1Tinawag ni Jesus ang kaniyang labindalawang alagad nang magkakasama at binigyan sila ng kapangyarihan laban sa mga masasamang espiritu, upang palayasin ang mga ito, at upang pagalingin ang lahat ng uri ng karamdaman at lahat ng uri ng sakit.
2Ngayon ito ang mga pangalan ng labindalawang apostol: Ang una, si Simon (na siya ring tinatawag niyang Pedro), at si Andres na kaniyang kapatid; si Santiago na anak ni Zebedeo, at si Juan na kaniyang kapatid;
3si Felipe, at si Bartolome; si Tomas, at si Mateo na maniningil ng buwis; si Santiago na anak ni Alpeo, at si Tadeo;
4si Simon na Makabayan, at si Judas Escariote na siyang magkakanulo sa kaniya.
5Ipinadala ni Jesus ang labindalawang ito. Tinagubilinan niya ang mga ito at sinabi, “Huwag kayong pumunta sa alin mang lugar na tinitirhan ng mga Gentil, at huwag kayong papasok sa alin mang bayan ng mga Samaritano.
6Sa halip, pumunta kayo sa mga nawawalang tupa sa sambahayan ng Israel.
7At sa pagpunta ninyo, ipangaral ninyo at sabihing, 'Ang kaharian ng langit ay nalalapit na.'
8Pagalingin ninyo ang may sakit, buhayin ang patay, linisin ang mga ketongin, at palayasin ang mga demonyo. Tumanggap kayo nang walang bayad, ipamigay ninyo nang walang bayad.
9Huwag kayong magdala ng anumang ginto, pilak o tanso sa inyong mga pitaka.
10Huwag kayong magdala ng panglakbay na lalagyan, o dagdag na tunika, ni sandalyas, o di kaya'y tungkod, sapagkat nararapat sa manggagawa ang kaniyang pagkain.
11Anumang lungsod o nayon ang inyong mapuntahan, hanapin ninyo ang karapat-dapat at manatili kayo doon hanggang sa kayo ay aalis.
12Pagpasok ninyo sa bahay, batiin ninyo ang mga nandoon.
13Kung ang bahay ay karapat-dapat, pumaroon ang inyong kapayapaan. Ngunit kung ito ay hindi karapat-dapat, hayaan ninyong bumalik ang inyong kapayapaan sa inyo.
14Sa mga hindi naman tumatanggap sa inyo o nakikinig sa inyong mga salita, kapag kayo ay umalis sa bahay o lungsod na iyon, pagpagin ninyo ang mga alikabok mula sa inyong mga paa.
15Totoo itong sinasabi ko sa inyo, mas mapagtitiisan pa ang lupain ng Sodoma at Gomorra sa araw ng paghuhukom kaysa sa lungsod na iyon.
16Tingnan ninyo, ipadadala ko kayo na parang mga tupa sa kalagitnaan ng mga asong lobo, kaya maging marunong kayo tulad ng mga ahas at hindi mapanakit tulad ng mga kalapati.
17Mag-ingat kayo sa mga tao! Dadalhin nila kayo sa mga konseho, at hahagupitin nila kayo sa kanilang mga sinagoga.
18At kayo ay dadalhin at ihaharap sa mga gobernador at mga hari dahil sa akin, bilang patotoo sa kanila at sa mga Gentil.
19Kapag dinala nila kayo, huwag kayong mabahala kung paano o kung ano ang inyong sasabihin, sapagkat ibibigay sa inyo ang mga dapat ninyong sabihin sa oras na iyon.
20Sapagkat hindi kayo ang magsasalita subalit ang Espiritu ng inyong Ama ang siyang magsasalita sa inyo.
21Dadalhin ng kapatid ang kaniyang kapatid sa kamatayan, at ang ama sa kaniyang anak. Sasalungat ang mga anak laban sa kanilang mga magulang at ipapapatay nila sila.
22Kamumuhian kayo ng lahat dahil sa aking pangalan. Ngunit sinuman ang makapagtitiis hanggang huli, ang taong iyon ay maliligtas.
23Kapag inusig nila kayo sa lungsod na ito, tumakas kayo sa kabila, sapagkat totoo itong sinasabi ko sa inyo, hindi ninyo matatapos na puntahan ang mga lungsod ng Israel bago dumating ang Anak ng Tao.
24Ang alagad ay hindi nakahihigit sa kaniyang guro, ni mas mataas ang lingkod sa kaniyang amo.
25Sapat na ang alagad ay maging katulad ng kaniyang guro, at ang lingkod na katulad ng kaniyang amo. Kung tinawag nilang Beelzebub ang amo ng bahay, gaano pa kaya nila ipapahiya ang buo niyang sambahayan!
26Samakatwid huwag ninyo silang katakutan, sapagkat walang lihim ang hindi nabubunyag, at walang natatago na hindi malalaman.
27Ang sinabi ko sa inyo sa kadiliman ay sabihin sa liwanag, at kung anong narinig ninyo ng mahina sa inyong tainga, ipahayag sa ibabaw ng mga bubungan.
28Huwag kayong matakot sa mga pumapatay ng katawan ngunit walang kakayahang pumatay ng kaluluwa. Sa halip, matakot kayo sa kaniya na kayang makapupuksa ng kaluluwa at katawan sa impyerno.
29Hindi ba ang dalawang maya ay ibinenta sa isang baryang maliit ang halaga? Ngunit wala ni isa sa kanila ang nalaglag sa lupa na hindi nalalaman ng Ama.
30At kahit na ang mga buhok ng inyong ulo ay bilang lahat.
31Huwag kayong matakot. Mas mahalaga kayo kaysa sa maraming maya.
32Samakatwid ang lahat na kumikilala sa akin sa harap ng mga tao ay kikilalanin ko din sa harap ng Ama na nasa langit.
33Ngunit ang magtanggi sa akin sa harap ng mga tao ay itatanggi ko din sa harap ng aking Ama na nasa langit.
34Huwag ninyong isipin na pumarito ako sa lupa upang magbigay ng kapayapaan. Hindi ako dumating upang magbigay ng kapayapaan, kundi isang espada.
35Sapagkat naparito ako upang paglabanin ang isang lalaki sa kaniyang ama, at ang anak na babae laban sa kaniyang ina, at ang manugang na babae laban sa kaniyang biyenan na babae.
36Ang magiging kaaway ng tao ay kaniyang sariling sambahayan.
37Ang nagmamahal sa kaniyang ama at ina nang higit sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. Ang nagmamahal sa kaniyang anak na lalaki at babae nang higit sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin.
38Ang hindi nagbubuhat ng kaniyang krus at sumunod sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin.
39Ang naghahanap ng kaniyang buhay ay mawawalan nito. Ngunit ang mawawalan ng buhay nang dahil sa akin ay makahahanap nito.
40Ang tumatanggap sa inyo ay tumatanggap sa akin, at ang tumatanggap sa akin ay tumatanggap din sa kaniya na nagsugo sa akin.
41Ang tumatanggap sa isang propeta dahil isang propeta siya ay makatatanggap ng gantimpalan ng isang propeta. At siya na tumatanggap sa isang matuwid na tao dahil matuwid na tao siya ay makatatanggap ng gantimpala ng isang matuwid na tao.
42Sinuman ang magbibigay sa isa sa mga hamak na mga ito, kahit na isang basong malamig na tubig upang inumin, dahil isa siyang alagad, totoo itong sasabihin ko sa inyo, hindi maaring mawala sa kaniya ang kaniyang gantimpala.”