1Humiyaw ka ng malakas, huwag kang magpigil, ilakas mo ang iyong tinig na parang pakakak, at iyong ipahayag sa aking bayan ang kanilang pagsalangsang, at sa sangbahayan ni Jacob ang kanilang mga kasalanan.
2Gayon ma'y hinahanap nila ako araw-araw, at kinalulugdan nilang maalaman ang aking mga daan: na gaya ng bansa na gumawang matuwid, at hindi lumimot ng alituntunin ng kanilang Dios, hinihingan nila ako ng mga palatuntunan ng katuwiran; sila'y nangalulugod na magsilapit sa Dios.
3Ano't kami ay nangagayuno, sabi nila, at hindi mo nakikita? ano't aming pinagdalamhati ang aming kaluluwa, at hindi mo napapansin? Narito, sa kaarawan ng inyong pagaayuno ay masusumpungan ninyo ang inyong sariling kalayawan, at inyong hinihingi ang lahat ninyong gawa.
4Narito, kayo'y nangagaayuno para sa pakikipagkaalit at pakikipagtalo, at upang manakit ng suntok ng kasamaan: hindi kayo nangagaayuno sa araw na ito, upang inyong iparinig ang inyong tinig sa itaas.
5Iyan baga ang ayuno na aking pinili? ang araw na pagdadalamhatiin ng tao ang kaniyang kaluluwa? Ang iyuko ang kaniyang ulo na parang yantok, at maglatag ng magaspang na kayo at abo sa ilalim niya? iyo bang tatawagin ito na ayuno, at kalugodlugod na araw sa Panginoon?
6Hindi baga ito ang ayuno na aking pinili: na kalagin ang mga tali ng kasamaan, na pagaanin ang mga pasan at papaging layain ang napipighati, at iyong alisin ang lahat na atang?
7Hindi baga ang magbahagi ng iyong tinapay sa gutom, at dalhin mo sa iyong bahay ang dukha na walang tuluyan? pagka nakakakita ka ng hubad, na iyong bihisan; at huwag kang magkubli sa iyong kapuwa-tao?
8Kung magkagayo'y sisikat ang iyong liwanag na parang umaga, at ang iyong kagalingan ay biglang lilitaw; at ang iyong katuwiran ay mangunguna sa iyo; ang kaluwalhatian ng Panginoon ay magiging iyong bantay likod.
9Kung magkagayo'y tatawag ka, at ang Panginoon ay sasagot; ikaw ay dadaing, at siya'y magsasabi, Narito ako. Kung iyong alisin sa gitna mo ang atang, ang pagtuturo, at ang pagsasalita ng masama:
10At kung magmamagandang-loob ka sa gutom, at iyong sisiyahan ng loob ang nagdadalamhating kaluluwa; kung magkagayo'y sisilang ang iyong liwanag sa kadiliman, at ang iyong kadiliman ay magiging parang katanghaliang tapat;
11At papatnubayan ka ng Panginoon na palagi, at sisiyahan ng loob ang iyong kaluluwa sa mga tuyong dako, at palalakasin ang iyong mga buto; at ikaw ay magiging parang halamang nadilig, at parang bukal ng tubig, na ang tubig ay hindi naglilikat.
12At silang magiging iyo ay magtatayo ng mga dating sirang dako; ikaw ay magbabangon ng mga patibayan ng maraming sali't saling lahi; at ikaw ay tatawagin Ang tagapaghusay ng sira, Ang tagapagsauli ng mga landas na matatahanan.
13Kung iyong iurong ang iyong paa sa sabbath, sa paggawa ng iyong kalayawan sa aking banal na kaarawan; at iyong tawagin ang sabbath na kaluguran, at ang banal ng Panginoon na marangal; at iyong pararangalan, na hindi ka lalakad sa iyong mga sariling lakad, ni hahanap ng iyong sariling kalayawan, ni magsasalita ng iyong mga sariling salita:
14Kung magkagayo'y malulugod ka nga sa Panginoon; at pangangabayuhin kita sa mga mataas na dako sa lupa; at pakakanin kita ng mana ni Jacob na iyong ama; sapagka't sinalita ng bibig ng Panginoon.