Text copied!
CopyCompare
Banal na Bibliya - Lucas - Lucas 12

Lucas 12:33-58

Play LogoGoogle Play  APK Logo APK
Click on verse(s) to share them!
33Ipagbili ang inyong mga ari-arian at ibigay ito sa mahihirap. Gumawa kayo ng inyong mga sariling mga pitaka na hindi nasisira—mga kayamanan sa kalangitan na hindi nawawala, na hindi nilalapitan ng magnanakaw, at hindi sinisira ng tanga.
34Sapagkat kung nasaan ang inyong kayamanan ay naroon din ang inyong puso.
35Isuksok ninyo ang inyong mahabang damit sa inyong sinturon, at panatilihing nag-aapoy ang inyong mga ilawan,
36at maging katulad kayo ng mga taong naghihintay sa kanilang amo na bumalik mula sa kasalan, upang kung siya ay bumalik at kumatok, agad nilang bubuksan ang pinto para sa kaniya.
37Pinagpala ang mga lingkod na iyon, na masusumpungan ng amo na nagbabantay sa kaniyang pagbabalik. Totoo, sinasabi ko sa inyo na isusuksok niya ang mahaba niyang damit sa kaniyang sinturon, pauupuin sila para sa pagkain, at lalapit at pagsisilbihan sila.
38Kung ang amo ay dadating sa pangalawang pagbantay sa gabi o kahit sa pangatlong pagbantay at nakita silang handa, pinagpala ang mga lingkod na iyon.
39Dagdag pa nito alamin ninyo ito, na kung alam ng amo ang oras ng pagdating ng magnanakaw, hindi niya hahayaang mapasok ang kaniyang tahanan.
40Maging handa din, dahil hindi niyo alam ang oras ng pagdating ng Anak ng Tao.”
41Sinabi ni Pedro, “Panginoon, sa amin mo lamang ba sinasabi ang talinghagang ito o para rin sa lahat?”
42Sinabi ng Panginoon, “Sino ngayon ang tapat at matalinong tagapamahala na itatakda ng kaniyang panginoon para sa ibang lingkod upang ibigay sa kanila ang kanilang bahagi ng pagkain sa tamang panahon?
43Pinagpala ang lingkod na iyon, na masusumpungan ng kaniyang panginoon na gumagawa niyan sa kaniyang pagdating.
44Totoong sinasabi ko sa inyo na siya ay gagawing tagapamahala sa lahat ng kaniyang ari-arian.
45Ngunit kung sinasabi ng lingkod na iyon sa kaniyang puso, “Matatagalan pa ang pagbabalik ng aking panginoon,' at sinimulan niyang bugbugin ang mga lalaki at babaeng lingkod, at kakain at iinom, at malalasing,
46ang panginoon ng lingkod na iyon ay darating sa araw na hindi niya inaasahan, at sa oras na hindi niya nalalaman, at siya ay pagpipira-pirasuhin at magtatalaga siya ng lugar para sa kaniya kasama ang mga hindi tapat.
47Ang lingkod na iyon, na alam ang kalooban ng kaniyang panginoon at hindi naging handa o ginawa ang ayon sa kaniyang kalooban, ay mabubugbog nang madami.
48Ngunit ang hindi nakakaalam, at gumawa ng mga bagay na karapat-dapat sa pagbugbog, ay mabubugbog nang kaunti. Ang lahat ng binigyan ng marami, marami din ang hihingiin sa kaniya, at ang pinagkatiwalaan ng marami, marami ang hihingiin nila sa kaniya.
49Pumarito ako upang magbaba ng apoy sa mundo, at ninanais ko na ito ay magningas.
50Ngunit mayroon akong bautismo na kailangang danasin, at labis akong namimighati hanggang sa ito ay matapos!
51Iniisip ba ninyo na ako ay naparito upang magdala ng kapayapaan sa mundo? Hindi, sinasabi ko sa inyo, sa halip ay pagkabaha-bahagi.
52Dahil mula ngayon may lima sa isang tahanan na magkakabaha-bahagi—tatlong tao laban sa dalawa at dalawang tao laban sa tatlo.
53Sila ay magkakabaha-bahagi, ama laban sa anak na lalaki at anak na lalaki laban sa ama; ina laban sa anak na babae at anak na babae laban sa ina; ang biyenan na babae laban sa manugang na babae at manugang na babae laban sa biyenan na babae.
54Sinasabi din ni Jesus sa napakaraming tao, “Kung nakikita ninyong namumuo ang ulap sa kanluran, agad ninyong sinasabi, 'May ulan na paparating', at gayon ang nangyayari.
55At kung iihip ang hangin sa timog, sinasabi ninyo, 'Magkakaroon ng matinding init,' at ito ay nangyayari.
56Mga mapagkunwari, alam ninyo kung paano ipakahulugan ang anyo ng mundo at kalangitan, ngunit paanong hindi ninyo alam bigyang-kahulugan ang kasalukuyang panahon?
57Bakit hindi ninyo hatulan kung ano ang tama para sa inyong mga sarili?
58Sapagkat kung ikaw ay pupunta sa harapan ng hukom kasama ang iyong kaaway, sa daan ay sikapin mong ayusin ang hindi pagkakaintindihan sa kaniya upang hindi ka niya kaladkarin sa hukom, upang hindi ka dalhin ng hukom sa opisyal at hindi ka ilagay ng opisyal sa bilangguan.

Read Lucas 12Lucas 12
Compare Lucas 12:33-58Lucas 12:33-58