5Naglagay siya ng mga hukom sa lupain, sa bawat pinatibay na lungsod ng Juda.
6Sinabi niya sa mga hukom, “Pag-aralan ninyo ang dapat ninyong gawin, dahil hindi kayo humahatol para sa mga tao, ngunit para kay Yahweh, siya ay nasa inyo sa paghahatol.
7At ngayon, hayaan ninyong ang takot kay Yahweh ang sumainyo. Maging maingat kapag kayo ay hahatol, sapagkat walang kawalan ng katarungan kay Yahweh na ating Diyos, ni walang pinapanigan o pagtanggap ng suhol.”
8Bukod dito, nagtalaga si Jehoshafat ng ilan sa mga Levita at mga pari sa Jerusalem, at ilan sa mga pinuno ng mga sinaunang sambahayan ng Israel, para sa pagsasagawa ng paghatol para kay Yahweh, at para sa mga pagtatalo. Tumira sila sa Jerusalem.
9Tinagubilinan niya sila, sinasabi, “Bilang paggalang kay Yahweh, ito ang gagawin ninyo nang tapat at may matuwid na puso:
10Kapag may dumating na pagtatalo mula sa inyong mga kapatid na nakatira sa kanilang lungsod, kung dahil sa pagdanak ng dugo, kung dahil sa mga batas o kautusan, palatuntunan o utos, dapat ninyo silang balaan upang hindi sila magkasala laban kay Yahweh, at upang ang galit ay hindi bumaba sa inyo at sa inyong mga kapatid. Kung kikilos kayo sa ganitong paraan, hindi kayo magkakasala.
11Tingnan ninyo, si Amarias na pinakapunong pari ang siyang mangangasiwa sa inyo sa lahat ng bagay na nauukol kay Yahweh. Si Zebedias na anak ni Ismael na pinuno ng sambahayan ng Juda, ang mamamahala sa lahat ng bagay patungkol sa hari. Gayon din naman, ang mga Levita ay magiging opisyal na maglilingkod sa inyo. Kumilos nang may tapang, at manahan nawa si Yahweh sa mga mabubuti.