Text copied!
CopyCompare
Banal na Bibliya - Mga Hebreo

Mga Hebreo 8

Play LogoGoogle Play  APK Logo APK
Click on verse(s) to share them!
1Ngayon, ito ang paksa ng aming sinasabi, mayroon tayong isang pinaka-punong pari na nakaupo sa kanang kamay ng trono ng Kamahalan sa kalangitan.
2Isa siyang lingkod sa lugar na banal, ang tunay na tabernakulo na itinayo ng Panginoon, hindi ng sinumang tao.
3Sapagkat itinalaga ang bawat pinaka-punong pari upang mag-alay ng mga kaloob at mga handog, kaya kinakailangan na may isang bagay na ialay.
4Ngayon kung si Cristo ay nasa lupa, hindi na siya magiging pari pa, yamang mayroon nang mga nag-aalay ng mga handog ayon sa kautusan.
5Naglilingkod sila sa isang bagay na huwaran at anino ng mga bagay na makalangit, kagaya na lamang ng babala ng Diyos kay Moises noong itatayo na niya ang tabernakulo, “Tingnan mo,” sinabi ng Diyos, na gagawin mo ang lahat ayon sa batayan na ipinakita sa iyo doon sa bundok.”
6Ngunit ngayon tinanggap ni Cristo ang isang mas mataaas na paglilingkod dahil siya din ang tagapamagitan ng mas mainam na tipan, na itinatag sa mas mainam na mga pangako.
7Sapagkat kung ang unang tipan ay walang pagkakamali, kung gayon hindi na kailangan pang humanap ng pangalawang tipan.
8Sapagkat nang nakatagpo ang Diyos ng pagkakamali sa mga tao, sinabi niya, “'Tingnan ninyo, darating ang mga araw,' sabi ng Panginoon, 'na Ako ay gagawa ng bagong tipan sa sambahayan ng Israel at sa sambahayan ng Juda.
9Hindi na ito katulad ng tipan na ginawa ko sa kanilang mga ninuno noong araw na kinuha ko sila sa pamamagitan ng kamay upang pangunahan silang lumabas sa lupain ng Egipto. Sapagkat hindi sila nagpatuloy sa aking tipan, at hindi ko na sila bibigyang pansin,' sabi ng Panginoon.
10'Sapagkat ito ang tipan na aking gagawin sa sambahayan ng Israel pagkatapos ng mga araw na iyon,' sabi ng Panginoon. 'Ilalagay ko sa kanilang mga isipan ang aking mga tipan, at isusulat ko rin ang mga ito sa kanilang mga puso. Ako ang magiging Diyos nila, at sila ay aking magiging mga tao.
11Hindi nila tuturuan ang bawat isa na kaniyang kapwa at ang bawat isa na kaniyang kapatid, na sabihing, “Kilalanin ninyo ang Diyos,” sapagkat ako ay makikilala ng lahat mula sa pinakamababa hanggang sa pinakadakila sa kanila.
12Sapagkat magpapakita ako ng habag sa kanilang mga gawaing hindi matuwid at hindi ko na aalalahanin pa ang kanilang mga kasalanan.'”
13Sinasabing “bago,” ginawa niyang luma ang unang tipan. At kaniya ngang inihayag na ang pagiging luma ay handa ng maglaho.