Text copied!
CopyCompare
Banal na Bibliya - Lucas - Lucas 6

Lucas 6:7-37

Play LogoGoogle Play  APK Logo APK
Click on verse(s) to share them!
7Ang mga eskriba at mga Pariseo ay nagmamanman sa kaniya upang makita kung si Jesus ay magpapagaling sa Araw ng Pamamahinga, upang sila ay makahanap ng dahilan upang siya ay paratangan na gumagawa ng masama.
8Ngunit alam niya kung ano ang kanilang iniisip at sinabi niya sa tao na may tuyot na kamay, “Tumayo ka, at pumunta ka dito sa gitna ng lahat.” Kung kaya't ang tao ay tumayo at pumaroon.
9Sinabi ni Jesus sa kanila, “Itinatanong ko sa inyo, naaayon ba sa batas ang gumawa ng mabuti o gumawa ng masama sa Araw ng Pamamahinga, ang magligtas ng buhay o sirain ito?”
10Pagkatapos ay tumingin siya sa kanilang lahat at sinabi sa lalaki, “Iunat mo ang iyong kamay.” Ginawa nga niya at ang kaniyang kamay ay nanumbalik sa dati.
11Ngunit sila ay napuno ng galit, at sila ay nag-usap-usap kung ano ang maari nilang gawin kay Jesus.
12Nangyari sa mga araw na iyon na siya ay pumunta sa bundok upang manalangin. Siya ay patuloy na nanalangin sa Diyos ng buong gabi.
13Kinaumagahan, tinawag niya ang kaniyang mga alagad at pumili siya sa kanila ng labindalawa, na tinawag din niyang “mga apostol.”
14Ang pangalan ng mga apostol ay sina Simon (na kaniya ring pinangalanang Pedro) at ang kaniyang kapatid na si Andres, Santiago, Juan, Felipe, Bartolome,
15Mateo, Tomas, Santiago na anak ni Alfeo, Simon na tinawag na Masigasig,
16Judas na anak ni Santiago at Judas Iscariote na siyang naging taksil.
17Pagkatapos, si Jesus ay bumaba mula sa bundok kasama sila at tumayo sa patag na lugar. Naroon ang napakaraming bilang ng kaniyang mga alagad, ganoon din ang malaking bilang ng tao na mula sa Judea at Jerusalem at mula sa dalampasigan ng Tiro at Sidon.
18Sila ay dumating upang makinig sa kaniya at para gumaling sa kanilang mga karamdaman. Ang mga taong binabagabag ng mga maruming espiritu ay pinagaling din.
19Ang lahat ng napakaraming tao ay sinusubakan siyang hipuin dahil ang kapangyarihang magpagaling ay lumalabas mula sa kaniya, at pinagaling niya silang lahat.
20Pagkatapos ay tumingin siya sa kaniyang mga alagad at sinabi, “Pinagpala kayong mga mahihirap sapagkat sa inyo ang kaharian ng Diyos.
21Pinagpala kayo na nagugutom ngayon, sapagkat kayo ay mapupuno. Pinagpala kayo na tumatangis ngayon sapagkat kayo ay tatawa.
22Pinagpala kayo kung kayo ay kinamumuhian ng mga tao at kung kayo ay ihinihiwalay at itinuturing ang inyong pangalan na masama alang-alang sa Anak ng Tao.
23Magalak sa araw na iyon at tumalon sa galak sapagkat tiyak na kayo ay may dakilang gantimpala sa langit, sapagkat ang kanilang mga ninuno ay pinakitunguhan ang mga propeta sa ganoon ding paraan.
24Ngunit aba kayo na mayayaman! Sapagkat natanggap na ninyo ang inyong ginhawa.
25Aba kayo na busog ngayon! Sapagkat kayo ay magugutom. Aba kayo na tumatawa ngayon! Sapagkat kayo ay magdadalamhati at tatangis.
26Aba kayo kung ang lahat ng tao ay nagsasabi ng mabuti tungkol sa inyo! Sapagkat pinakisamahan ng kanilang mga ninuno ang mga bulaang propeta sa ganoon ding paraan.
27Ngunit sinasabi ko sa inyo na nakikinig, mahalin ninyo ang inyong mga kaaway at gumawa kayo ng mabuti sa mga namumuhi sa inyo.
28Pagpalain ninyo ang mga sumusumpa sa inyo at ipanalangin ang mga umaapi sa inyo.
29Sa sumasampal sa iyong pisngi, ialok mo rin sa kaniya ang kabila. Kung may kumuha ng iyong panlabas na damit, huwag mong ipagkait pati na ang iyong panloob na tunika.
30Magbigay sa lahat ng humihingi sa iyo. Kung may kumuha ng isang bagay na pag-aari mo, huwag mong hingiin sa kaniya na ibalik ito sa iyo.
31Kung anuman ang nais ninyong gawin ng mga tao sa inyo, ganoon din ang dapat ninyong gawin sa kanila.
32Kung ang minamahal lamang ninyo ay ang mga taong nagmamahal sa inyo, anong kapurihan iyon sa inyo? Sapagkat kahit ang mga makasalan ay minamahal din ang mga nagmamahal sa kanila.
33Kung sa mga taong gumawa sa inyo ng mabuti lamang kayo gumagawa ng mabuti, anong kapurihan iyon sa inyo? Sapagkat kahit ang mga makasalanan ay ganoon din ang ginagawa.
34Kung ang inyong pinapahiraman lamang ay ang mga tao na inaasahan ninyong magbibigay ng mga ito pabalik sa inyo, anong kapurihan iyon sa inyo? Kahit ang mga makasalanan ay nagpapahiram sa mga makasalanan at umaasang iyon ding halaga ang muling matatanggap.
35Ngunit mahalin ninyo ang inyong kaaway at gawin ang mabuti sa kanila. Pahiramin ninyo sila na hindi kailanman nag-aalala kung may babalik pa sa inyo at ang inyong gantimpala ay magiging dakila. Kayo ay magiging mga anak ng Kataas-taasan, sapagkat siya mismo ay mabuti sa mga taong hindi marunong magpasalamat at masasama.
36Maging maawain, gaya ng inyong Ama na maawain.
37Huwag humatol at hindi kayo hahatulan. Huwag magparusa at hindi kayo parurusahan. Patawarin ninyo ang iba at kayo ay patatawarin.

Read Lucas 6Lucas 6
Compare Lucas 6:7-37Lucas 6:7-37