9Ngunit si Saulo, na tinatawag ding Pablo ay napuspos ng Banal na Espiritu. Tinitigan siya nito
10at sinabi, “Ikaw na anak ng diyablo, punong-puno ka ng lahat ng uri ng pandaraya at kasamaan. Ikaw ay kaaway ng bawat katuwiran. Hindi ka ba talaga titigil sa pagbabaluktot sa mga tuwid na daan ng Diyos?
11Ngayon tingnan mo, ang kamay ng Panginoon ay nasa iyo at ikaw ay mabubulag. Pansamantala mo munang hindi makikita ang araw.” At biglang nagdilim ang paningin ni Elimas, nagsimula siyang lumibot na humihiling sa mga tao na siya ay akayin sa pamamagitan ng kanilang mga kamay.
12Pagkatapos na makita ng gobernador kung ano ang nangyari, siya ay naniwala, dahil namangha siya sa katuruan tungkol sa Panginoon.
13Naglayag ngayon si Pablo at ang kaniyang mga kaibigan mula Pafos at dumating sa Perga ng Panfilia. Ngunit iniwan sila ni Juan at bumalik sa Jerusalem.
14Naglakbay si Pablo at ang kaniyang mga kaibigan mula Perga at nakarating sa Antioquia ng Pisidia. Doon ay pumunta sila sa loob ng sinagoga sa Araw ng Pamamahinga at umupo.
15Nang matapos ang pagbabasa ng kautusan at ng mga propeta, nagbigay ang mga pinuno ng sinagoga ng mensahe sa kanila na sinasabi, “Mga kapatid, kung mayroon kayong mensahe ng pampalakas loob sa mga tao dito, sabihin ninyo ito.”
16Kaya tumayo si Pablo at sumenyas sa pamamagitan ng kaniyang kamay, sinabi niya, “Mga taga-Israel at kayo na gumagalang sa Diyos, makinig kayo.
17Ang Diyos ng mga taong ito sa Israel ang pumili sa ating mga ninuno at pinarami ang mga tao nang nanatili sila sa Egipto, at sa pamamagitan ng pagtaas ng kaniyang kamay ay pinangunahan niya sila na makalabas mula dito.
18Sa halos apatnapung taon nagtiis siya na kasama nila sa ilang.
19Pagkatapos niyang wasakin ang pitong bansa sa lupain ng Canaan, ipinagkaloob niya sa ating mga tao ang kanilang lupain bilang pamana.
20Naganap ang lahat ng pangyayaring ito sa loob ng apat na raan at limampung taon. Matapos ang lahat ng bagay na ito, binigyan sila ng Diyos ng mga hukom hanggang kay Samuel na propeta.
21Pagkatapos nito, humingi ang mga tao ng isang hari, kaya ibinigay ng Diyos sa kanila si Saul na anak ni Cis, isang lalaki mula sa lipi ni Benjamin sa loob ng apatnapung taon.
22Nang matapos siyang alisin ng Diyos sa pagiging hari, hinirang niya si David upang maging kanilang hari. Sinabi ito ng Diyos tungkol kay David, 'Natagpuan ko si David na anak ni Jesse isang lalaking malapit sa aking puso, gagawin niya ang lahat ng aking naisin.'
23Mula sa kaapu-apuhan ng lalaking ito ay dinala ng Diyos sa Israel ang isang tagapagligtas na si Jesus, katulad ng kaniyang ipinangakong gagawin.
24Nagsimula itong mangyari bago dumating si Jesus, unang ipinahayag ni Juan ang bautismo ng pagsisisi sa lahat ng tao sa Israel.
25At nang matatapos na ni Juan ang kaniyang gawain, sinabi niya 'Sino ba ako sa akala ninyo? Ako ay hindi siya. Ngunit makinig kayo, may isang darating na kasunod ko, hindi man lang ako karapat-dapat na magtanggal ng kaniyang sandalyas.'
26Mga kapatid, mga anak na mula sa lipi ni Abraham at ang mga kasama ninyo na sumasamba sa Diyos, ito ay para sa atin kaya ipinadala ang mensaheng ito tungkol sa kaligtasan.
27Para sa kanila na taga-Jerusalem, at sa kanilang mga pinuno, na hindi totoong nakakakilala sa kaniya, ni hindi talaga nila nauunawaan ang tinig ng mga propeta habang binabasa tuwing Araw ng Pamamahinga; kaya natupad nila ang mga mensahe ng mga propeta sa pamamagitan ng paghatol kay Jesus sa kamatayan.
28Kahit pa wala silang natagpuang dahilan upang patayin siya, hiniling nila kay Pilato na siya ay patayin.
29At nang natupad na nilang lahat ang mga bagay na isinulat tungkol sa kaniya, siya ay kanilang ibinaba mula sa puno at inihiga sa isang libingan.
30Ngunit binuhay siya ng Diyos mula sa mga patay.
31Nakita siya sa loob ng maraming araw ng mga sumama sa kaniya mula Galilea hanggang Jerusalem. Ang mga taong ito ang naging mga saksi niya ngayon sa mga tao.
32Kaya dala namin sa inyo ang magandang balita tungkol sa mga pangakong ibinigay sa ating mga ninuno.
33Iningatan ng Diyos ang mga pangakong ito sa atin na kanilang mga anak, na kung saan binuhay niya si Jesus mula sa mga patay. Ito din ang naisulat sa ikalawang awit: 'Ikaw ang aking Anak, at ngayon ako ay iyong magiging Ama.'
34Tungkol din naman sa katotohanang binuhay siya mula sa mga patay upang hindi mabulok ang kaniyang katawan, nagsalita siya ng katulad nito: 'Ipagkakaloob ko saiyo ang banal at maaasahang mga pagpapala ni David.'
35Ito rin ay kung bakit niya sinabi sa iba pang awit, 'Hindi mo pahihintulutan na makitang mabulok ang iyong Nag-iisang Banal.'
36Nang matapos paglingkuran ni David ang kaniyang sariling salinlahi sa mga nais ng Diyos, nakatulog siya, kasama nang kaniyang mga ama, at nabulok,
37ngunit siya na binuhay ng Diyos ay hindi nabulok.
38Kaya dapat ninyo itong malaman, mga kapatid, na sa pamamagitan ng taong ito ay naipahahayag sa inyo ang kapatawaran ng mga kasalanan.
39Sa pamamagitan niya ang bawat isang mananampalataya ay pinawalang-sala mula sa lahat ng bagay na hindi kayang maipawalang-sala sa inyo sa kautusan ni Moises.
40Kaya't mag-ingat kayo na hindi mangyari sa inyo ang sinabi ng mga propeta:
41'Tingnan ninyo, mga mapang-alipusta, at mamangha kayo at saka mamamatay sapagkat isasagawa ko ang gawain sa inyong mga araw, isang gawaing hindi ninyo paniniwalaan kailanman, kahit pa mayroong maghayag nito sa inyo.'''
42Habang paalis na sina Pablo at Bernabe, nagmakaawa sa kanila ang mga tao kung maaari nilang sabihin muli ang katulad na mensahe sa susunod na Araw ng Pamamahinga.
43Nang matapos na ang pagpupulong sa sinagoga, marami sa mga Judio at mga taong nagbago ng paniniwala ang sumunod kina Pablo at Bernabe, na nagsalita sa kanila at nanghikayat na magpatuloy sa biyaya ng Diyos.
44Nang sumunod na Araw ng Pamamahinga, halos ang buong lungsod ay nagsama-samang nagkatipon upang makinig ng salita ng Panginoon.
45Nang makita ng mga Judio ang maraming tao, napuno sila ng pagka-inggit at nagsalita laban sa mga bagay na ipinahayag ni Pablo at ininsulto siya.
46Ngunit matapang na nagsalita sina Pablo at Bernabe at sinabi, “Kinakailangan muna na ang salita ng Diyos ay maibahagi sa inyo. Ngunit nakikita kong itinutulak ninyo ito palayo sa inyong sarili at itinuturing ang inyong sarili na hindi karapat-dapat sa buhay na walang hanggan, tingnan ninyo, pupunta kami sa mga Gentil.
47Sapagkat iniutos sa amin ng Panginoon, na nagsasabi, 'Inilagay ko kayo bilang ilaw sa mga Gentil upang kayo ay magdala ng kaligtasan sa mga pinakadulong bahagi ng mundo.”'
48Nang narinig ito ng mga Gentil, nagalak sila at pinuri ang salita ng Panginoon. Nanampalataya ang mga naitalaga sa buhay na walang hanggan.