21Nang narinig ito ni Yahweh, nagalit siya; kaya nag-alab ang kaniyang apoy laban kay Jacob, nilusob ng galit niya ang Israel,
22dahil hindi sila naniwala sa Diyos at hindi sila nagtiwala sa kaniyang kaligtasan.
23Gayumpaman, inutusan niya ang mga kalangitan at binuksan ang pinto nito.
24Nagpaulan siya ng manna para sa kainin nila, at binigyan sila ng butil mula sa langit.
25Kinain ng mga tao ang tinapay ng mga anghel. Nagpadala siya sa kanila ng masaganang pagkain.
26Pinaihip niya ang silangang hangin sa kalangitan, at sa pamamagitan ng kaniyang kapangyarihan, ginabayan niya ang katimugang hangin.
27Nagpaulan siya ng karne para sa kanila gaya ng alikabok, mga ibon na singdami ng mga buhangin sa dagat.
28Nahulog ito sa gitna ng kanilang kampo, sa buong paligid ng kanilang mga tolda.
29Kaya kumain sila at nabusog. Binigay niya ang gusto nila.
30Pero hindi pa rin sila nabusog; ang kanilang pagkain ay nasa mga bibig pa rin nila.
31Pagkatapos, nilusob sila ng galit ng Diyos at pinatay ang pinakamalalakas sa kanila. Tinumba niya ang mga batang lalaki ng Israel.
32Sa kabila nito, patuloy pa rin silang nagkasala at hindi sila naniwala sa kaniyang kahanga-hangang mga ginawa.
33Dahil dito, pinaikli ng Diyos ang kanilang mga araw; ang kanilang mga taon ay napuno ng takot.
34Sa tuwing pinapahirapan sila ng Diyos, nagsisimula silang hanapin siya, at babalik sila at masidhing hahanapin siya.
35Maaalala nila na ang Diyos ang kanilang bato at ang Kataas-taasang Diyos ang kanilang tagapagligtas.