Text copied!
CopyCompare
Ang Dating Biblia (1905) - Lucas - Lucas 12

Lucas 12:18-56

Play LogoGoogle Play  APK Logo APK
Click on verse(s) to share them!
18At sinabi niya, Ito ang gagawin ko: igigiba ko ang aking mga bangan, at gagawa ako ng lalong malalaki; at doon ko ilalagay ang lahat ng aking butil at aking mga pag-aari.
19At sasabihin ko sa aking kaluluwa, Kaluluwa, marami ka nang pag-aaring nakakamalig para sa maraming taon; magpahingalay ka, kumain ka, uminom ka, matuwa ka.
20Datapuwa't sinabi sa kaniya ng Dios, Ikaw na haling, hihingin sa iyo sa gabing ito ang iyong kaluluwa; at ang mga bagay na inihanda mo, ay mapapa sa kanino kaya?
21Gayon nga ang nagpapakayaman sa ganang kaniyang sarili, at hindi mayaman sa Dios.
22At sinabi niya sa kaniyang mga alagad, Kaya nga sinasabi ko sa inyo, Huwag kayong mangabalisa sa inyong pamumuhay, kung ano ang inyong kakanin; kahit sa inyong katawan, kung ano ang inyong daramtin.
23Sapagka't ang buhay ay higit kay sa pagkain, at ang katawan kay sa damit.
24Wariin ninyo ang mga uwak, na hindi sila nangaghahasik, ni nagsisigapas man; na walang bangan ni kamalig man; at sila'y pinakakain ng Dios: gaano ang kahigtan ng kahalagahan ninyo kay sa mga ibon!
25At sino sa inyo ang sa pagkabalisa ay makapagdaragdag ng isang siko sa sukat ng kaniyang buhay?
26Kung hindi nga ninyo magawa kahit ang lalong maliit, bakit nangababalisa kayo tungkol sa mga ibang bagay?
27Wariin ninyo ang mga lirio, kung paano silang nagsisilaki: hindi nangagpapagal, o nangagsusulid man; gayon ma'y sinasabi ko sa inyo, Kahit si Salomon man, sa buong kaluwalhatian niya, ay hindi nakapaggayak na gaya ng isa sa mga ito.
28Nguni't kung pinararamtan ng Dios ng ganito ang damo sa parang, na ngayon ay buhay, at sa kinabukasan ay iginagatong sa kalan; gaano pa kaya kayo na di niya pararamtan, Oh kayong mga kakaunti ang pananampalataya?
29At huwag ninyong pagsikapan kung ano ang inyong kakanin, at kung ano ang inyong iinumin, o huwag man kayo'y mapagalinlangang pagiisip.
30Sapagka't ang lahat ng mga bagay na ito ay siyang pinaghahanap ng mga bansa sa sanglibutan: datapuwa't talastas ng inyong Ama na inyong kinakailangan ang mga bagay na ito.
31Gayon ma'y hanapin ninyo ang kaniyang kaharian, at idaragdag sa inyo ang mga bagay na ito.
32Huwag kayong mangatakot, munting kawan; sapagka't nakalulugod na mainam sa inyong Ama ang sa inyo'y ibigay ang kaharian.
33Ipagbili ninyo ang inyong mga tinatangkilik, at kayo'y mangaglimos; magsigawa kayo sa ganang inyo ng mga supot na hindi nangaluluma, isang kayamanan sa langit na hindi nagkukulang, na doo'y hindi lumalapit ang magnanakaw, o naninira man ang tanga.
34Sapagka't kung saan naroroon ang inyong kayamanan, ay doroon naman ang inyong puso.
35Bigkisan ninyo ang inyong mga baywang, at paningasan ang inyong mga ilawan;
36At magsitulad kayo sa mga taong nangaghihintay sa kanilang panginoon kung siya'y bumalik na galing sa kasalan; upang kung siya'y dumating at tumuktok, pagdaka'y mabuksan nila siya.
37Mapapalad yaong mga alipin na kung dumating ang panginoon ay maratnang nangagpupuyat: katotohanang sinasabi ko sa inyo na siya'y magbibigkis sa sarili, at sila'y pauupuin sa dulang, at lalapit at sila'y paglilingkuran niya.
38At kung siya'y dumating sa ikalawang pagpupuyat, o sa ikatlo, at masumpungan sila sa gayon, ay mapapalad ang mga aliping yaon.
39Datapuwa't talastasin ninyo ito na kung nalalaman lamang ng puno ng sangbahayan kung anong oras darating ang magnanakaw, siya'y magpupuyat, at hindi pababayaang sirain ang kaniyang bahay.
40Kayo rin naman ay mangagsihanda: sapagka't sa oras na hindi ninyo iniisip, ang Anak ng tao ay darating.
41At sinabi ni Pedro, Panginoon, sinasabi mo baga ang talinghagang ito sa amin, o sa lahat naman?
42At sinabi ng Panginoon, Sino nga baga ang katiwalang tapat at matalino, na pagkakatiwalaan ng kaniyang panginoon ng kaniyang sangbahayan, upang sila'y bigyan ng kanilang bahagi na pagkain sa kapanahunan?
43Mapalad ang aliping yaon, na kung dumating ang kaniyang panginoon ay maratnang gayon ang ginagawa niya.
44Katotohanang sinasabi ko sa inyo, na sa kaniya'y ipagkakatiwala ang lahat niyang pag-aari.
45Datapuwa't kung sabihin ng aliping yaon sa kaniyang puso, Maluluwatan ang pagdating ng aking panginoon; at magpasimulang bugbugin ang mga aliping lalake at ang mga aliping babae, at kumain at uminom, at maglasing;
46Ang panginoon ng aliping yaon ay darating sa araw na di niya hinihintay, at sa oras na hindi niya nalalaman, at siya'y babaakin, at isasama ang kaniyang bahagi sa mga di tapat.
47At yaong aliping nakaaalam ng kalooban ng kaniyang panginoon, at hindi naghanda, at hindi gumawa ng alinsunod sa kaniyang kalooban ay papaluin ng marami;
48Datapuwa't ang hindi nakaaalam, at gumawa ng mga bagay na karapatdapat sa mga palo, ay papaluin ng kaunti. At sa sinomang binigyan ng marami ay marami ang hihingin sa kaniya: at sa sinomang pinagkatiwalaan ng marami ay lalo nang marami ang hihingin sa kaniya.
49Ako'y naparito upang maglagay ng apoy sa lupa; at ano pa ang iibigin ko, kung magningas na?
50Datapuwa't ako'y may isang bautismo upang ibautismo sa akin; at gaano ang aking kagipitan hanggang sa ito'y maganap?
51Inaakala baga ninyo na ako'y naparito upang magbigay ng kapayapaan sa lupa? Sinasabi ko sa inyo, Hindi, kundi bagkus pagkakabahabahagi:
52Sapagka't mula ngayon ay magkakabahabahagi ang lima sa isang bahay, tatlo laban sa dalawa, at dalawa laban sa tatlo.
53Sila'y mangagkakabahabahagi, ang ama'y laban sa anak na lalake, at ang anak na lalake ay laban sa ama; ang ina'y laban sa anak na babae, at ang anak na babae ay laban sa kaniyang ina; ang biyanang babae ay laban sa kaniyang manugang na babae, at ang manugang na babae ay laban sa kaniyang biyanang babae.
54At sinabi rin naman niya sa mga karamihan, Pagka nakikita ninyong bumangon sa kalunuran ang isang alapaap, ay agad ninyong sinasabi, Uulan; at gayon ang nangyayari.
55At kung humihihip ang hanging timugan, ay sinasabi ninyo, Iinit na maigi; at ito'y nangyayari.
56Kayong mga mapagpaimbabaw! marunong kayong mangagpaaninaw ng anyo ng lupa at ng langit; datapuwa't bakit di ninyo nalalamang ipaaninaw ang panahong ito?

Read Lucas 12Lucas 12
Compare Lucas 12:18-56Lucas 12:18-56