Text copied!
CopyCompare
banal na Bibliya - Isaias

Isaias 18

Help us?
Click on verse(s) to share them!
1Pighati sa lupain ng kumakaluskos na mga pakpak, na nasa kabilang ibayo ng mga ilog ng Etiopia;
2ang nagpapadala ng mga kinatawan sa karagatan, sakay ng mga bangkang gawa sa papirus sa katubigan. Kayong mabibilis na mga mensahero, pumunta kayo sa bansa ng matatangkad at makikinis, sa bansang kinakatakutan ng mga malapit at malayo dito, isang bansang malakas at manlulupig, na nagmamay-ari ng lupain kung saan hinahati ang mga ilog!
3Lahat kayong nananahan sa mundo at lahat kayong namumuhay sa lupain, kapag may itinaas na panghudyat sa mga kabundukan, tingnan ninyo; at kapag hinipan ang trumpeta, pakinggan ninyo.
4Ito ang sinabi sa akin ni Yahweh, “Tahimik akong magmamasid mula sa tahanan ko, gaya ng matinding init sa sikat ng araw, gaya ng ulap ng hamog sa init ng pag-aani.”
5Bago ang pag-aani, kapag natapos na ang pagsisibol, at kapag ang mga bulaklak ay nagiging ubas na, puputulin niya ang mga sanga gamit ang pamutol na karit, at kaniyang puputulin at itatapon ang mga kumakalat na mga sanga.
6Iiwanan sila para sa mga ibon ng kabundukan at para sa mga hayop ng kalupaan. Magsisilbi silang pagkain para sa mga ibon sa tag-araw, at sa mga hayop sa lupa sa panahon ng tag-lamig.
7Sa panahon na iyon, dadalhin kay Yahweh ng mga hukbo ang mga parangal na mula sa mga taong matatangkad at makikinis, mula sa mga taong kinakatakutan ng lahat, isang bansang makapangyarihan at manlulupig, sa nagmamay-ari ng lupaing humahati ng mga ilog, sa kinaroroonan ng pangalan ni Yahweh ng mga hukbo, sa Bundok Sion.