2Mapapasakanya ang espiritu ni Yahweh, espiritu ng karunungan at pang-unawa, espiritu ng paggabay at kapangyarihan, ang espiritu ng kaalaman at takot kay Yahweh.
3Ang pagkatakot kay Yahweh ang magiging kagalakan niya; hindi siya manghahatol ayon sa nakikita ng kaniyang mga mata, ni magpapasya ayon sa naririnig ng kaniyang tainga.
4Sa halip, hahatulan niya ang mahihirap nang makatwiran at magpapasya ng patas sa mga mapagkumbaba sa mundo. Hahampasin niya ang mundo ng pamalo ng kaniyang bibig, at sa pamamagitan ng kaniyang mga labi, papatayin niya ang masasama.
5Ang katuwiran ang magiging sinturon niya sa kaniyang baywang, at katapatan ang sinturon na nakasuot sa kaniyang balakang.
6Mamumuhay ang lobo kasama ng kordero, at hihiga ang leopardo kasama ng batang kambing, guya, batang leon at pinatabang guya. Isang maliit na bata ang mamumuno sa kanila.
7Magkasamang kakain ang baka at oso, at magkakasamang matutulog ang kanilang mga anak. Kakain ang leon ng damo gaya ng baka.
8Makapaglalaro ang isang sanggol sa bahay ng ahas, at mailalagay ng batang hindi na sumususo sa kaniyang ina ang kaniyang mga kamay sa lungga ng ahas.
9Hindi nila sasaktan ni wawasakin ang lahat ng banal na bundok; dahil mapupuno ang mundo ng maraming kaalaman kay Yahweh, gaya ng tubig na binabalutan ang dagat.
10Sa araw na iyon, titindig ang ugat ni Jesse bilang isang bandila para sa mga tao. Hahanapin siya ng mga bansa, at magiging maluwalhati ang kaniyang lugar ng kapahingahan.
11Sa araw na iyon, muling iuunat ng Panginoon ang kaniyang kamay para mabawi ang nalabi sa kaniyang mga tao sa Asiria, Ehipto, Patros, Etiopia, Elam, Sinar, Hamat, at mga isla sa karagatan.
12Maglalagay siya ng bandila para sa mga bansa at titipunin ang mga taga-Israel at Juda na tinapon mula sa apat na sulok ng mundo.