7Wasak ang bansa niyo; sinunog ang mga lungsod niyo; sa harapan niyo, sinisira ng mga dayuhan ang lupain niyo; iniwan nila itong wasak at sira-sira, pinabagsak ng mga dayuhan.
8Ang anak na babae ng Sion, iniwan na parang kubo sa ubasan, gaya ng isang silong sa hardin ng pipino, gaya ng isang lungsod na sinakop.
9Kung hindi nag-iwan si Yahweh ng mga hukbo ng ilan sa ating mga kababayan, naging tulad na sana tayo ng Sodoma, naging gaya tayo ng Gomorra.
10Dinggin niyo ang salita ni Yahweh, kayong mga tagapamahala ng Sodoma; makinig kayo sa batas ng ating Diyos, kayong bayan ng Gomorra:
11“Ano ang silbi ng marami ninyong mga alay sa akin?” sabi ni Yahweh. “Sawa na ako sa mga tupa, at taba ng mga hayop na sinunog niyo para ihandog; at sa dugo ng toro, tupa at kambing, hindi ako nalulugod.
12Sa tuwing lalapit kayo sa harapan ko, sinong nagsabi sa inyo na maaari niyong yurakan ang aking mga patyo?
13Huwag na kayong magdala ng mga handog na walang halaga; kasuklam-suklam sa akin ang insenso; ang mga pagtitipon niyo tuwing bagong buwan at araw ng pamamahinga —hindi ko na matiis ang lahat ng makasalanan niyong mga pagtitipon.
14Namumuhi ako sa mga bagong buwan at mga pista ninyo; pabigat sila sa akin; pagod na akong tiisin sila.
15Kaya sa tuwing itinataas ninyo ang mga kamay ninyo, tinatago ko ang mga mata ko sa inyo; kahit na nag-alay kayo ng maraming panalangin, hindi ako makikinig; puno ng dugo ang mga kamay ninyo.
16Maghugas kayo, linisin ninyo ang mga sarili niyo; alisin ninyo ang kasamaan sa mga gawain ninyo sa paningin ko; tigilan ninyo na ang pagiging masama;
17alamin ninyo paano maging mabuti; isulong ninyo ang katarungan, tulungan niyo ang mga inaapi, bigyan ninyo ng katarungan ang mga walang ama, protektahan ninyo ang mga balo.”