11Ang ganap na timbangan at panimbang ay sa Panginoon: lahat ng timbang na supot ay kaniyang gawa.
12Kasuklamsuklam sa mga hari na gumawa ng kasamaan: sapagka't ang luklukan ay natatatag sa pamamagitan ng katuwiran.
13Mga matuwid na labi ay kaluguran ng mga hari; at kanilang iniibig ang nagsasalita ng matuwid.
14Ang poot ng hari ay gaya ng mga sugo ng kamatayan: nguni't papayapain ng pantas.
15Nasa liwanag ng mukha ng hari ang buhay; at ang kaniyang lingap ay parang alapaap ng huling ulan.
16Pagkaigi nga na magtamo ng karunungan kay sa ginto! Oo, magtamo ng kaunawaan ay maigi kay sa pumili ng pilak.
17Ang maluwang na lansangan ng matuwid ay humiwalay sa kasamaan: siyang nagiingat ng kaniyang lakad ay nagiingat ng kaniyang kaluluwa.
18Ang kapalaluan ay nagpapauna sa kapahamakan, at ang mapagmataas na diwa ay sa pagkabuwal.
19Maigi ang magkaroon ng mapagpakumbabang loob na kasama ng dukha, kay sa bumahagi ng samsam na kasama ng palalo.
20Siyang nagiingat sa salita ay makakasumpong ng mabuti: at ang nananalig sa Panginoon ay mapalad.
21Ang pantas sa puso ay tatawaging mabait: at ang katamisan sa mga labi ay nagdaragdag ng katututuhan.
22Ang kaunawaan ay bukal ng buhay sa nagtatamo: nguni't ang saway ng mga mangmang ay siyang kanilang kamangmangan.
23Ang puso ng pantas ay nagtuturo sa kaniyang bibig, at nagdaragdag ng katututuhan sa kaniyang mga labi.
24Mga maligayang salita ay parang pulot-pukyutan, matamis sa kaluluwa at kagalingan sa mga buto.
25May daan na tila matuwid sa tao, nguni't ang dulo niyaon ay mga daan ng kamatayan.
26Ang gana ng pagkain ng manggagawang tao ay nakagagaling sa kaniya; sapagka't kinasasabikan ng kaniyang bibig.