1Yahweh, para sa kapakanan ni David alalahanin mo ang lahat ng kaniyang paghihirap.
2Alalahanin mo kung paano siya nangako kay Yahweh, paano siya namanata sa Makapangyarihang Diyos ni Jacob.
3Sinabi niya, “Hindi ako papasok sa aking bahay o pupunta sa aking higaan,
4hindi ko bibigyan ng tulog ang aking mga mata o pagpapahingahin ang aking mga talukap
5hanggang mahanap ko ang lugar para kay Yahweh, isang tabernakulo para sa Makapangyarihang Diyos ni Jacob.”
6Tingnan mo, narinig namin ang tungkol dito sa Efrata; natagpuan namin ito sa bukirin ng Jaar.
7Pupunta kami sa tabernakulo ng Diyos; sasamba kami sa kaniyang tuntungan.
8Bumangon ka Yahweh; pumunta ka sa lugar ng iyong kapahingahan.
9Nawa ang iyong mga pari ay madamitan ng katapatan; nawa ang siyang tapat sa iyo ay sumigaw para sa kagalakan.
10Para sa kapakanan ng iyong lingkod na si David, huwag kang tumalikod mula sa hinirang mong hari.
11Nangako si Yahweh na magiging matapat kay David; hindi siya tatalikod mula sa kaniyang pangako: “Ilalagay ko ang isa sa iyong mga kaapu-apuhan sa iyong trono.
12Kung pananatilihin ng iyong mga anak ang aking tipan at ang mga batas na ituturo ko sa kanila, ang kanilang mga anak ay mauupo rin sa iyong trono magpakailanman.”