Text copied!
CopyCompare
Banal na Bibliya - Mga Taga-Roma

Mga Taga-Roma 10

Play LogoGoogle Play  APK Logo APK
Click on verse(s) to share them!
1Mga kapatid, ang nais ng aking puso at ang hiling ko sa Diyos ay para sa kanila, para sa kanilang kaligtasan.
2Sapagkat sila ay pinatotohanan ko na mayroon silang pagsisikap para sa Diyos, ngunit hindi ayon sa kaalaman.
3Sapagkat hindi nila nalalaman ang katuwiran ng Diyos, at pinagsisikapan nilang itatag ang kanilang sariling katuwiran. Hindi sila nagpasakop sa katuwiran ng Diyos.
4Sapagkat si Cristo ang katuparan ng kautusan para sa katuwiran ng lahat ng sumasampalataya.
5Sapagkat sumulat si Moises tungkol sa katuwiran na nagmumula sa kautusan: “Ang taong gumagawa ng katuwiran ng kautusan ay mabubuhay sa katuwirang ito.”
6Ngunit ganito ang sinasabi ng katuwiran na nanggagaling sa pananampalataya, “Huwag mong sabihin sa iyong puso, 'Sino ang aakyat sa langit?' (sa makatuwid ay upang pababain si Cristo).
7At huwag mong sasabihing, 'Sino ang bababa sa kailaliman?'” (sa makatuwid ay upang iakyat si Cristo mula sa patay.)
8Ngunit ano ang sinasabi nito? “Malapit sa iyo ang salita, sa iyong bibig at sa iyong puso.” Iyan ang salita ng pananampalataya, na aming ipinapahayag.
9Sapagkat kung sa iyong bibig, kinikilala mo si Jesus bilang Panginoon, at nananampalataya ka sa iyong puso na binuhay siya ng Diyos mula sa mga patay, maliligtas ka.
10Sapagkat sa puso nananampalataya ang tao sa katuwiran, at sa bibig kumikilala siya para sa kaligtasan.
11Sapagkat sinasabi ng kasulatan, “Ang sinumang nananampalataya sa kaniya ay hindi mapapahiya.”
12Sapagkat walang pagkakaiba ang Judio at Griyego. Dahil iisang Panginoon ang Panginoon ng lahat, at mayaman siya sa lahat ng mga tumatawag sa kaniya.
13Sapagkat ang lahat na tumatawag sa pangalan ng Panginoon ay maliligtas.
14Kung gayon, paano sila tatawag sa kaniya na hindi nila sinasampalatayanan? At paano sila sasampalataya sa kaniya na hindi pa nila naririnig? At paano sila makakarinig kung walang tagapangaral?
15At paano sila mangangaral kung hindi sila isinugo? — Gaya ng nasusulat, “Kayganda ng mga paa ng mga nagpapahayag ng mga masasayang balita ng mga mabubuting bagay!”
16Ngunit hindi lahat sa kanila ay nakinig sa ebanghelyo. Sapagkat sinasabi ni Isaias, “Panginoon, sino ang naniwala sa aming mensahe?”
17Kaya ang pananampalataya ay nanggagaling sa pakikinig, at pakikinig sa salita ni Cristo.
18Ngunit sinasabi ko, “Hindi ba nila narinig?” Oo, tiyak na narinig nila. “Ang kanilang tinig ay nakarating sa buong mundo, at ang kanilang mga salita sa mga dulo ng mundo.”

19Bukod dito, sinasabi ko, “Hindi ba nalaman ng Israel?” Noong una ay sinabi ni Moises, “Iinggitin ko kayo sa pamamagitan ng isang hindi bansa. Sa pamamagitan ng isang bansang walang pagkaunawa, gagalitin ko kayo.”
20At sinasabi ni Isaias nang buong tapang, “Natagpuan ako ng mga hindi humanap sa akin. Nagpakita ako sa mga hindi nagtatanong tungkol sa akin.”
21Ngunit sa Israel sinasabi niya, “Buong araw kong iniunat ang aking mga kamay sa mga taong suwail at matitigas ang ulo.”