8Ang tinig ng aking sinta! narito, siya'y dumarating, na lumulukso sa mga bundok, lumulundag sa mga burol.
9Ang aking sinta ay gaya ng usa o ng batang usa: narito, siya'y tumatayo sa likod ng ating bakod, siya'y sumusungaw sa mga dungawan, siya'y napakikita sa mga silahia.
10Ang aking sinta ay nagsalita, at nagsabi sa akin, Bumangon ka, sinta ko, maganda ko, at tayo na.
11Sapagka't narito, ang tagginaw ay nakaraan; ang ulan ay lumagpas at wala na;
12Ang mga bulaklak ay namumukadkad sa lupa; ang panahon ng pagaawitan ng mga ibon ay dumarating, at ang tinig ng batobato ay naririnig sa ating lupain;
13Nahihinog ang sariwang mga bunga ng puno ng higos, at ang mga puno ng ubas ay namumulaklak, kanilang pinahahalimuyak ang kanilang bango. Bumangon ka, sinta ko, maganda ko, at tayo na.
14Oh kalapati ko, na nasa mga bitak ng malalaking bato, sa puwang ng matarik na dako, ipakita mo sa akin ang iyong mukha, iparinig mo sa akin ang iyong tinig; Sapagka't matamis ang iyong tinig, at ang iyong mukha ay kahalihalina.
15Hulihin ninyo para sa atin ang mga sora, ang mga munting sora na naninira ng mga ubasan; sapagka't ang ating mga ubasan ay namumulaklak.
16Ang sinta ko ay akin, at ako ay kaniya: pinapastulan niya ang kaniyang kawan sa gitna ng mga lila.
17Hanggang sa ang araw ay lumamig, at ang mga lilim ay mawala, pumihit ka, sinta ko, at ikaw ay maging gaya ng usa o ng batang usa sa mga bundok ng Bether.