Text copied!
CopyCompare
Banal na Bibliya - Isaias

Isaias 19

Play LogoGoogle Play  APK Logo APK
Click on verse(s) to share them!
1Isang kapahayagan tungkol sa Ehipto. Pagmasdan ninyo, nakasakay si Yahweh sa mabilis na ulap at paparating sa Ehipto; nayayanig ang mga diyos-diyosan ng Ehipto sa kaniyang harapan, at natutunaw ang mga puso ng mga taga-Ehipto.
2“Paglalabanin ko ang mga taga-Ehipto laban sa kapwa taga-Ehipto: lalabanan ng isang tao ang kaniyang kapatid, at ang isang tao laban sa kaniyang kapwa; ang lungsod ay lalaban sa lungsod, at kaharian laban sa kaharian.
3Mapanghihinaan ng loob ang Ehipto. Wawasakin ko ang kaniyang payo sa kaniya, bagama't humingi sila ng payo mula sa mga diyos-diyosan, mga espiritu ng patay, manghuhula, at mga espirtista.
4Ibibigay ko sa kamay ng malupit na amo ang mga taga-Ehipto, at pamamahalaan sila ng makapangyarihang hari—ito ang kapahayagan ng Panginoon, Yahweh ng mga hukbo.”
5Matutuyo ang tubig ng karagatan, matutuyo ang ilog at mawawalan ng laman.
6Babaho ang mga ilog; mauubos ang agos ng mga ilog ng Ehipto at matutuyo; malalanta ang mga tambo at mga halaman.
7Ang mga tambo sa pampang ng Nilo, sa may bibig ng Nilo, at ang lahat ng bukirin na pinagtaniman sa Nilo ay matutuyo, magiging alikabok, at tatangayin ng hangin.
8Magluluksa at iiyak ang mga mangingisda, ang lahat ng naghagis ng mga pamingwit sa Nilo ay iiyak gaya ng pagdadalamhati ng mga naghahagis ng kanilang lambat sa mga tubig.
9Mamumutla ang mga nagtatrabaho sa sinuklay na hibla ng bulaklak pati ang mga naghahabi ng puting tela.
10Dudurugin ang mga gumagawa ng tela sa Ehipto; magdadalamhati sa kanilang kalooban ang lahat ng mga nagtatrabaho para kumita.
11Ganap na hangal ang mga prinsipe ng Soan. Naging walang kabuluhan ang payo ng pinakamatalinong taga-payo ng Paraon. Paano mo nasasabi sa Paraon, “Ako ang anak ng matatalinong tao, isang anak ng sinaunang mga hari”?
12Nasaan ngayon ang matatalino mong mga tao? Hayaan mong sabihin nila sa iyo at ipahayag kung ano ang mga plano ni Yahweh ng mga hukbo tungkol sa Ehipto.
13Naging hangal ang mga prinsipe ng Soan, nalinlang ang mga prinsipe ng Memfis; niligaw nila ang Ehipto, ang panulukang bato ng kaniyang mga tribo.
14Nilagay ni Yahweh sa kanilang kalagitnaan ang espiritu ng kaguluhan, at niligaw nito ang Ehipto sa lahat ng kaniyang ginagawa, gaya ng isang lasing na sumusuray-suray sa kaniyang suka.
15Walang sinuman ang may magagawa para sa Ehipto, ulo man o buntot, sanga man ng palma o tambo.
16Sa panahon na iyon, ang mga taga-Ehipto ay magiging tulad ng mga babae. Manginginig sila at matatakot dahil sa nakataas na kamay ni Yahweh ng mga hukbo na kaniyang itinataas sa kanila.
17Ang kalupaan ng Juda ang magiging sanhi ng pagkasuray ng Ehipto. Sa tuwing may magpapaalala sa kanila ng tungkol sa kaniya, matatakot sila, dahil sa mga plano na binabalak ni Yahweh laban sa kanila.
18Sa panahon na iyon, magkakaroon ng limang mga lungsod sa lupain ng Ehipto na nagsasalita ng wika sa Cana at manunumpa ng katapatan kay Yahweh ng mga hukbo. Ang isa sa mga lungsod na iyon ay tatawaging Ang Lungsod ng Araw.

19Sa araw na iyon, magkakaroon ng altar kay Yahweh sa gitna ng kalupaan ng Ehipto, at isang batong haligi sa hangganan para kay Yahweh.
20Ito ay magiging tanda at patotoo kay Yahweh ng mga hukbo sa kalupaan ng Ehipto. Kapag tumawag sila kay Yahweh dahil sa mga nang-aapi sa kanila, magpapadala siya sa kanila ng tagapagligtas at ng tagapagtanggol, at kaniyang ililigtas sila.
21Makikilala si Yahweh sa Ehipto, at sa araw na iyon ay makikilala si Yahweh ng mga taga-Ehipto. Sasamba sila nang may mga alay at mga handog, at manunumpa sila kay Yahweh at kanilang tutuparin ito.
22Pahihirapan ni Yahweh ang Ehipto, pahihirapan niya at pagagalingin ito. Babalik sila kay Yahweh; pakikinggan niya ang kanilang mga panalangin at pagagalingin niya sila.
23Sa araw na iyon, magkakaroon ng malawak na daanan mula Ehipto hanggang Asiria, at pupunta ang mga taga-Asiria sa Ehipto, at ang mga taga-Ehipto sa Asiria; at sasamba ang mga taga-Ehipto kasama ng mga taga-Asiria.
24Sa panahon na iyon, magiging pangatlo ang Israel kasama ng Ehipto at Asiria, isang pagpapala sa gitna ng sanlibutan;
25pagpapalain sila ni Yahweh ng mga hukbo at sasabihin, “Pagpalain ang Ehipto, ang aking bayan; ang Asiria, ang gawa ng aking mga kamay; at ang Israel, ang aking mana.”