1Kaya, mga banal na kapatid, mga kasama sa makalangit na pagtawag, alalahanin ninyo si Jesus na Apostol at Pinakapunong Pari na aming ipinapahayag.
2Siya ay tapat sa Diyos, na naghirang sa kaniya, katulad ng pagiging tapat ni Moises sa lahat ng sambahayan ng Diyos.
3Sapagkat si Jesus ay itinuring na higit na karapat-dapat na maluwalhati kaysa kay Moises, dahil ang gumawa ng bahay ay higit na may karangalan kaysa sa bahay mismo.
4Sapagkat ang bawat bahay ay itinayo ng isang tao, ngunit ang nagtayo ng lahat ng bagay ay ang Diyos.
5Sa katunayan, si Moses ay isang tapat na lingkod sa lahat ng sambahayan ng Diyos, nagbibigay patotoo tungkol sa mga bagay na sinasabing magaganap sa hinaharap.
6Ngunit si Cristo ang Anak na pinagkatiwalaan sa sambahayan ng Diyos. Tayo ang kaniyang bahay kung ating mahigpit na panghahawakan ang ating pananalig at kapurihan ng pananalig.
7Kaya, gaya ng sinasabi ng Banal na Espiritu, “Sa araw na ito, kung marinig ninyo ang kaniyang tinig,
8Huwag patigasin ang inyong mga puso gaya ng panghihimagsik na ginawa ng mga Israelita sa panahon ng pagsubok sa ilang.
9Ito ay nang naghimagsik ang inyong mga ninuno sa pagsubok sa akin, at nang apatnapung taon na, nakita nila ang aking mga gawa.
10Kaya hindi ako nalugod sa lahing ito. Sinabi ko, “Sila ay palaging naliligaw sa kanilang mga puso at hindi nila alam ang aking mga paraan.
11Kaya sa galit ko sila ay aking isinumpa: sila ay hindi makapapasok sa aking pahingahan.”
12Mag-ingat kayo mga kapatid, upang hindi magkaroon ng isang masamang puso na walang pananampalataya sa sinuman sa inyo, isang puso na tatalikod mula sa buhay na Diyos.
13Sa halip, palakasin ang loob ng bawat isa araw-araw, habang ang panahon ay matatawag pang ngayon, upang walang sinuman sa inyo ang maaaring mapatigas sa pamamagitan ng pandaraya ng kasalanan.
14Sapagkat tayo ay naging kasama ni Cristo kung patuloy nating panghahawakan ang ating pananalig sa kaniya mula sa simula hanggang sa katapusan.
15Tungkol dito ito sinabing, “Ngayong araw, kung makikinig kayo sa kaniyang tinig, huwag ninyong patigasin ang inyong mga puso gaya ng ginawa ng mga Israelita sa kanilang paghihimagsik.”
16Sino ang nakarinig sa Diyos at naghimagsik? Hindi ba't ang lahat na pinangunahan ni Moses na lumabas sa Egipto?
17At kanino nagalit ang Diyos sa apatnapung taon? Hindi ba't sa mga nagkasala, na ang mga patay na katawan ay nakaratay sa ilang?
18Kanino sumumpa ang Diyos na hindi na sila makapapasok sa kaniyang kapahingahan, hindi ba ang mga sumuway sa kaniya?
19Nakita natin na hindi sila nakapasok sa kaniyang kapahingahan dahil sa kawalan ng pananampalataya.