Text copied!
CopyCompare
Banal na Bibliya - Mateo

Mateo 12

Play LogoGoogle Play  APK Logo APK
Click on verse(s) to share them!
1Nang panahong iyon, sa Araw ng Pamamahinga, napadaan si Jesus sa mga triguhan. Ang kaniyang mga alagad ay nagutom at nag-umpisa silang pumitas ng mga uhay at kinain iyon.
2Ngunit nang makita ito ng mga Pariseo, sinabi nila kay Jesus, “Tingnan mo, ang iyong mga alagad ay gumagawa ng labag sa kautusan sa Araw ng Pamamahinga.”
3Ngunit sinabi ni Jesus sa kanila, “Hindi ba ninyo nabasa ang ginawa ni David nang siya ay nagutom at pati ang mga lalaking kasama niya?
4Kung paano siya pumasok sa tahanan ng Diyos at kinain ang tinapay na handog, na labag sa kautusan na kainin niya at labag sa kautusan na kainin din ng kaniyang mga kasama, ngunit nararapat lamang sa mga pari?
5At hindi ba ninyo nabasa sa kautusan na sa Araw ng Pamamahinga, ang mga pari sa templo ay nilalapastanganan ang Araw ng Pamamahinga ngunit hindi nagkakasala?
6Ngunit sinasabi ko sa inyo na ang mas dakila sa templo ay narito.
7At kung alam sana ninyo ang ibig sabihin nito, 'Ang nais ko ay habag at hindi handog,' hindi sana ninyo hinatulan ang walang kasalanan.
8Sapagkat ang Anak ng Tao ay Panginoon ng Araw ng Pamamahinga.”
9Pagkatapos, umalis si Jesus mula doon at pumasok sa kanilang sinagoga.
10Masdan ito, may isang lalake na tuyot ang kamay. Nagtanong ang mga Pariseo kay Jesus, at sinabi, “Naaayon ba sa kautusan ang magpagaling sa Araw ng Pamamahinga?” upang siya ay maparatangan nila ng pagkakasala.
11Sinabi ni Jesus sa kanila, “Sino kaya sa inyo, na kung mayroon siyang nag-iisang tupa, at nahulog ang tupang ito sa malalim na butas sa Araw ng Pamamahinga ay hindi ito iaahon sa butas para ilabas?
12Gaano pa kaya kahalaga ang isang tao kaysa sa isang tupa. Kaya hindi labag sa kautusan ang paggawa ng mabuti sa Araw ng Pamamahinga.”
13At sinabi ni Jesus sa lalaki, “Iunat mo ang iyong kamay.” Iniunat nga niya ito, at bumalik ang dating kalusugan nito, gaya ng kaniyang isang kamay.
14Ngunit lumabas ang mga Pariseo at nagsabwatan laban sa kaniya. Naghahanap sila ng paraan kung paano siya maipapatay.
15Nang mapansin ito ni Jesus, lumayo siya doon. Maraming tao ang sumunod sa kaniya, at pinagaling niya silang lahat.
16Sila ay pinagbilinan niya na huwag ipapaalam sa iba ang tungkol sa kaniya,
17ito ay upang magkatotoo ang sinabi sa pamamagitan ni Isaias na propeta, na nagsasabi,
18“Tingnan ninyo, ang aking lingkod na aking pinili; ang aking pinakamamahal, na siyang lubos na kinalulugdan ng aking kaluluwa. Ilalagay ko sa kaniya ang aking Espiritu, at ihahayag niya ang paghuhukom sa mga Gentil.

19Hindi siya magpupumilit o makikipagsigawan ng malakas, ni walang sinumang makaririnig ng kaniyang tinig sa mga lansangan.
20Hindi niya babaliin ang anumang tambong marupok; hindi rin niya papatayin ang kahit na anong umuusok na pabilo, hanggang maipadala niya ang paghuhukom sa katagumpayan.
21At ang mga Gentil ay magkakaroon ng pananalig sa kaniyang pangalan.”
22Pagkatapos ay may isang tao na bulag at pipi na sinapian ng demonyo ang dinala kay Jesus. Pinagaling niya ito at ang lalaki ay nakapagsalita at nakakita.
23Ang lahat ng napakaraming tao ay namangha, at sinabi, “Anak kaya ni David ang lalaking ito?”
24Ngunit nang marinig ng mga Pariseo ang mga himalang ito, kanilang sinabi, “Ang taong ito ay hindi nakapagpapalayas ng mga demonyo maliban sa pamamagitan ni Beelzebul, ang prinsipe ng mga demonyo.”
25Ngunit nalalaman ni Jesus ang kanilang mga iniisip at sinabi sa kanila, “Ang bawat kahariang nahahati laban sa kaniyang sarili ay magiging mapanglaw, at bawat lungsod o bahay na nahahati laban sa kaniyang sarili ay hindi mananatili.
26Kung pinalalayas ni Satanas si Satanas, siya ay nahahati laban sa kaniyang sarili. Paano mananatili ang kaniyang kaharian?
27At kung ako ay nagpapalayas ng mga demonyo sa pamamagitan ni Beelzebul, sa kanino pinalalayas ng inyong mga tagasunod ang mga demonyo? Dahil dito, sila ang inyong magiging mga hukom.
28Ngunit kung ako ay nagpapalayas ng mga demonyo sa pamamagitan ng Espiritu ng Diyos, samakatuwid, ang kaharian ng Diyos ay dumating na sa inyo.
29Paano malolooban ng sinuman ang bahay ng isang malakas na tao at nanakawin ang kaniyang mga pag-aari na hindi muna igagapos ang malakas na tao? Saka pa niya nanakawin ang kaniyang mga pag-aari sa kaniyang bahay.
30Ang sinuman na hindi kasapi ko ay laban sa akin, at sino man ang hindi nagtitipong kasama ko ay nagkakalat.
31Kung gayon ay sinasabi ko sa inyo, ang lahat ng kasalanan at kalapastangan sa tao ay mapapatawad. Ngunit ang lahat ng kalapastanganan sa Espiritu ay hindi mapapatawad.
32Sinumang magbigkas ng anumang salita laban sa Anak ng Tao, siya ay mapapatawad. Ngunit sinumang magsasalita laban sa Banal na Espiritu, siya ay hindi mapapatawad, maging dito sa mundo o sa darating.
33O gawing mabuti ang puno at ang bunga nito ay mabuti, o gawing masama ang puno at ang bunga nito ay masama, sapagkat makikilala ang bawat puno ayon sa bunga nito.
34Kayong mga anak ng mga ulupong, dahil kayo ay masama, paano kayo magsasabi ng mga mabubuting bagay? Sapagkat kung ano ang nilalaman ng puso ay siyang binibigkas ng bibig.
35Ang mabuting tao mula sa mabuting kayamanan ng kaniyang puso ay naglalabas ng mabuti at ang masamang tao na may masamang kayamanan sa kaniyang puso ay naglalabas ng masama.
36At sinasabi ko sa inyo na sa araw ng paghuhukom, ang mga tao ay mananagot sa bawat salita na kanilang binitawan na walang kabuluhan.

37Sapagkat sa iyong mga salita ikaw ay mapapawalang-sala, at sa iyong mga salita ikaw ay parurusahan.”
38At sumagot ang ilang mga eskriba at Pariseo kay Jesus at sinabi, “Guro, nais naming makakita ng palatandaan mula sa iyo,”
39Ngunit sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, “Isang masama at mapangalunyang salinlahi ang naghahanap ng palatandaan. Ngunit walang ibibigay na palatandaan sa kaniya maliban sa palatandaan ni Jonas na propeta.
40Sapagkat gaya ni Jonas na tatlong araw at tatlong gabi sa tiyan ng malaking isda, gayundin na ang Anak ng Tao ay tatlong araw at tatlong gabi na nasa ilalim ng lupa.
41Ang mga tao sa Nineve ay tatayo sa paghuhukom kasama ng salinlahing ito at parurusahan ito. Sapagkat sila ay nagsisi sa pangangaral ni Jonas, at tingnan ninyo, ang narito ay mas dakila kay Jonas.
42Ang Reyna ng Timog ay tatayo sa paghuhukom kasama ng mga tao ng salinlahing ito at parurusahan ito. Naglakbay siya mula sa dulo ng mundo upang dinggin ang karunungan ni Solomon, at tingnan ninyo, ang narito ay mas dakila kay Solomon.
43Kung ang isang masamang espiritu ay umalis sa isang tao, siya ay dadaan sa lugar na walang tubig, at siya ay maghahanap ng mapagpapahingahan, ngunit hindi niya ito mahanap.
44At sasabihin nitong, 'Ako ay babalik sa dati kong tahanan kung saan ako nanggaling.' Nang makabalik, nakita niya ang bahay na malinis at maayos.
45Siya ay aalis at magsasama ng pito pang espiritu na mas masama pa sa kaniya at silang lahat ay papasok at maninirahan doon. At ang kalagayan ng taong iyon ay magiging mas malala pa kaysa sa dati. Katulad ng masasamang salinlahing ito.”
46Habang nagsasalita pa si Jesus sa napakaraming tao, masdan ito, ang kaniyang ina at mga kapatid ay nakatayo sa labas, hinahanap siya upang kausapin.
47May nagsabi sa kaniya, “Tingnan mo, ang iyong ina at ang iyong mga kapatid na lalaki ay nakatayo sa labas, hinahanap ka upang makausap.”
48Ngunit sumagot si Jesus at sinabi sa kaniya, “Sino ang aking ina? At sino ang aking mga kapatid?”
49Pagkatapos iniunat niya ang kaniyang kamay sa kaniyang mga alagad at sinabi, “Tingnan ninyo, nandito ang aking ina at ang aking mga kapatid!
50Sapagkat ang sinumang gumagawa sa kagustuhan ng aking Amang nasa langit, ang taong iyon ay aking kapatid at ina.”