1Nangyari ito na sa ika-siyam na taon ng paghahari ni Haring Zedekias, sa ika-sampung buwan, at sa ika- sampung araw ng buwan, dumating si Nebucadnezar hari ng Babilonia kasama ng lahat ng kaniyang hukbo laban sa Jerusalem. Nagkampo siya sa harap nito, at nagtambak ng lupa sa paligid ng mga pader.
2Kaya kinubkob nila ang lungsod hanggang sa ika-labing isang taon ng paghahari ni Haring Zedekias.
3Sa ika-siyam na araw ng ika-apat na buwan ng taong iyon, napakatindi ng taggutom sa lungsod kung kaya't walang pagkain para sa mga mamamayan ng lupain.
4Pagkatapos pinasok ang lungsod, at kinagabihan tumakas ang lahat ng mga lumalaban na kalalakihan sa gabi sa pamamagitan ng tarangkahan sa pagitan ng dalawang pader, sa may hardin ng hari, kahit na nasa buong paligid ng lungsod ang mga Caldean. Pumunta ang hari patungo sa Araba.
5Pero hinabol ng hukbo ng mga Caldean si Haring Zedekias at inabutan siya sa mga kapatagan ng lambak ng Ilog Jordan malapit sa Jerico. Lahat ng kaniyang hukbo ay nagkaniya-kaniyang takas palayo mula sa kaniya.
6Binihag nila ang hari at dinala siya sa hari ng Babilonia sa Ribla, kung saan hinatulan siya nila.
7Tungkol sa mga anak na lalaki ni Zedekias, pinatay nila sila sa harap ng kaniyang paningin. Pagkatapos dinukot niya ang kaniyang mga mata, ginapos sa mga tansong tanikala, at dinala siya sa Babilonia.
8Ngayon sa ika-limang buwan, sa ika-pitong araw ng buwan, na nasa ika-labing siyam na taon ng paghahari ni Nebucadnezar hari ng Babilonia at pinuno ng kaniyang mga tanod, dumating sa Jerusalem si Nebuzaradan, isang lingkod ng hari ng Babilonia.
9Sinunog niya ang tahanan ni Yahweh, ang palasyo ng hari, at ang lahat ng mga bahay sa Jerusalem; sinunog din niya ang bawat mahalagang gusali sa lungsod.
10Tungkol sa lahat ng mga pader na nakapaligid sa Jerusalem, winasak ang mga iyon ng lahat ng hukbo ng mga taga-Babilonia na nasa ilalim ng pinuno ng mga tanod.
11Tungkol sa nalalabing mga tao na naiwan sa lungsod, ang mga sumuko sa hari ng Babilonia, at ang nalalabi sa populasyon - itinapon sila ni Nebuzaradan, ang pinuno ng tanod.
12Pero iniwan ng pinuno ng tanod ang ilan sa pinakamahihirap ng bayan para gumawa sa mga ubasan at mga bukirin.
13Tungkol sa mga haliging tanso na nasa tahanan ni Yahweh, at ang mga patungan at ang tansong dagat na nasa tahanan ni Yahweh, pinagpira-piraso ang mga iyon ng mga Caldean at dinala ang tanso sa Babilonia.
14Ang mga palayok, pala, lalagyan ng abo, kutsara, at lahat ng mga kagamitang tanso na ginamit ng mga pari para maglingkod sa templo - tinangay rin ng mga Caldean lahat ng mga iyon.
15Ang mga palayok para alisin ang mga abo at ang mga hugasan na gawa sa ginto, at ang mga gawa sa pilak - kinuha rin ang mga iyon ng kapitan ng bantay ng hari.
16Ang dalawang haligi, ang dagat, at ang mga patungan na ginawa ni Solomon para sa tahanan ni Yahweh ay naglalaman ng tanso na higit pa kaysa kayang timbangin.
17Ang taas ng isang haligi ay labing walong siko, at isang tansong kapitel sa ibabaw nito. Ang kapitel ay tatlong siko ang taas, na may mga sala-salang palamuti at mga granada sa paligid ng kapitel - lahat gawa sa tanso. Ang ikalawang haligi at ang sala-salang palamuti nito ay kapareho ng una.
18Binihag ng pinuno ng tanod si Seraya, ang punong pari, kasama ni Zefanias, ang ikalawang pari, at ang tatlong bantay ng tarangkahan.
19Mula sa lungsod, binihag niya ang isang opisyal na tagapamahala ng mga sundalo, at limang lalaki sa mga tagapayo ng hari, na nasa lungsod pa. Binihag niya rin ang opisyal ng hukbo ng hari na namamahala sa pangangalap ng mga lalaking papasok sa hukbo, kasama ang animnapung mahahalagang lalaki mula sa lupain na nasa lungsod.
20Pagkatapos kinuha sila at dinala ni Nebuzaradan, ang pinuno ng tanod, sa hari ng Babilonia sa Ribla.
21Ipinapatay sila ng hari ng Babilonia sa Ribla sa lupain ng Hamat. Sa ganitong paraan, naitinapon ang Juda mula sa lupain nito.
22Tungkol sa mga natirang mamamayan sa lupain ng Juda, ang mga iniwan ni Nebucadnezar hari ng Babilonia, itinalaga niya si Gedalias na anak ni Ahikam na anak ni Safan, para mamahala sa kanila.
23Ngayon nang marinig ng mga pinuno ng mga kawal, sila at ang kanilang mga tauhan, na ginawang gobernador ng hari ng Babilonia si Gedalias, pumunta sila kay Gedalias sa Mizpa. Ang mga lalaking ito ay sina Ismael na anak ni Netanias, Johanan na anak ni Karea, Seraias na anak ni Tanhumet ang Netofatita at Jaazanias na anak ng Maacateo - sila at ang kanilang mga tauhan.
24Nanumpa si Gedalias sa kanila at sa kanilang mga tauhan, at sinabi sa kanila, “Huwag kayong matakot sa mga opisyal na Caldean. Mamuhay kayo sa lupain at paglingkuran ang hari ng Babilonia, at mapapabuti kayo.”
25Pero nangyari ito nang sa ika-pitong buwan dumating si Ismael na anak ni Netanias na anak ni Elisama, mula sa maharlikang pamilya, na may kasamang sampung lalaki, at nilusob si Gedalias. Namatay si Gedalias, pati na ang mga kalalakihan ng Juda at ang mga taga-Babilonia na kasama niya sa Mizpa.
26Pagkatapos lahat ng mga tao, mula sa pinakaaba hanggang sa pinakadakila, at ang mga pinuno ng mga kawal, ay tumakas patungong Ehipto, dahil takot sila sa mga taga-Babilonia.
27Kinalaunan nang ika-tatlumpu't pitong taon ng pagkapatapon ni Jehoiakin hari ng Juda, sa ika-labing dalawang buwan, sa ika-dalawampu't pitong araw ng buwan, na pinalaya ni Evil Merodac hari ng Babilonia si Jehoiakin hari ng Juda mula sa bilangguan. Nangyari ito sa taon na nagsimulang maghari si Evil Merodac.
28Maayos siyang nakipag-usap sa kaniya at binigyan siya ng isang puwesto na mas marangal kaysa sa ibang mga hari na kasama niya sa Babilonia.
29Hinubad ni Evil Merodac ang mga damit pang bilangguan ni Jehoiakin, at regular na kasalo sa hapag kainan ng hari si Jehoiakin habang siya ay nabubuhay.
30At araw-araw binigyan siya ng regular na rasyon ng pagkain para sa nalalabing bahagi ng kaniyang buhay.