Text copied!
CopyCompare
Ang Dating Biblia (1905) - Jeremias

Jeremias 26

Play LogoGoogle Play  APK Logo APK
Click on verse(s) to share them!
1Nang pasimula ng paghahari ni Joacim na anak ni Josias, na hari sa Juda, dumating ang salitang ito na mula sa Panginoon, na nagsasabi,
2Ganito ang sabi ng Panginoon, Tumayo ka sa looban ng bahay ng Panginoon at salitain mo sa lahat ng bayan ng Juda, na nagsisiparoon upang magsisamba sa bahay ng Panginoon, ang lahat na salita na iniutos ko sa iyo upang salitain sa kanila; huwag kang magbawas ng kahit isang salita.
3Marahil ay kanilang didinggin, at hihiwalay ang bawa't tao sa kanikaniyang masamang lakad; upang aking mapagsisihan ang kasamaan na aking pinanukalang gawin sa kanila dahil sa kasamaan ng kanilang mga gawa.
4At iyong sasabihin sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoon, Kung hindi ninyo didinggin ako, na magsilakad sa aking kautusan, na aking inilagay sa harap ninyo,
5Na makinig sa mga salita ng aking mga lingkod na mga propeta, na aking sinusugo sa inyo, na bumabangon akong maaga at sinusugo ko sila, nguni't hindi ninyo pinakinggan;
6Ay akin ngang gagawin ang bahay na ito na gaya ng Silo, at gagawin ko ang bayang ito na sumpa sa lahat ng mga bansa sa lupa.
7At narinig ng mga saserdote at ng mga propeta at ng buong bayan si Jeremias na nagsasalita ng mga salitang ito sa bahay ng Panginoon.
8At nangyari, nang si Jeremias ay makatapos sa pagsasalita ng lahat na iniutos ng Panginoon sa kaniya na salitain sa buong bayan, na hinuli siya ng mga saserdote at ng mga propeta at ng buong bayan, na sinasabi: Ikaw ay walang pagsalang mamamatay.
9Bakit ka nanghula sa pangalan ng Panginoon, na iyong sinasabi, Ang bahay na ito ay magiging gaya ng Silo, at ang bayang ito ay magiging sira, na mawawalan ng mananahan? At ang bayan ay nagpipisan kay Jeremias sa bahay ng Panginoon.
10At nang mabalitaan ng mga prinsipe sa Juda ang mga bagay na ito, sila'y nagsisampa sa bahay ng Panginoon na mula sa bahay ng hari; at sila'y nangaupo sa pasukan ng bagong pintuang-daan ng bahay ng Panginoon.
11Nang magkagayo'y nagsalita ang mga saserdote at ang mga propeta sa mga prinsipe at sa buong bayan, na sinasabi, Ang lalaking ito ay marapat patayin; sapagka't siya'y nanghula laban sa bayang ito, gaya ng inyong narinig ng inyong mga pakinig.
12Nang magkagayo'y nagsalita si Jeremias sa lahat ng prinsipe at sa buong bayan, na sinasabi, Sinugo ako ng Panginoon upang manghula laban sa bahay na ito at laban sa bayang ito ng lahat na salita na inyong narinig.
13Kaya't ngayo'y pabutihin ninyo ang inyong mga lakad at ang inyong mga gawa, at inyong talimahin ang tinig ng Panginoon ninyong Dios; at pagsisisihan ng Panginoon ang kasamaan na kaniyang sinalita laban sa inyo.
14Nguni't tungkol sa akin, narito, ako'y nasa inyong kamay: inyong gawin sa akin ang minamabuti at minamatuwid sa harap ng inyong mga mata.
15Talastasin lamang ninyong mabuti na kung ako'y inyong ipapatay, kayo'y magdadala ng walang salang dugo sa inyo at sa bayang ito, at sa mga nananahan dito: sapagka't katotohanang sinugo ako ng Panginoon sa inyo upang magsalita ng lahat ng mga salitang ito sa inyong mga pakinig.
16Nang magkagayo'y sinabi ng mga pangulo at ng buong bayan sa mga saserdote at sa mga propeta: Ang lalaking ito ay hindi marapat patayin; sapagka't siya'y nagsalita sa atin sa pangalan ng Panginoon nating Dios.
17Nang magkagayo'y nagsitindig ang ilan sa mga matanda sa lupain, at nangagsalita sa buong kapulungan ng bayan, na nangagsasabi,
18Si Miqueas na Morastita ay nanghula sa mga kaarawan ni Ezechias na hari sa Juda: at siya'y nagsalita sa buong bayan ng Juda, na nagsasabi, Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Ang Sion ay aararuhing parang bukid, at ang Jerusalem ay magiging mga bunton, at ang bundok ng bahay ay parang mga mataas na dako sa gugubat.

19Si Ezechias bagang hari sa Juda at ang buong Juda ay nagpapatay sa kaniya? hindi baga siya natakot sa Panginoon, at dumalangin ng lingap ng Panginoon, at ang Panginoon ay nagsisi sa kasamaan na kaniyang sinalita laban sa kanila? Ganito gagawa tayo ng malaking kasamaan laban sa ating sariling mga kaluluwa.
20At may lalake naman na nanghula sa pangalan ng Panginoon, si Urias na anak ni Semaias na taga Chiriath-jearim: at siya'y nanghula laban sa lupaing ito ayon sa lahat ng mga salita ni Jeremias:
21At nang marinig ni Joacim na hari sangpu ng lahat niyang mga makapangyarihang lalake, at ng lahat na prinsipe, ang kaniyang mga salita, pinagsikapan ng hari na ipapatay siya; nguni't nang marinig ni Urias, siya'y natakot, at tumakas, at pumasok sa Egipto:
22At si Joacim na hari ay nagsugo ng mga lalake sa Egipto, ang mga ito nga, si Elnathan na anak ni Acbor, at ilang mga lalake na kasama niya, sa Egipto:
23At kaniyang inilabas si Urias sa Egipto, at dinala niya siya kay Joacim na hari; na pumatay sa kaniya ng tabak, at naghagis ng kaniyang bangkay sa mga libingan ng karaniwang tao.
24Nguni't ang kamay ni Ahicam na anak ni Zaphan ay sumasa kay Jeremias upang huwag siyang ibigay nila sa kamay ng bayan at ipapatay siya.