2Kapag dumating ang pagmamataas, saka dumarating ang kahihiyan, pero sa kapakumbabaan dumarating ang karunungan.
3Ang katapatan ng matuwid ay gumagabay sa kanila, pero ang mga baluktot na pamamaraan ng mga taksil ay sumisira sa kanila.
4Ang kayamanan ay walang halaga sa araw nang matinding kapootan, pero ang paggawa ng matuwid ay maglalayo sa iyo mula sa kamatayan.
5Ang matuwid na pag-uugali ng taong walang kapintasan ay ginagawang matuwid ang kaniyang daan, pero ang masama ay babagsak dahil sa kaniyang sariling kasamaan.
6Ang matuwid na pag-uugali ng mga nakalulugod sa Diyos ang siyang nag-iingat sa kanila, pero ang taksil ay nabitag ng kanilang sariling mga pagnanasa.
7Kapag ang taong masama ay namatay, ang kaniyang pag-asa ay mamamatay, at ang pag-asa na naging kaniyang kalakasan ay mapupunta sa wala.
8Ang isang taong gumagawa ng tama ay laging nailalayo sa kaguluhan, at sa halip ito ay dumarating sa mga masasama.
9Sinisira ng bibig ng mga walang Diyos ang kaniyang kapwa, ngunit sa pamamagitan ng kaalaman ang mga gumagawa ng tama ay pinanatiling ligtas.
10Kapag ang mga gumagawa ng tama ay sumasagana, ang isang lungsod ay nagdiriwang; kapag ang masama ay namatay; ay may mga sigaw ng kagalakan.
11Sa pamamagitan ng mabubuting mga kaloob ng mga nakalulugod sa Diyos, ang lungsod ay magiging tanyag; sa bibig ng mga masasama, ang lungsod ay mawawasak.
12Ang taong may paghamak sa kaniyang kaibigan ay walang ulirat, pero ang isang may pang-unawa ay tumatahimik.