang leon ang paparating mula sa kasukalan at naghahanda na ang wawasak ng mga bansa. Iiwan niya ang kaniyang lugar upang magdala ng matinding takot sa inyong lupain, upang wasakin ang inyong mga lungsod kung saan walang sinuman ang maninirahan.
8Dahil dito, magsuot kayo ng damit panluksa, magsipanaghoy at magsitangis. Sapagkat hindi nawala ang matinding poot ni Yahweh sa atin.
9Ito ang pahayag ni Yahweh. At mangyayari ito sa araw na iyon, na ang puso ng hari at ng kaniyang mga opisyal ay mamamatay. Manlulumo ang mga pari at manginginig sa takot ang mga propeta.'”
10Kaya sinabi ko, 'Oh! Panginoong Yahweh. Tunay nga na nilinlang mo ng lubusan ang mga taong ito at ang Jerusalem sa pagsasabi, 'Magkakaroon kayo ng kapayapaan.' Ngunit nag-aaklas ang mga espada laban sa kanilang mga buhay.
11Sa oras na iyon, sasabihin ito sa mga tao at sa Jerusalem, “Isang nag-aapoy na hangin mula sa mga kapatagan sa disyerto ang darating sa anak na babae ng aking mga tao. Hindi ito ang magtatahip o maglilinis sa kanila.
12Isang hangin na mas malakas pa dito ang darating sa aking utos, at ngayon ay hahatulan ko sila.
13Tingnan ninyo, lumulusob siya katulad ng mga ulap at ang kaniyang mga karwahe ay gaya ng isang bagyo. Ang kaniyang mga kabayo ay mas mabilis pa kaysa sa mga agila. Kaawa-awa tayo sapagkat mawawasak tayo!
14Linisin mo ang iyong puso mula sa kasamaan, Jerusalem, upang ikaw ay maaaring maligtas. Gaano katagal mong iisipin ng malalim ang tungkol sa kung paano magkasala?
15Sapagkat ang isang tinig ay nagdadala ng mga balita mula sa Dan at narinig ang paparating na sakuna mula sa kabundukan ng Efraim.
16Hayaang isipin ng mga bansa ang tungkol dito. Tingnan ninyo, ipahayag ninyo sa Jerusalem na paparating ang mga mananakop sa malayong lupain upang sumigaw ng pakikidigma laban sa mga lungsod ng Juda.
17Magiging tulad sila ng mga kalalakihang tagapagbantay na nakapalibot sa sinasakang bukid, sapagkat naghihimagsik siya laban sa akin.
18At ang iyong mga pag-uugali at mga gawain ang gumawa ng mga bagay na ito sa iyo. Ito ang magiging kaparusahan mo. Magiging katakot-takot ito! Tatagos ito sa kaibuturan ng iyong puso. Ito ang pahayag ni Yahweh.

19Aking puso! Aking puso! Nagdadalamhati ang aking puso. Gulung-gulo ang aking puso. Hindi ako matahimik sapagkat naririnig ko ang tunog ng tambuli, isang hudyat ng labanan.
20Pagkagiba pagkatapos ng pagkagiba ang inihayag, sapagkat biglang nawasak ang lahat ng lupain. Bigla nilang winasak ang aking tabernakulo at ang aking tolda.
21Gaano katagal kong makikita ang pamantayan? Maririnig ko ba ang tunog ng tambuli?
22Sapagkat ang kahangalan ng aking mga tao ay hindi nila ako kilala. Mga hangal silang tao at wala silang pang-unawa. Mahusay sila sa paggawa ng kasamaan ngunit hindi nila alam ang gumawa ng kabutihan.
23Nakita ko ang lupain at tingnan mo! Wala itong hugis at walang laman. Sapagkat walang liwanag sa kalangitan.
24Tiningnan ko ang mga kabundukan. Masdan, nanginginig sila at nayayanig ang lahat ng mga burol.
25Tumingin ako. Masdan, wala ni isa man at nagsitakas ang lahat ng ibon sa kalangitan.
26Tumingin ako. Masdan, ang mga halamanan ay naging isang ilang at ang lahat ng mga lungsod ay pinabagsak sa harapan ni Yahweh, sa harap ng kaniyang matinding poot.”
27Ito ang sinasabi ni Yahweh, “Ang lahat ng lupain ay mawawasak, ngunit hindi ko sila lubos na sisirain.
28Sa kadahilanang ito, magdadalamhati ang lupain at ang kalangitan sa itaas ay magdidilim. Sapagkat inihayag ko ang aking mga layunin, hindi ko ito babawiin, hindi ko tatalikuran ang pagpapatupad ng mga ito.
29Ang bawat lungsod ay tatakas mula sa ingay ng mga mangangabayo at mamamana, tatakbo sila sa kagubatan. Bawat lungsod ay aakyat sa mga mabatong lugar. Mapapabayaan ang mga lungsod, sapagkat walang sinuman ang maninirahan dito.
30Ngayong nawasak ka na, ano ang gagawin mo? Bagaman nakasuot ka ng mapulang damit, nakagayak ng gintong alahas at pinalalaki ng pintang pampaganda ang iyong mga mata, itinakwil ka na ng mga kalalakihang nagnasa sa iyo. Sa halip, sinusubukan ka nilang patayin.
31Kaya narinig ko ang ingay ng pagdadalamhati, pagdaing gaya ng pagsilang sa panganay na anak, ang ingay ng anak na babae ng Zion. Hinihingal siya. Iniunat niya ang kaniyang mga kamay. 'Kaawa-awa ako! Nanghihina ako dahil sa mga mamamatay-taong ito.'”