9Pagkatapos ay sinabi ng Samaritana sa kaniya, “Paanong ikaw, na isang Judio, ay humihingi sa akin, na isang Samaritana, ng maiinom?” Dahil ang mga Judio ay hindi nakikitungo sa mga Samaritano.
10Sinagot siya ni Jesus, “Kung batid mo ang kaloob ng Diyos, at kung sino itong nagsasabi sa iyong, 'Bigyan mo ako ng inumin,' ikaw sana ang hihingi sa kaniya, at ibibigay niya sa iyo ang tubig na buhay.”
11Sumagot ang babae, “Ginoo, wala kang panalok, at malalim ang balon. Saan kayo kukuha ng tubig na buhay?
12Hindi ka higit na dakila kaysa aming amang si Jacob, di ba, na nagbigay sa amin ng balon, at uminom siya mula dito, gayun din ang kaniyang mga anak at kaniyang mga baka?”
13Sumagot si Jesus, “Ang bawat iinom ng kaunting tubig na ito ay muling mauuhaw,
14ngunit ang sinumang uminom ng kaunting tubig na ibibigay ko sa kaniya ay hindi kailan man muling mauuhaw. Sa halip, ang tubig na ibibigay ko sa kaniya ay magiging bukal ng tubig na magdudulot sa kaniya ng buhay na walang hanggan.”
15Ang sabi ng babae sa kaniya, “Ginoo, bigyan mo ako ng tubig na ito para hindi na ako mauuhaw at hindi na pumunta dito para umigib ng tubig.”
16Ang sabi ni Jesus sa kaniya, “Umuwi ka, tawagin mo ang iyong asawa, at bumalik ka dito.”
17Sumagot ang babae, sinasabi sa kanya, “Wala akong asawa.” Sumagot si Jesus, “Mabuti ang pagkasabi mo, 'wala akong asawa,'
18dahil nagkaroon ka na ng limang asawa at ang kinakasama mo ngayon ay hindi mo asawa. Sa gayon mabuti ang pagkasabi mo.”
19Ang sabi ng babae sa kaniya, “Ginoo, nakikita kong ikaw ay isang propeta.