1O, kay ganda mo, aking mahal; kay ganda mo. Ang iyong mga mata ay katulad ng mga kalapati sa likuran ng iyong belo. Ang iyong buhok ay tulad ng isang kawan ng mga kambing na bumababa mula sa Bundok ng Gilead.
2Ang iyong mga ngipin ay katulad ng isang kawan ng mga tupang babae na bagong gupit, na umaahon mula sa lugar ng pinagpaliguan. Bawa't isa ay may isang kakambal at walang isa sa kanila ang namatayan.
3Ang labi mo ay katulad ng isang hibla ng eskarlata; ang bibig mo ay kaibig-ibig. Ang mga pisngi mo ay katulad ng kabiyak na granada sa likuran ng iyong belo.
4Ang leeg mo ay katulad ng tore ni David na itinayo sa mga hanay ng bato, na may isang libong mga kalasag na nakasabit dito, lahat ng mga kalasag ng mga sundalo.
5Ang dalawang dibdib mo ay katulad ng dalawang munting usa, magkakambal na gasel, na nanginginain sa kalagitnaan ng mga liryo.
6Hanggang dumating ang bukang-liwayway at ang mga anino ay naglaho, ako ay magpupunta sa bundok ng mira at sa burol ng kamanyang.
7Kay ganda mo sa lahat ng paraan, aking mahal at walang kapintasan sa iyo.
8Sumama ka sa akin mula sa Lebanon, babaeng aking pakakasalan. Sumama ka sa akin mula sa Lebanon; sumama ka mula sa tuktok ng Bundok ng Amana, mula sa tuktok ng Bundok ng Senir at Hermon, mula sa mga lungga ng leon, mula sa lunggang bundok ng mga leopardo.
9Ninakaw mo ang puso ko, aking kapatid, babaeng aking pakakasalan; nabihag mo ang puso ko, sa isang sulyap lamang sa akin, sa isang hiyas lamang ng iyong kuwintas.