1Dinggin ninyo ang aking mga tinuturo, aking bayan, makinig kayo sa mga salita ng aking bibig.
2Bubuksan ko ang aking bibig sa mga talinhaga; aawit ako tungkol sa mga bagay na lihim tungkol sa nakaraan.
3Ito ang mga bagay na narinig at natutunan natin, mga bagay na sinabi sa atin ng ating mga ninuno.
4Hindi natin ito itatago sa kanilang mga kaapu-apuhan. Sasabihin natin sa susunod na salinlahi ang tungkol sa kapuri-puring mga bagay na ginawa ni Yahweh, ang kaniyang kalakasan, at ang mga kababalaghan na kaniyang ginawa.
5Dahil tinatag niya ang mga utos sa tipan kay Jacob at nagtalaga ng batas sa Israel. Inutusan niya ang ating mga ninuno na ituro ito sa kanilang mga anak.
6Inutos niya ito para malaman ng darating na salinlahi ang kaniyang mga tuntunin, ang mga bata na hindi pa ipinapanganak ay dapat din nilang sabihin ito sa kanilang mga magiging anak.
7Pagkatapos, ilalagak nila ang kanilang pag-asa sa Diyos at hindi kalilimutan ang mga ginawa niya pero susundin ang kaniyang mga kautusan.
8Pagkatapos, hindi sila magiging katulad ng kanilang mga ninuno, na matigas ang ulo at rebeldeng salinlahi, salinlahi na hindi tama ang mga puso, at hindi mapagkakatiwalaan at hindi tapat sa Diyos.
9Ang mga taga-Efraim ay armado ng mga pana, pero umatras sila sa araw ng labanan.
10Hindi nila iningatan ang tipan sa Diyos, at tumanggi silang sumunod sa kaniyang batas.
11Nakalimutan nila ang kaniyang mga ginawa, ang mga kamangha-manghang bagay na ipinakita niya sa kanila.
12Gumawa siya ng kahanga-hangang mga bagay sa harap ng kanilang mga ninuno sa lupain ng Ehipto, sa lupain ng Soan.
13Hinati niya ang dagat at dinala sila sa kabila nito; pinatayo niya ang mga tubig na gaya ng mga pader.
14Sa umaga, pinangunahan niya sila ng ulap at sa buong gabi sa liwanag ng apoy.
15Biniyak niya ang mga bato sa ilang, at binigyan sila ng maraming tubig, sapat para punuin ang kailaliman ng dagat.
16Nagpaagos siya ng tubig mula sa bato at pinadaloy ang tubig gaya ng mga ilog.
17Pero pinagpatuloy pa rin nilang magkasala sa inyo, nagrerebelde laban sa Kataas-taasang Diyos sa ilang.
18Hinamon nila ang Diyos sa kanilang mga puso sa pamamagitan ng paghingi ng pagkain para pawiin ang kanilang gutom.
19Nagsalita sila laban sa Diyos: Sabi nila, “Kaya ba talaga ng Diyos na maglatag ng lamesa para sa atin sa ilang?
20Tingnan ninyo, nang hinampas niya ang bato, bumulwak ang tubig at nag-umapaw ang pagdaloy nito. Pero kaya din ba niya na magbigay ng tinapay? Magbibigay ba siya ng karne para sa kaniyang bayan?
21Nang narinig ito ni Yahweh, nagalit siya; kaya nag-alab ang kaniyang apoy laban kay Jacob, nilusob ng galit niya ang Israel,
22dahil hindi sila naniwala sa Diyos at hindi sila nagtiwala sa kaniyang kaligtasan.
23Gayumpaman, inutusan niya ang mga kalangitan at binuksan ang pinto nito.
24Nagpaulan siya ng manna para sa kainin nila, at binigyan sila ng butil mula sa langit.
25Kinain ng mga tao ang tinapay ng mga anghel. Nagpadala siya sa kanila ng masaganang pagkain.
26Pinaihip niya ang silangang hangin sa kalangitan, at sa pamamagitan ng kaniyang kapangyarihan, ginabayan niya ang katimugang hangin.
27Nagpaulan siya ng karne para sa kanila gaya ng alikabok, mga ibon na singdami ng mga buhangin sa dagat.