18Kung si Satanas ay nagkakabaha-bahagi laban sa kaniyang sarili, paano mananatili ang kaniyang kaharian? Sapagkat sinasabi ninyo na ako ay nagpapalayas ng demonyo sa pamamagitan ni Beelzebub.
19Kung ako ay nagpapalayas ng mga demonyo sa pamamagitan ni Beelzebub, sa pamamagitan nino nagpapalayas ang inyong mga tagasunod? Dahil dito, sila ang inyong magiging mga hukom.
20Ngunit kung ako ay nagpapalayas ng mga demonyo sa pamamagitan ng daliri ng Diyos, kung gayon ang kaharian ng Diyos ay dumating sa inyo.
21Kung ang isang malakas na tao na lubos na armado ay binabantayan ang kaniyang bahay, ang kaniyang mga ari-arian ay ligtas
22ngunit kung siya ay dinaig ng mas malakas sa kaniya, kukunin ng mas malakas ang kaniyang baluti at nanakawin ang pag-aari ng tao.
23Ang hindi ko kasama ay laban sa akin at ang hindi nagtitipon na kasama ako ay naghihiwa-hiwalay.
24Kung ang maruming espiritu ay umalis mula sa isang tao, ito ay dumadaan sa mga tuyong lugar at maghahanap ng mapagpapahingaan. Nang wala itong mahanap, sasabihin nito, 'Ako ay babalik sa aking bahay kung saan ako nanggaling.'
25Sa kaniyang pagbabalik, natagpuan nito ang bahay na iyon na nawalisan at maayos.
26Pagkatapos, ito ay nagpatuloy at nagsama ng pitong iba pang espiritu na mas masama pa sa kaniya at pumasok silang lahat para tumira doon. Kaya ang kalagayan ng tao ay naging mas malubha kaysa noong una.
27Nangyari na, habang sinasabi niya ang mga bagay na ito, may isang babae na sumigaw sa gitna ng napakaraming tao at nagsabi sa kaniya, “Pinagpala ang sinapupunan na nagsilang sa iyo at ang nagpasuso sa iyo.”
28Ngunit sinabi niya, “Higit pa na pinagpala ang mga nakarinig ng salita ng Diyos at iningatan ito.”
29Nang nagtitipon ang napakaraming tao, sinimulan niyang sabihin, “Ang salinlahi na ito ay masamang salinlahi. Naghahanap ito ng palatandaan ngunit walang palatandaan na maibibigay dito, kung hindi ay ang palatandaan ni Jonas.
30Sapagkat katulad ni Jonas na naging palatandaan sa mga taga-Nineveh, ganoon din na ang Anak ng Tao ay magiging palatandaan sa salinlahi na ito.
31Ang Reyna ng Timog ay tatayo sa paghuhukom kasama ng mga tao sa salinlahi na ito at sila ay hahatulan niya, sapagkat siya ay nanggaling sa dulo ng mundo upang makinig sa karunungan ni Solomon, at tingnan ninyo, narito ang higit na dakila kaysa kay Solomon.
32Ang mga tao ng Nineveh ay tatayo sa paghuhukom kasama ng mga tao sa salinlahi na ito at hahatulan ito, sapagkat sila ay nagsisi sa pangangaral ni Jonas, at tingnan ninyo, narito ang higit na dakila kaysa kay Jonas.