Text copied!
CopyCompare
Banal na Bibliya - Lucas - Lucas 11

Lucas 11:2-49

Play LogoGoogle Play  APK Logo APK
Click on verse(s) to share them!
2Sinabi ni Jesus sa kanila, “Kung kayo ay mananalangin, sabihin ninyo, 'Ama, sambahin ang iyong pangalan. Ang kaharian mo ay dumating.
3Bigyan mo kami ng aming tinapay sa araw-araw.
4Patawarin mo kami sa aming mga kasalan gaya ng pagpapatawad namin sa may pagkakautang sa amin. Huwag mo kaming itungo sa tukso.'”
5Sinabi ni Jesus sa kanila, “Sino sa inyo ang mayroong kaibigan, at pupunta ka sa kaniya sa hating gabi, at sasabihin mo sa kaniya, 'Kaibigan, pahiramin mo ako ng tatlong tinapay,
6sapagkat kararating lamang ng isang kaibigan ko mula sa paglalakbay at wala akong anumang maihahanda sa kaniya.'
7At ang nasa loob na sasagot na magsasabi na, 'Huwag mo akong gambalain. Sarado na ang pinto, ako at ang aking mga anak ay nakahiga na. Hindi ako makabangon at makapagbigay sa iyo ng tinapay.'
8Sinasabi ko sa inyo, kahit na siya ay hindi bumangon at magbigay sa iyo ng tinapay dahil ikaw ay kaibigan niya, ngunit dahil sa iyong hindi nahihiyang pagpupumilit, siya ay babangon at bibigyan ka ng tinapay ayon sa dami ng iyong kailangan.
9Sinasabi ko rin sa inyo, humingi kayo at ito ay maibibigay sa inyo, maghanap at inyong matatagpuan. Kumatok, at ito ay mabubuksan para sa inyo.
10Sapagkat ang bawat tao na humihingi ay makatatanggap at ang tao na naghahanap ay makatatagpo at sa tao na kumakatok, ito ay mabubuksan.
11Aling ama sa inyo, kung ang iyong anak na lalaki ay humingi ng isda ay bibigyan mo ng ahas sa halip na isda?
12O kung siya ay humingi ng itlog, bibigyan mo ba siya ng alakdan?
13Kaya, kung kayong masasama ay marunong magbigay ng mabubuting kaloob sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Ama mula sa langit na ibibigay ang Banal na Espiritu sa mga humihingi sa kaniya?”
14Pagkatapos, si Jesus ay nagpapalayas ng demonyo at ito ay pipi. At nangyari nang lumabas ang demonyo, nagsalita ang pipi. Namangha ang napakaraming tao!
15Ngunit sinabi ng ilang mga tao, “Sa pamamagitan ni Beelzebub, ang pinuno ng mga demonyo, siya ay nagpapalayas ng mga demonyo.”
16Sinubok siya ng iba at naghanap sa kaniya ng palatandaan mula sa langit.
17Ngunit alam ni Jesus ang kanilang iniisip at sinabi sa kanila, “Bawat kaharian na nagkakabaha-bahagi laban sa kaniyang sarili ay napababayaan at ang bahay na nagkakabaha-bahagi laban sa kaniyang sarili ay bumabagsak.
18Kung si Satanas ay nagkakabaha-bahagi laban sa kaniyang sarili, paano mananatili ang kaniyang kaharian? Sapagkat sinasabi ninyo na ako ay nagpapalayas ng demonyo sa pamamagitan ni Beelzebub.
19Kung ako ay nagpapalayas ng mga demonyo sa pamamagitan ni Beelzebub, sa pamamagitan nino nagpapalayas ang inyong mga tagasunod? Dahil dito, sila ang inyong magiging mga hukom.
20Ngunit kung ako ay nagpapalayas ng mga demonyo sa pamamagitan ng daliri ng Diyos, kung gayon ang kaharian ng Diyos ay dumating sa inyo.
21Kung ang isang malakas na tao na lubos na armado ay binabantayan ang kaniyang bahay, ang kaniyang mga ari-arian ay ligtas
22ngunit kung siya ay dinaig ng mas malakas sa kaniya, kukunin ng mas malakas ang kaniyang baluti at nanakawin ang pag-aari ng tao.
23Ang hindi ko kasama ay laban sa akin at ang hindi nagtitipon na kasama ako ay naghihiwa-hiwalay.
24Kung ang maruming espiritu ay umalis mula sa isang tao, ito ay dumadaan sa mga tuyong lugar at maghahanap ng mapagpapahingaan. Nang wala itong mahanap, sasabihin nito, 'Ako ay babalik sa aking bahay kung saan ako nanggaling.'
25Sa kaniyang pagbabalik, natagpuan nito ang bahay na iyon na nawalisan at maayos.
26Pagkatapos, ito ay nagpatuloy at nagsama ng pitong iba pang espiritu na mas masama pa sa kaniya at pumasok silang lahat para tumira doon. Kaya ang kalagayan ng tao ay naging mas malubha kaysa noong una.
27Nangyari na, habang sinasabi niya ang mga bagay na ito, may isang babae na sumigaw sa gitna ng napakaraming tao at nagsabi sa kaniya, “Pinagpala ang sinapupunan na nagsilang sa iyo at ang nagpasuso sa iyo.”
28Ngunit sinabi niya, “Higit pa na pinagpala ang mga nakarinig ng salita ng Diyos at iningatan ito.”
29Nang nagtitipon ang napakaraming tao, sinimulan niyang sabihin, “Ang salinlahi na ito ay masamang salinlahi. Naghahanap ito ng palatandaan ngunit walang palatandaan na maibibigay dito, kung hindi ay ang palatandaan ni Jonas.
30Sapagkat katulad ni Jonas na naging palatandaan sa mga taga-Nineveh, ganoon din na ang Anak ng Tao ay magiging palatandaan sa salinlahi na ito.
31Ang Reyna ng Timog ay tatayo sa paghuhukom kasama ng mga tao sa salinlahi na ito at sila ay hahatulan niya, sapagkat siya ay nanggaling sa dulo ng mundo upang makinig sa karunungan ni Solomon, at tingnan ninyo, narito ang higit na dakila kaysa kay Solomon.
32Ang mga tao ng Nineveh ay tatayo sa paghuhukom kasama ng mga tao sa salinlahi na ito at hahatulan ito, sapagkat sila ay nagsisi sa pangangaral ni Jonas, at tingnan ninyo, narito ang higit na dakila kaysa kay Jonas.
33Wala kahit sino na matapos sindihan ang ilawan ay ilalagay ito sa madilim na silid o sa ilalim ng basket, kung hindi ay sa patungan ng ilawan para magkaroon ng ilaw ang pumapasok.
34Ang iyong mata ay ilawan ng iyong katawan. Kapag ang iyong mata ay malinaw, ang buong katawan ay napupuno ng liwanag. Ngunit kung ang iyong mata ay malabo, ang iyong buong katawan ay puno ng kadiliman.
35Samakatuwid kayo ay mag-ingat na ang liwanag na nasa inyo ay hindi kadiliman.
36Kung ganoon nga, na ang iyong buong katawan ay puno ng liwanag, na walang bahagi nito na nasa kadiliman, ang iyong buong katawan ay magiging tulad ng ilawan na kumikinang ang liwanag sa iyo.”
37Nang matapos siyang magsalita, isang Pariseo ang humiling sa kaniya na kumain kasama niya sa kaniyang bahay, kung kaya pumasok si Jesus at sumandal.
38At ang Pariseo ay nagulat dahil hindi muna siya naghugas bago ang hapunan.
39Ngunit sinabi ng Panginoon sa kaniya, “Kayong mga Pariseo, nililinis ninyo ang labas ng mga tasa at mga mangkok, ngunit ang inyong loob ay puno ng kasakiman at kasamaan.
40Kayong mga walang saysay na tao! Hindi ba ang gumawa ng labas ay siya ring gumawa ng loob?
41Ibigay ninyo sa mga mahihirap ang nasa loob at ang lahat ng bagay ay magiging malinis para sa inyo.
42Sa aba ninyong mga Pariseo, sapagkat ibinibigay ninyo ang ikapu ng yerbabuena at ruda at ang bawat ibang halaman sa hardin ngunit pinababayaan ninyo ang katarungan at ang pag-ibig ng Diyos. Kinakailangan na kumilos nang may katarungan at may pagmamahal sa Diyos na hindi rin pinababayaan na gawin ang ibang mga bagay.
43Sa aba ninyong mga Pariseo, sapagkat gustong gusto ninyo ang mga upuan sa unahan sa mga sinagoga at mga magalang na pagbati sa mga pamilihan.
44Sa aba ninnyo sapagkat kayo ay katulad ng libingan na walang marka na nilalakaran ng mga tao nang hindi nila nalalaman.”
45At isang tagapagturo ng mga kautusan ng Judio ang sumagot sa kaniya at nagsabi, “Guro, ang sinabi mo ay isang insulto rin sa amin.”
46Sinabi ni Jesus, “Sa aba ninyo, mga tagapagturo ng kautusan! Sapagkat ipinapapasan ninyo sa mga tao ang mga pasanin na mahirap dalhin ngunit hindi man lang ninyo hinahawakan ang mga pasanin na iyon sa isa sa inyong sariling mga daliri.
47Sa aba ninyo, sapagkat nagtatayo kayo ng mga bantayog para sa libingan ng mga propeta subalit ang inyong mga ninuno ang pumatay sa kanila.
48Kaya kayo ay mga saksi at nagpahintulot sa ginawa ng inyong mga ninuno dahil tunay nga na pinatay nila ang mga propeta na siyang pinatayuan ninyo ng mga bantayog.
49Sa kadahilanan ding ito, sinabi ng karunungan ng Diyos, 'Ako ay magpapadala sa kanila ng mga propeta at mga apostol, at uusigin nila at papatayin ang iba sa kanila.'

Read Lucas 11Lucas 11
Compare Lucas 11:2-49Lucas 11:2-49